Inaway Nila ang Pulubi na Namamalimos sa Parke; Isang Gintong Aral pala ang Hatid Nito
“Ano? Ready na ba lahat?”
Bakas ang pagkasabik sa boses ni Lani habang inihahanda na ang sasakyang gagamitin nilang magkakaibigan.
“Tara!” sabay-sabay nilang sigaw pabalik habang isa-isang sumasakay sa sasakyan.
Ngiting-ngiti ang magkakatropa dahil sa gala nila ngayong araw. Ilang araw din silang hindi nagkita dahil busy sa trabaho.
Ang pagkakaibigan nila ay nagsimula sa bahay-ampunan kung saan sila nagkakilala.
Masaya ang magkakaibigan na hanggang ngayon ay magkakasama pa rin sila kahit na maganda at maayos na ang kani kanilang buhay. Nagpapasalamat si Lani dahil wala ni isa man sa kanila ang nagbago at nanatili silang magkakaibigan.
Napag-usapan nilang tumungo sa parke upang mag-picnic. Hilig nila itong gawin simula noong mga bata pa sila kaya’t gusto ulit nila itong gawin upang magbalik-tanaw.
Tahimik na nagmamaneho si Lani at pinapakinggan ang mga kwentuhan at asaran ng mga kaibigan. Paminsan-minsa’y tumatango o umiiling siya bilang sagot kapag kinakausap siya.
“Hay naku! Naalala ko noong huling beses na nag-picnic tayo, hindi ba’t ikaw rin ang driver namin, Lani?” natatawang sambit ni Josh, isa sa mga magkakaibigan.
“Oo nga eh, ginawa niyo na ‘kong driver niyo!” pabirong inirapan ni Lani ang lalaki, dahilan upang magtawanan ang mga nasa loob ng sasakyan.
“Hindi talaga mawawala ang asaran lalo pa’t excited dahil na-miss ang isa’t-isa,” pagsabat naman ni Sam na nagsisimula nang kumain sa passenger seat.
“Na-miss? Ew!” maarting reklamo ni Cindy sa likod at nagkunwaring nasusuka dahil sa salitang “miss.” Gumaya rin ang iba pa dahilan upang muling mapairap si Lani.
“OA!” buska ni Lani dito. Muling sumabog ang tawanan.
Kahit ganoon ay alam nila sa kanilang mga sarili na totoo ang sinabi ni Sam, talagang na-miss nila ang isa’t-isa. Mabuti na lamang ay nagkaroon sila ng pagkakataon na mag-bonding ngayong araw.
Kalahating oras lamang ng pagda-drive ay nakarating na sila sa kanilang destinasyon. Isa-isang bumaba ang magkakaibigan at inilabas ang mga gagamitin sa pagpi-picnic.
Kaunti lamang ang tao sa parke na gaya rin nila ay parang naisipan lang din tumambay. Napangiti si Lani nang dumapyo sa kaniyang pisngi ang malamig at preskong hangin.
Dahil maagang nakarating sa parke ay nagpasya ang magkakaibigan na maglibot-libot muna.
Sa kanilang pag-iikot ay isang babaeng siguro ay kaedad lamang nila ang kanilang namataan. May karga itong maliit na anak at may isa pang batang kasama nito ang naglalaro sa paligid. Tantiya nila ay nasa limang taon ang edad ng bata.
Napagtanto nila na ito ay pulubi na nag-iikot upang maghanap ng makakain.
“Pahingi po ng pagkain ninyo, para po sa mga anak ko. Hindi pa po kasi kami nakain simula kahapon,” nanginginig na sambit ng babae habang nakalahad ang kamay.
Magsasalita na sana si Lani nang inis na magsalita si Josh.
“Naku! Mag-aanak ka tapos hindi mo naman kayang buhayin?”
Nagulat ang lahat sa sinabi ni Josh. Ngunit bilang mga laking ampunan ay naunawaan nila kung bakit nagsalita ng ganun ang kaibigan.
“Kawawa naman ang mga bata! Hindi ka na dapat nagbuntis kung hindi mo naman pala sila kayang bigyan ng magandang buhay,” sinundan pa ito ng mahinang tinig ni Cindy. Matiim itong nakamasid sa mga bata.
Mababakas sa tinig nito ang hinanakit. Marahil ay nakikita nito ang sarili niya sa mga ito.
Sabay na naglakad papalayo sina Josh at Cindy. Ayaw kasi nila na may masabi pang masakit.
Lubos na nauunawaan ng magkakabarkada sina Josh at Cindy. Sa kanila kasing lima, ang dalawa ang iniwan sa ampunan ng mga magulang. Si Lani, Sam, at Dino ay napunta lamang sa ampunan dahil sila ay mga ulilang lubos na.
Agad na sumunod sina Lani upang pakalmahin ang mga kaibigan.
Tuluyan silang umalis nang hindi nabibigyan ng pagkain ang mag-iina. Hindi rin namalayan na sa kanilang pagmamadali ay naiwanan nila ang iilan sa mga lalagyan ng pagkain.
