Isang Espesyal na Estudyante ang Dumaan sa Buhay ng Guro; Makalipas ang Mahabang Panahon ay Muli Silang Nagtagpo
“Francisco Luna?”
Walang umimik sa mga estudyante ni Bb. Lopez kaya naman nag-angat siya ng tingin at nilingon niya ang pwesto ng nasabing estudyante.
Napabuntong-hininga na lamang siya. Kagaya ng madalas na sitwasyon ay bakante na naman iyon.
“Liban na naman siya. Wala bang nakakaalam kung bakit siya liban ngayon?” tanong niya sa mga estudyante.
Umiling ang mga ito bilang sagot.
Sanay na siya na parating wala si Kiko at kung nandiyan man ay halos hindi rin nila madama ang presensiya nito.
Hindi ito nakikipag-usap sa kanino man, hindi sumasagot sa klase at parating naka-ub-ob sa mesa at tulog.
“May isa akong kakaibang estudyante,” isang beses ay kwento niya sa kapwa guro na si Bb. Bautista.
Ngumiti naman ito sa kaniya, bago nagbiro. “Mayroon akong 45 na kakaibang estudyante.”
Umiling siya at ipinaliwanag kung bakit kakaiba si Kiko sa kaniyang mga estudyante.
Sa huli ay pinayuhan siya nito na basahin ang mga talaan nito mula sa dati nitong guro kaya naman iyon ang ginawa niya kinagabihan.
Ayon sa guro nito noong una at ikalawang baitang ay masiyahin at matalino si Kiko. Nangunguna ito sa klase at maraming kaibigan.
Noong ikatlong baitang nagbago ang ulat ukol sa bata: “Tahimik si Kiko at ‘di na gaya ng dati. Marahil ay ‘di niya pa tanggap ang pagpanaw ng kaniyang ina.”
Ikaapat at ikalimang baitang: “Walang gana si Kiko. Mabait pa rin siya at magalang ngunit walang kibo at walang kahit sinong kinakausap.”
Gulat na gulat ang guro sa kaniyang mga nalaman. ‘Di akalain na may malungkot na kwento pala ang kaniyang estudyante.
“Magandang umaga po, ma’am.”
Kinabukasan, isang payat, maliit at may suot na napakagusot na uniporme na Kiko ang bumungad sa kaniya.
Ngumiti siya dito at pinanood ang pag-ub-ob nito sa kaniyang mesa.
“Bakit ka absent kahapon, Kiko?” tanong niya rito.
“Pasensiya na po ma’am. Kinailangan ko pong magtinda ng pandesal para may pangkain at baon ako ngayon.”
Ikinuwento nito sa kaniya nagtatrabaho sa ibang bansa ang ama nito, na bihira na rin magpadala – kung minsan ay sang beses sa isang buwan, minsan ay wala, kaya kailangan nitong gumawa ng paraan para makaraos.
Awang-awa siya rito nang marinig ang kaniyang kwento. Sa mura nitong edad ay marami na itong iniisip.
“Kiko, hayaan mong tulungan kita. Ganito, ikaw ang uutusan ko sa ilang bagay na upang mapanatili ang kaayusan ng classroom natin. Bilang kapalit ay babayaran kita.”
Tuwang-tuwa si Kiko dahil sa kaniyang sinabi. Niyakap siya nito at nagpasalamat ito ng maraming beses sa kaniya.
Sumapit ang araw ng mga guro. Maagang pumasok si Kiko para tulungan siya sa paglilinis ng kanilang silid-aralan.
Nagdagsaan ang regalo ng kaniyang mga estudyante. Puro mamahaling mga gamit at tsokolate ang natanggap niya.
“Ako rin po may regalo,” sabi ni Kiko bago nahihiyang iniabot sa kaniya ang regalo nito. Maganda ang pagkakabalot nito gamit ang lumang diyaryo.
“Pasensiya na po, wala pa po kasi akong pambili ng mamahalin.”
Umiling siya at ngumiti dito. “Hindi ko naman kailangan ng mamahaling regalo. ‘Yung maalala niyo ako ay higit pa sa sapat.”
Binuksan niya ang regalo at bahagya siyang nagtaka nang makitang ang laman nito ay isang may kalumaan ngunit magandang puti na bestida at isang pabango na nangangalahati na ang laman.
