Inday TrendingInday Trending
Mayroon Siyang Espesyal na Kakayahan; Matutulungan kaya Nitong Iligtas ang Kaniyang mga Mahal sa Buhay?

Mayroon Siyang Espesyal na Kakayahan; Matutulungan kaya Nitong Iligtas ang Kaniyang mga Mahal sa Buhay?

“Ayos ka lang?”

Agad na napadilat si Maia nang kalabitin siya ng kaibigan na si Nicole.

Hindi siya agad nakapagsalita at titig na titig lang dito.

“Bakit?” wala sa sarili niyang tanong.

Nakakunot ang noo nito nang sumagot, habang nakaturo sa kaniyang mukha.

“Ang putla mo. Ano’ng nangyari?”

Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Totoo nga ang sinasabi nito, maputla siya at pawis na pawis. Nang pagdikitin niya ang kaniyang mga kamay ay sinlamig ang mga ito ng yelo.

“May nangyari ba?” may pagkabahala na sa tinig Nicole nang muli itong magtanong.

Umiling siya at tiningnan na lang ang kaibigan. Gusto niyang sabihin na napaniginipan niya ito ngunit natatakot siyang kagaya ng iba ay hindi ito maniwala.

“Nanaginip lang ng masama,” mahina ang tinig na sagot niya sa kaibigan.

“Tungkol saan?” usisa nito.

Napabuntong-hininga si Maia. Mapilit kasi ang kaibigan at alam niyang hindi siya nito titigilan kaya naman wala siyang magawa kundi umamin dito.

Tutal hindi naman lahat ng panaginip niya nagkakatotoo. Mayroong nangyayari talaga, mayroon namang hindi.

“Napaniginipan kita na naaksidente. Nabangga ka ng isang humaharurot na kotse,” pagkukwento niya.

Nanlaki ang mata ni Nicole. Minasdan ni Maia ang mukha nito at halata sa mukha nito ang takot.

“Alam mo, kabaligtaran daw ng panaginip ang nangyayari sa totoong buhay,” nang makabawi ay katwiran nito.

Umiling si Maia sa kaibigan. “Alam mong hindi ako kasama diyan.”

Alam kasi nito na espesyal ang kaniyang mga panaginip. Hindi nga lang ito masyadong naniniwala kaya hindi niya alam bakit parang takot ito ngayon.

Siguro ay dahil ito ang nasa kaniyang panaginip.

“Hindi naman lahat ng napapanaginipan ko nangyayari agad. ‘Wag kang mag-alala masyado, pero mag-ingat ka pa rin,” babala niya sa kaibigan.

Nang may dumating na customer ay natigil na ang kanilang pag-uusap para kuhanin ang order nito.

Nagtatrabaho silang dalawa sa coffee shop na pag-aari ng tiyahin ni Maia. Kung tutuusin ay siya ang namamahala rito ngunit minsan ay tumutulong kapag kulang sila sa tao kagaya na lamang nang gabing iyon.

Hindi kagandahan ang panahon kaya kaunti lang ang taong pumapasok sa shop. Ang sabi ay may bagyo na darating pagsapit ng gabi kaya inisip niyang mas maaga silang magsara para ‘di mahirapan sa pag-uwi ang mga kasama.

“Una na ako,” paalam ni Nicole sa kaniya bago lumabas kasama ang dalawa pa nilang katrabaho.

Tumango naman si Maia at sinuri ng tingin ang kaibigan. Suot pa rin nito ang kaniyang uniporme kaya iyon agad ang kaniyang pinansin bago ito tuluyang makalabas.

“Oo nga pala!” Tumawa pa ito habang tinatanggal ang uniporme na suot.

Kumaway pa ang kaibigan bago tuluyang umalis. Pinanood niya itong maglakad palayo. Doon pa lamang siya nakahinga ng maluwag.

Ayaw niya man ay hindi niya maalis sa isip ang kaniyang panaginip. Pumikit si Maia at inalala ang detalye ng nakitang aksidente ng kaibigan.

Ang nakita niya ay si Nicole, suot pa ang uniporme nito sa trabaho at tumatawid sa isang pamilyar na kalye. Alam niyang ang kalye na iyon na iyon ay daan patungo sa bahay nito.

Lagi siyang nagpupunta doon kaya hindi siya magkakamali. Kaya siniguro niyang hindi nito suot ang uniporme upang hindi mga katotoo ang panaginip.

Nagsimula nang bumuhos ang ulan kaya hindi siya nakaalis agad. Minabuti niya na manatili muna sa coffee shop kaysa ma-stranded sa daan.

“Mamaya na muna ako uuwi paggising ko,” sabi niya sa sarili nang maramdaman ang antok at pagod.

Kinandado niya ang shop bago napagdesisyunang umidlip muna sa isang malambot na sofa sa sulok.