“Josh, Cindy, ‘wag niyo nang isipin pa ang nangyari. Sigurado ako na may mabigat na rason ang mga magulang niyo kaya niya kayo iniwan. Sana ay tuluyan niyo nang limutin ang nakaraan, lalo pa’t naging maayos naman ang buhay natin,” mahabang paliwanag ni Lani sa dalawa.
Ilang minuto pa ay nakahanap sila ng lugar na pagpupwestuhan. Si Josh at Cindy naman ay tuluyan nang kumalma. Ayaw din naman ng dalawa na masira ang araw na pinaghandaan nilang magkakaibigan.
Kasalukuyan nilang inihahanda ang mga pagkain nang may napansin silang kakaiba.
“Parang kulang ang containers na dinala niyo? Bakit parang ang konti nito? Kasaya ba ito sa ating lima?” nagtatakang usisa ni Sam habang kinakalkal ang lalagyan ng pagkain.
“Sinigurado ‘kong kumpleto ‘yan, Sam,” agad na pagdepensa ni Dino. Ito kasi ang nakatoka sa paghahanda ng kanilang pagkain.
“Hindi kaya’t ninakaw ng mga pulubi yung ibang pagkain?” Mataas ang boses ni Josh.
“Huwag tayong magbintang, okay–” naputol ang pagsasalita ni Lani nang may sumabad na boses mula sa kanilang likuran.
“Naiwan ninyo po ito kanina.”
Nalingunan nila ang babaeng pulubi na nakausap nila kanina. Kipkip nito ang kanina’y hinahanap nilang mga baunan na may lamang pagkain.
Natahimik ang lahat. Napahiya sa akusasyong ibinato sa pamilya.
“Pasensiya na kung hindi ko mabuhay ng maayos ang mga anak ko, mahirap talaga ang buhay eh. Lahat naman siguro tayo ay nahihirapan, hindi ba?” malungkot na wika ng babae.
“Pero alam kong hindi ko kakayanin kung mawawala sa akin ang mga anak ko. Kaya naman pilit ko silang binubuhay. Ikamamat*y ko kapag nawala sila sa akin,” maluha luhang wika ng babae.
Tumalikod na ang babae. Naglalakad na ito palayo nang magsalita si Josh.
“Sandali, sandali! Pasensiya na sa mga sinabi ko. Hindi ko man lang inalam ang lagay ninyo at pinagsalitaan kayo ng masama,” mahinang sambit ni Josh. Bakas sa tinig nito ang pagsisisi.
Napahinto ang babae. Ngunit hindi lumingon. Pero alam nilang umiiyak ito, dahil sa pag-alog ng mga balikat nito.
“Pasensiya na rin. Lumaki kasi kami sa ampunan dahil iniwan kami ng mga magulang namin na ni hindi man lang namin nakilala. Marahil ay nakita namin ni Josh ang sarili namin sa mga anak mo, kaya naman napangunahan kami ng emosyon. Pero mali na hinusgahan namin ang pagiging magulang mo,” pagpapaliwanag din ni Cindy.
Namayani ang katahimikan. Hanggang sa isang munting tinig ang bumasag sa katahimikan.
“Mama, pagkain!” wika ng munting bata habang nakaturo sa pagkain.
Tila yelong natunaw ang anumang hindi nila pagkakaunawaan at sabay sabay nilang tinawanan ang walang muwang na anghel.
“Bakit hindi niyo kami saluhan? Marami kaming dalang pagkain,” nakangiting himok ni Lani sa mag-anak.
“Naku, hindi na–”
“Tanggapin niyo na. Bilang sorry na rin sa anumang nasabi ng mga kaibigan namin. Masarap akong magluto, hindi kayo magsisisi,” pabirong pagyayabang ni Dino.
Muling silang nagtawanan. Tuluyan namang nahimok ang mag-anak na makikain sa magkakaibigan.
Masaya silang nagkuwentuhan habang nagsasalo salo sa masasarap na pagkaing luto ni Dino.
“Walang magulang na ginustong mapasama ang kanilang mga anak. Anumang dahilan ng mga magulang niyo para abandunahin kayo, siguradong akong ginawa nila para sa ikabubuti ninyo,” payo ng babae, na nagpakilalang si Angela, kay Josh at Cindy.
Tumatak ang sinabi ni Angela sa dalawang magkaibigan. Simula noon ay pinili na ni Josh at Cindy na mamuhay nang walang hinanakit sa puso. Ipinagdasal na lamang nila na kung nasaan man ang kanilang mga magulang, sana ay nasa mabuting kalagayan ang mga ito.
Si Lani naman, na lubhang nahabag sa sitwasyon ng mag-iina, ay tinulungan si Angela na makapasok nilang kusinera sa pinagtatrabahuhan nito.
Unti-unting nakabangon ang mag-anak, hanggang sa makahanap sila ng maliit na bahay na maari nilang tirahan upang hindi na sila magpalaboy-laboy.
Dahil likas na mabait ay tuluyan nang naging bahagi si Angela ng barkada. Malaki ang pasasalamat niya sa Diyos na hindi niya sinukuan ang pagiging ina, at nakahanap siya ng mga tunay na kaibigan.