Inday TrendingInday Trending
Pinagbubuhatan ng Kamay ng Lalaki ang Anak sa Tuwing Umaatras ang Isang Negosiyante, Ito ang Nagdala sa Kaniya sa Kulungan

Pinagbubuhatan ng Kamay ng Lalaki ang Anak sa Tuwing Umaatras ang Isang Negosiyante, Ito ang Nagdala sa Kaniya sa Kulungan

“Talaga bang wala kang balak na tulungan ako, Scarlet, ha! Ilang beses ko bang dapat isaksak sa utak mo na pakitunguhan mo nang ayos ‘yong anak ni Mr. Santos? Ayan tuloy, kinansela na naman niya ang pagbibigay ng tulong sa kumpanya ko!” bulyaw ni Karl sa kaniyang anak, isang gabi nang makatanggap siya ng mensahe sa sekretarya niyang umurong na naman sa kanilang negosyo ang sinusuyo niyang mayamang lalaki.

“Eh, papa, palagi ko nga pong kasama ang anak niyang si Jesie, eh, akala nga po ng mga kaklase namin, magkarelasyon na po kami,” tugon ng kaniyang anak, kitang-kita sa mukha nito ang pagkatakot lalo na nang hubarin na niya ang kaniyang sinturon.

“Kung palagi mong kasama ‘yon, bakit kinansela pa rin ang perang ibibigay sa akin, ha? Tigil-tigilan mo ang pagsisinungaling sa akin, Scarlet! Siguro, sinampal mo na naman ‘yon, ano? Sumagot ka!” sigaw niya dahilan upang mapaiyak ang kaniyang anak at imbis na maawa, hinagupit niya ito ng hawak na sinturon.

“Hindi po, papa, pangako, magkaibigan na po kami ngayon!” sigaw nito habang umiiwas sa mga hagupit niya. “Huwag kang magsinungaling!” bulyaw niya habang buong lakas na hinampas ang anak. “Aray ko po, papa, tama na po!” iyak nito.

Dahil laki sa hirap, ginawa ni Karl ang lahat upang magtagumpay sa buhay. Wala siyang pakialam kung may matapakan man siyang tao. Ang tanging importante lang sa kaniya, matupad niya ang pangarap na maging bilyonaryo.

Ito ang dahilan upang bigla siyang layasan ng kaniyang asawa kasama ang bunso nilang anak. Ngunit imbis na hanapin niya ito, nagpasalamat pa siyang nawala siya ng mga palamunin. ‘Ika niya pa, “Ang babaeng ‘yon, iniwan pa sa’kin ‘tong si Scarlet! Ang batang ‘to pa naman ang may pinakamagastos na pag-aaral! Nakakainis talaga ‘yon! Mabuti na lang at hiwalay na kami!” saka siya napangisi.

Bigla namang nag-iba ang tingin niya sa kaniyang anak na dalaga nang malaman niyang nagkakagusto rito ang anak ng isa sa pinakamatagumpay na negosiyante sa buong bansa. Ginamit niya ang anak upang mapalapit sa naturang negosiyante dahilan upang unti-unti niyang makuha ang loob nito.

Ngunit hindi nagtagal, nang unti-unting kumawala ang negosiyanteng iyon sa kaniyang kumpanya, doon na niya sinimulang pagbuhatan ng kamay at pagsalitaan ang kaniyang anak.

Pinipilit niya itong makisama sa anak na binata ng negosiyanteng iyon at tila nagtagumpay naman siya dahil kapag sumasama ang anak niya doon, muling nagbibigay ang naturang negosiyante.

Kaya lang, ngayong pagkakatao’y tuluyan nang pinutol ng mayamang lalaking iyon ang koneksiyon sa kaniya dahilan upang labis siyang manggalaiti sa anak na pinaghihinalaan niyang gumawa ng hindi maganda sa anak nito.

Noong gabing iyon, inubos niya ang inis at galit na nararamdaman sa paghagupit sa anak na tila hindi na makaiyak sa sobrang sakit na nararamdaman. Kung wala pang tumawag sa kaniya, hindi niya ito titigilan.

Bumuntong hininga muna siya bago niya sinagot ang tawag na mula sa hindi niya kilalang numero at halos maihagis niya ang selpon nang marinig niya ang boses ni Mr. Santos at pinapalabas siya ng kaniyang bahay.

Agad niyang inayos ang sarili’t lumabas ng kanilang bahay. Ngunit kakabukas niya pa lang ng kanilang pintuan, posas na ang pumalatik sa kaniyang mga kamay.

“Totoo pala ang sumbong ng mga anak mo, sana matagal ko nang ginawa ito,” sambit ni Mr. Santos na labis niyang kinagulat. Pilit niyang tinanggi ang mga paratang nito sa kaniya ngunit imbis na pakinggan siya, binalya lang siya nito’t binuhat papuntang sasakyan ang anak niyang hinang-hina na.

Imbis na sumuko, inalok niya pa ng pera ang mga pulis para lang siya’y pakawalan. ‘Ika niya, “Maghati-hati na kayo sa mga pera ko, huwag niyo lang akong ikulong, parang awa niyo na!” ngunit imbis na siyang sang-ayunan, pinagtawanan lang siya ng mga ito’t sinabing ang katulad niyang gahaman at masamang ama’y dapat mabulok sa kulungan.

Tuluyan nga siyang nakulong at nasintensiyahan ng matagal na pagkakakulong dahilan upang labis siyang magsisi. Halos gabi-gabi niyang iniisip ang kaniyang maling pagpapalakad sa kaniyang kumpanya’t pagpapalaki sa kaniyang anak dahilan upang labis siya’y maiyak na lang.

Napagtanto niyang siya’y tunay ngang nagkamali. ‘Ika niya, “Kung ito lang talaga ang paraan upang maituwid ang baluktot kong buhay, tatanggapin ko. Ang tanging panalangin ko lang ngayon, sanay dalawin at mapatawad ako ng anak ko,” aniya saka niya pinunasan ang luhang pumapatak sa kaniyang mga mata.

Advertisement