At doon ay muli siyang dinalaw ng kaparehong panaginip. Walang nagbago sa kung anong nakita niya noong una at sa panaginip niyang sumunod. Suot pa rin ni Nicole ang kaniyang uniporme. At umuulan nang malakas.

Malamig ang kaniyang pawis pagkagising. Nanginginig na kinuha niya ang cellphone at agad na tinawagan ang kaibigan.

“Hello?”

“Nakasuot ka ba ulit ng uniporme ngayon?” tanong niya.

Alam niyang nagtataka ito subalit sumagot pa rin ito.

“Oo. Sinuot ko uli, ang nipis kasi ng suot ko kaya nilalamig ako. At least yung uniform natin may manggas.”

Nataranta siya sa sagot nito at agad na tumayo. Dire-diretso siyang lumabas sa sobrang pag-aalala. Takot na takot siya dahil hindi malayong anumang oras ay magkatotoo ang kaniyang panaginip.

“San ka na? Malapit na sa bahay n’yo ‘di ba? Hintayin mo ako,” kalmadong wika niya dito. Ayaw niyang ipahalata sa kaibigan ang nararamdamang takot.

Sumakay siya ng jeep at halos hilahin niya ang oras. Panay naman ang tanong ni Nicole kung anong nangyayari ngunit hindi niya magawang magpaliwanag dahil sa takot.

“Sige, hintayin kita malapit sa may mall,” pagpayag nito at ibinaba na nila ang tawag pagkatapos.

Panay ang dasal niya na sana ay masamang panaginip lang talaga iyon at hindi magkakatotoo ngunit iba ang sinasabi ng kaniyang kutob.

Kaya naman laking tuwa niya nang makita ang kaibigan na naghihintay sa kaniya sa isang silong malapit sa mall.

“Maia!” kumakaway na sigaw nito.

“Mabuti naman at walang masamang nangyari,” bulong niya.

Naglakad siya sa tawiran para puntahan ang kaibigan. Laking pasasalamat niya sa Diyos at mukhang ayos naman ito.

Nagulat siya nang isang malakas na busina ang kaniyang narinig. Nakabibingi sa sobrang lakas. Nang lumingon siya ay nakakasilaw ang ilaw mula sa isang rumaragasang kotse ang kaniyang nalingunan.

Parang bumagal ang oras para kay Maia, naging pamilyar ang tagpo. Nabigyang linaw ang kaniyang kinatatakutang panaginip.

“Ako pala ‘yun…” bulong niya nang makita ang flashback ng kaniyang panaginip.

Sa isang iglap ay nasa kalsada na siya at hindi makagalaw. Lumakas ang busina ng mga sasakyan na natigil dahil sa aksidente, at sigawan ng mga tao ang nangibabaw. Nakita niya ang pagtakbo ni Nicole upang daluhan siya.

“Maia, gumising ka!” sigaw nito na umiiyak habang kalong ang nananakit niyang katawan.

Ang mahigpit nitong yakap ang huli niyang naramdaman bago siya tuluyang nawalan ng malay.

Masakit ang kaniyang buong katawan nang magising siya. Kakaiba ang amoy sa puting kwarto kung nasaan siya.

“Maia! Gising ka na! Diyos ko, salamat naman!”

Nakilala niya agad ang kaibigan na si Nicole na humahagulgol habang mahigpit na nakakapit sa kaniyang kamay.

Natataranta itong nagtawag ng doktor para ibalita na may malay na siya.

Ineksamin siya ng doktor. Himala raw na nagising siyang muli. Buong akala nila ay hindi na ito mangyayari dahil ilang araw siyang kritikal.

“Bakit ka pa kasi nagpilit na puntahan ako? Natakot ako nang husto. Akala ko ‘di na kita makakausap ulit,” lumuluhang pagkukwento ni Nicole.

Umiling siya.

“Nagpunta ako doon dahil akala ko may mangyayaring masama sa iyo. Ayaw kong mapahamak ka,” sagot niya sa kaibigan.

“Ikaw tuloy ang napahamak dahil sa akin,” malungkot na wika nito.

“’Wag ka nang mag-alala, ang mahalaga ay pareho tayong ligtas,” malawak ang ngiting wika niya sa kaibigan.

Pagkatapos ay isa-isang pumasok ang mga kaibigan, katrabaho at pamilya niya.

Bumisita rin ang ina ni Nicole at labis ang pasasalamat nito dahil para dito ay iniligtas pa rin niya ang nag-iisa nitong anak.

“Kahit na ulitin pa ang nangyari gagawin ko pa rin iyon,” sabi niya sa mga ito.

Mahal niya ang kaibigan at pamilya ang turing niya rito. At para sa pamilya ay gagawin niya ang lahat.

At kahit na kung minsan ay nakakatakot ang kaniyang espesyal na kakayahan, malaki ang pasasalamat niya dahil nailigtas nito sa tiyak na kapahamakan ang kaniyang mahal sa buhay.

Advertisement