“Kay mama po ‘yan. Iyan po ang paborito niyang bestida at paboritong pabango. Pasensiya na po, sa susunod ay bibili po ako ng mas maganda,” nakangiwing paliwanag ni Kiko.
Nangilid ang luha ni Bb. Lopez. “Maraming Salamat, Kiko. Ito ang pinakamagandang regalong natanggap ko.”
Bukod sa pinansiyal na pagtulong kay Kiko at tinuturuan rin ito ng guro sa mga aralin na hindi niya maintindihan hanggang sa unti-unti ay naging aktibo na ulit ito sa klase at bumalik ang pagiging palakaibigan.
Tumaas rin ang mga grades nito kaya naman tuwang-tuwa sila habang tinitingnan ang matataas nitong grades.
Dumating ang huling araw ng klase.
“Maraming salamat po sa lahat, ma’am. Kayo po ang pinaka-paborito kong guro sa lahat. Para na po kitang pangalawang ina.”
Sinabi rin nito na kinukuha ito ng isang tiyahin para mag-aral sa Maynila ng hayskul at susuportahan ito sa pag-aaral.
Ang araw ng pagtatapos ang huling pagkakataon na nakita niya ito. Binigyan pa siya nito ng mahigpit na yakap.
Hindi niya makakalimutan si Kiko, gaano man karami ang estudyante na nakasama niya at gaano katagal man na panahon ang lumipas.
Matapos ang ilang taon ay dumating ang isang sulat.
Excited niya itong inusisa nang mapag-alamang nanggaling ito kay Kiko.
Ayon dito ay tapos na ito sa hayskul at nagpaplano itong maging doctor.
Napangiti siya nang mabasa ang mga salitang, “Ikaw pa rin ang paborito kong guro, ma’am.”
Ilang taon pa ang lumipas at isang sulat ang muling dumating mula kay Kiko, kalakip ang isang litrato nito sa itim na toga.
“Ma’am, tapos na po ako sa kolehiyo at kasalukuyan na akong nagtatrabaho sa isang malaking ospital. Plano ko pong magpakadalubhasa upang mas maraming tao ang aking matulungan,” pagkukwento nito.
Sa huling bahagi ng liham ay hindi siya nabigo nang makita ang mga salitang, “Matagal na panahon na ang lumipas, subalit ikaw pa rin ang pinaka-paborito kong guro, ma’am.”
Pagkatapos ng ilan pang dekada, retirado na si Bb. Lopez. Hindi na siya nakapag-asawa ngunit masaya at maganda ang kaniyang buhay kasama ang mga pamangkin.
Dumating muli ang sulat at ang kasama ang isang litrato ni Kiko kasama ang isang magandang babae. Ayon dito ay nahanap na nito ang babaeng ihaharap nito sa dambana.
“Pwede po ba kayong dumalo sa aking kasal? Nais kong kayo ang maghatid sa akin sa altar.”
Pumanaw na raw kasi ang ama nito ilang taon na ang lumipas. Para raw dito ay siya ang kaniyang pangalawang magulang. Ang paboritong nitong guro.
Hindi siya nagdalawang-isip pumayag dahil anak na rin naman ang turing niya dito.
Sa araw ng kasal ay isinuot niya ang regalo nitong iningatan niya – ang puting bestida at ang pabango.
“Maraming salamat po sa pagdala.” Niyakap siya ni Kiko, na ilang taon na ang lumipas ngunit hindi kailanman nakalimot.
Naging emosyonal ito nang makita ang kaniyang suot at nang maamoy ang pamilyar na amoy.
“Para po kayong si mama,” naluluhang wika pa nito.
Humawak na siya sa braso nito habang nag-uumpisa na ang kasal. Maririnig ang malamyos na musika.
“Kayo po ang nagbago sa aking buhay. Kung hindi ninyo po ako tinulungan, baka hindi ako naka-recover sa pagkawala ni mama at baka wala po ako rito ngayon,” bulong ni Kiko.
Umiling siya at ngumiti rito. “Hindi, Kiko. Ikaw ang nagpabago sa aking buhay. Kung ‘di ka dumating ay baka hindi ako naging tunay na guro kahit na kailan.”