Inday TrendingInday Trending
Lumaki ang Ulo ng Dalagang ito Nang Siya’y Sumikat, ito ang Nagpalaos sa Kaniya

Lumaki ang Ulo ng Dalagang ito Nang Siya’y Sumikat, ito ang Nagpalaos sa Kaniya

“Ma’am Andrea, may biglaang proyekto po kayo, bukas na po ang shooting ng pelikula. Tatanggapin niyo po ba ito?” bulong ni Give sa kaniyang amo dahilan upang mapatigil ito sa pakikipagchikahan sa bisita, isang araw nang makatanggap siya ng isang mensahe mula sa direktor ng isang pelikula.

“Anong pelikula ‘yan? Saglit!” sambit ni Andrea sa kaniyang sekretarya, saka muling kinausap ang kaniyang kaibigan, “Tingnan mo, sikat na sikat na talaga ako, ano? Alam mo ba minsan nga, magigising na lang ako sa tawag ng isang direktor na nagmamakaawang umarte ako para sa pelikula niya!” pagmamayabang niya pa rito saka humigop nang kaunting juice sa kaniyang baso.

“Grabe, iba ka na pala talaga! Baka naman hindi kalaunan, makalimutan mo na ako, ha?” biro nito saka siya bahagyang tinapik.

“Hindi imposibleng mangyari ‘yon sa dami ng mga ginagawa ko!” pabalang niyang sambit saka nagpahid ng alkohol sa bahaging tinapik ng kaibigan dahilan upang mapasimangot na lang ito, “Hoy, alalay, pakisabi kay direk pupunta ako bukas. Alam na nila kung anong gusto ko tuwing umaga, ha? Kapeng malamig at cake,” pabalang niyang utos sa sekretarya, tumango-tango lang ito’t agad na nagpipindot sa kaniyang selpon. Nagpaalam na rin siya sa kinatagpong kaibigan at agad nang umuwi sa kaniyang bahay.

Nangangarap lang noon na maging artista ang dalagang si Andrea. Palagi siyang umiiyak, sumasayaw at kumakanta sa harap ng luma nilang salamin habang isinasautak niya lahat nang nais niyang mangyari kapag siya’y nakapagpakitang gilas na sa harap ng maraming tao.

Tila umayon naman ang tadhana sa kaniya dahil nang may mag-shooting malapit sa kanilang lugar ng isang pelikula, biglang naghanap ng extra dahilan upang hindi niya sayangin ang oportunidad na ito at labis na nagpabibo.

Doon na nga nagsimula ang kaniyang pagsikat. Maraming nagkadamayaw sa kaniyang mga talento. Sa katunayan nga, tinagurian pa siyang “triple master” dahil sa galing niya sa pag-arte, pagkanta’t pagsayaw.

Ngunit halos ilang buwan lang ang lumipas simula nang makilala siya, lumabas naman ang ugali niya dahilan upang unti-unting mawala ang mga umiidolo sa kaniya. Pero ika niya, “Naku, napakarami kong tagahanga! Hindi kawalan ‘yang mga taong biglang umayaw sa akin! Eh, ganito ang ugali ko, eh, may magagawa ba sila?” dahilan upang maging sakit siya sa ulo ng kaniyang sekretarya’t manager.

Kinabukasan matapos niyang malaman ang alok ng isang direktor, nagpahuli siyang dumating sa binigay na lokasyon dahilan upang magalit sa kaniya ang direktor at agad siyang bungangaan pagdating niya. Ngunit imbis na humingi ng tawad, ang tanging sambit niya lang, “Nasaan ang malamig na kape ko’t cake?” dahilan upang labis itong magwala.

Inawat ito ng ibang staff doon at siya’y dinala sa tent na nakatakda sa kaniya.

“Ma’am Andrea, baka po pupwedeng aralin niyo po muna itong mga dialogue niyo bago po kayo lumabas, para mapakalma na rin po si direk,” magalang na sambit ng isang trabahador doon.

“Teka, isang pahina lang ang dialogue ko?” labis niyang pgtataka.

“Ah, eh, opo, bakit po? Extra lang po kayo rito, tatlo o apat na dialogue lang po ‘yan tapos kakanta ka lang po kayo,” paliwanag nito na labis niyang ikinagalit.

Hinablot niya ang naturang papel at ibinato niya ito sa direktor na kanina pa nanggagalaiti sa kaniya.

“Tingnan mo ba pang-extra lang ako, ha? Hindi mo ba alam na maraming nagmamakaawa sa’kin na siputin ko sila sa shooting? Tapos sabit lang pala ako sa pelikulang ito?” bulyaw niya rito.

“Kahit kailan talaga, hindi ka nagbabasa ng kontrata! Oo, extra ka lang, bakit? Maganda ba ang ugali mo para kuhanin kang bida? Saka, wala kang maloloko rito, Andrea, alam naming lahat na unti-unti ka nang nabubulok dahil sa sama ng ugali mo! Magising ka na, palaos ka na! Dapat nga magpasalamat ka pa sa akin na kinuha kitang taga-kanta!” sigaw nito sa kaniya dahilan upang labis na mag-init ang kaniyang ulo’t siya’y magwala roon at pagbabatuhin ang mga gamit doon.

Dahil doon, sapilitan siyang tinanggal sa proyektong iyon. Buong akala niya’y doon na ‘yon nagtatapos ngunit may nakakuha pala ng bidyo ng kaniyang pagwawala dahilan upang labis siyang kagalitan ng mga tao.

Doon na tuluyang nasira ang pangalan niya sa madla at ni isang proyekto, wala na siyang natanggap. Sising-sisi man siya at nais na bumawi, hindi niya ito magawa dahil mahirap na muling buuin ang pangalang nalatakan na.

Advertisement