Inday TrendingInday Trending
Paggawa ng Komiks ang Naisip na Paraan ng Binatang ito Upang Magtagumpay, Matapos niya kaya ito kahit walang Suporta ng Pamilya?

Paggawa ng Komiks ang Naisip na Paraan ng Binatang ito Upang Magtagumpay, Matapos niya kaya ito kahit walang Suporta ng Pamilya?

“Wala ka bang ibang alam na gawin kung hindi ang mag-drawing ng komiks, Miguel? Para saan pa’t nagtapos ka ng pag-aaral kung buong maghapon kang nakasubsob d’yan sa kompyuter mo? Diyos ko naman, maghanap ka naman ng trabaho!” bulyaw ni Aling Rowena sa kaniyang anak, isang gabi nang madatnan niya itong abala sa pagguguhit.

“Mama, ito po ang trabaho ko. Pangako, balang-araw, sisikat ‘to at makakabawi rin ako sa inyo!” masiglang sagot ni Miguel ngunit imbis na matuwa’t suportahan, lalo pa siyang nakatanggap ng sermon dito dahilan upang siya’y mapatungo na lang.

“Kailan pa ‘yon, Miguel? Kapag pumanaw na ako? Halos iginapang ka namin ng tatay mo para makapagtapos ka! Nagtinda kami ng mga kakanin, mga damit at kung anu-ano pa! Tapos ‘yan lang ang igaganti mo?” galit pang sabi nito saka siya inambaan ng suntok kaya naman agad siyang napaiwas.

“Magtiwala po kayo sa akin, mama,” sambit niya habang nakasangga ang kaniyang kamay sa mukha.

“Ewan ko sa’yo! Kaunti na lang, papalayasin na kitang palamunin ka!” bulyaw pa nito saka padabog na lumabas sa kaniyang silid, pagkalabas ng ina, doon na niya nilabas ang lahat ng sama ng loob at nagsimulang umiyak habang pigil-pigil ang paghikbi.

Magtatatlong taon na simula nang makapagtapos sa kolehiyo ang binatang si Miguel. Simula noon, ni isang trabaho, wala siyang napasukan dahil sa pagkatutok niya sa ginagawa niyang komiks dahilan upang halos araw-araw, mapagabi man o umaga, bunganga ng kaniyang ina ang umaalingawngaw sa kaniyang silid.

Hindi naman niya masisi ang ina sa galit nito sa ginagawa niya dahil kung tutuusin nga naman, napakatagal na panahon na ang nasayang niya. Palagi pang sinasabi ng kaniyang ina, “Kung pinagpatuloy mo ang pag-aabroad, sana, may bahay at lupa na tayo!” dahilan upang unti-unti siyang panghinaan ng loob sa kaniyang ginagawa.

Ngunit kada maiisip niya kung gaano na katagal at kaganda ang ginagawa niyang komiks, doon siya muling nagkakaroon ng pag-asa sa tagumpay na kaniyang inaasam-asam. Paniniwala niya, at malakas ang kutob niya na kapag ito’y natapos na, maraming tao ang tatangkilik dito kahit pa ang uri ng babasahing ito ay palaos na dahil sa mga teknolohiya.

Subalit, noong gabing iyon, nang marinig niyang nais na siyang palayasin ng ina, tila nagdalawang-isip na naman siya sa kaniyang ginagawa.

Minabuti niya munang mamahinga at umiyak sa paborito niyang unan. Tanging panalangin niya, “Diyos ko, kung ito talaga ang nais Mong gawin ko, bigyan mo ako ng sapat na lakas. Parang-awa mo na,” saka niya isinubsob ang sarili sa naturang unan.

Tila dininig naman ng Panginoon ang kaniyang panalangin dahil ilang araw lang ang nakalipas, saktong pagpapasiya ng kaniyang ina na siya’y palayasin na upang magising sa kahibangan, natapos na niya ang komiks na kaniyang ginagawa. Dali-dali niya itong pinasa sa kumpanyang kakilala niyang gumagawa ng libro, at dahil sa kagandahan ng kwento’t guhit nang gawa niyang babasahin, agad itong nailathala kinabukasan na labis niyang ikinatuwa.

Pagkauwing-pagkauwi niya kinabukasan, tumambad sa kaniya ang male-maleta niyang gamit na nasa labas na ng kanilang gate. Pilit man siyang sumigaw at magmakaawa sa ina na papasukin na siya’t may maganda siyang balita, hindi siya nito iniintindi dahilan upang mapilitan siyang makisilong sa isa sa kaniyang mga kaibigan.

Ganoon na lang ang kalungkutang nararamdaman niya. Hikbi niya sa kaibigan noong araw na ‘yon, “Natupad ko nga ang pangarap ko, wala na naman ako sa puder ng mga taong inspirasyon ko sa tagumpay na ito,” saka niya inilabas lahat ng sama ng loob na mayroon siya.

Ngunit, ang kalungkutang mayroon siya, napalitan ng saya kinabukasan dahil sinundo siya ng kaniyang ina at may bitbit-bitbit pang taho na paboritong-paborito niya.

“May nakasalubong lang ako na magtataho kaya bumili ako,” sambit nito nang hindi tumitingin sa kaniya dahilan upang yakapin niya ito’t doon na sila nagsimulang mag-iyakan.

Labis itong humingi ng tawad sa kaniya na ikinasaya niya naman. Halos atakihin naman ito ng hika sa tuwa nang ibalita niyang ang gawa niyang komiks ay lalabas na’t mababasa na ng madla sa susunod na buwan. Mangiyakngiyak itong yumakap muli sa kaniya’t labis na nagsisisi sa suportang hindi naibigay sa kaniya.

Katulad ng kaniyang inaasahan, pagkalipas ng isang buwan, umingay sa buong bansa ang gawa niyang komiks na tungkol sa isang estudyanteng pinili ang larangan ng sining kaysa magtrabaho at doon na siya nakapagsimulang mag-ipon at bumawi sa kaniyang mga magulang.

Advertisement