Inday TrendingInday Trending
Marami ang Nainggit at Gumaya sa Pagtitinda Niya sa Trabaho; Dapat Lang ba na Mainis Siya?

Marami ang Nainggit at Gumaya sa Pagtitinda Niya sa Trabaho; Dapat Lang ba na Mainis Siya?

“Oh! Bili na kayo ng empanada d’yan. Mura lang nakakabusog na,” wika ni Simon, gwardya ng mall kung saan namili si Charlie.

“Magkano ba ang empanadang iyan?” Nakangiting tanong ni Charlie sa kaibigang gwardya.

Mabait si Simon at palaging nakangiti nino man. Kaya sa tuwing bumibili sila ng misis niya ng groceries, nagpapaiwan siya sa parking area upang makipag-usap sa mga kakilalang gwardyang naka-duty.

Kung tutuusin ay mababait naman at marunong makisama ang lahat. Ngunit mas madalas niyang nakaka-ututang dila ay si Simon.

Agad namang nag-angat ng tingin si Simon at bahagyang nagulat saka ngumiti ng makilala siya. “Sir Charlie, ikaw pala iyan,” anito saka tinignan ang paninda. “Kinse lang po. Masarap iyan at sulit ang busog. Kaming dalawa ng misis ko ang gumawa niyan. Bili na kayo sir,” alok pa ni Simon.

“Talaga bang masarap iyan? Baka naman sini-sales talk mo lang ako ah,” biro ni Charlie.

“Naku! Hindi po, sir. Masarap akong magluto pati ang misis ko kaya imposibleng hindi masarap iyang gawa kong empanada,” anito.

“Sige na nga. Pahingi akong sampu,” wika ni Charlie saka inabot ang pambayad. “Napaka-swerte naman ng asawa mo at isa kang madiskarteng tao, Simon.” Dugtong ni Charlie.

Muling nagkamot ng ulo si Simon at manipis na ngumiti. “Gano’n po talaga, sir. Mahirap po kasi ang buhay at tatlo pa po ang mga anak ko. ‘Yong sinasahod ko rito at hindi sapat para sa’ming lima. Pambayad pa sa bahay, tubig at ilaw. Minsan nagkukulang kami sa pagkain. Kaya naisip kong magtinda-tinda para kahit papaano ay may pangkain kami,” paliwanag ni Simon.

Pakiramdam ni Charlie ay lalo niyang hinangaan si Simon. Totoo ngang napaka-swerte ng napangasawa nito dahil marunong dumiskarte ang lalaki. Hindi nito hahayaang magutom ang pamilya.

“Kahanga-hanga ang ugaling taglay mo, Simon. Ako rin ay isang kagaya mong ama at asawa at kagaya mo rin ay hinding-hindi ko kakayaning makitang nagugutom ang pamilya ko,” wika ni Charlie.

“Kahit sinong ama naman po sir ay gano’n. Kaya nga nagtataka ako sa iba kung bakit nakakaya nilang pabayaan ang mga anak at asawa nila. Pero ako sir, makita ko lang ang mga anak kong nagugutom at nahihirapan. Parang tripleng hirap at sakit ang nararamdaman ko sir e. Kaya nga hangga’t kaya kong gumawa ng sideline na pagkakakitaan, ginagawa ko sir! Pakapalan na lang ng mukha ‘to,” nakatawang wika ni Simon.

“Tama ka, Simon. Hindi ka naman nasisita ng officer niyo dito?”

“Hindi naman, sir. Sinabihan lang ako na huwag kong pabayaan ang trabaho ko,” sagot ni Simon.

“Ayy, oo. Kahit may paninda na tayo ay huwag nating pabayaan ang obligasyong trabaho para hindi tayo pag-initan at sibakin,” ani Charlie.

“Tama ka d’yan, Sir Charlie. Minsan nga ay sa’kin na rin sila bumibili ng pang-meryenda nila. Sa katunayan nga sir ay otsyenta’y piraso iyang dala kong empanada kanina. Tingnan mo ngayon kaunti na lang,” masayang wika ni Simon, sabay pakita ng tupper ware na pinaglalagyan ng paninda.

“Oo nga ano,” manghang wika ni Charlie.

“Puno ito kanina, sir. Ngayon ay kaunti na lang. Tapos binilhan niyo pa ng sampu. Bago pa man mag-alas dose mamaya ay mauubos na ito. May mga kasamahan na nga akong gumaya sa’kin, sir.

Pero imbes na mainis ako kasi may mga kakompitensya na ako’y mas sumasaya ang pakiramdam ko. Ibig sabihin lang kasi ay maganda ang nasimulan ko. Marangal ang pagtitinda at hangga’t wala akong naaapakang iba’y wala akong dapat ikabalaha,” nakangiting wika ni Simon.

Matamis naman na ngumiti si Charlie saka tinapik sa balikat ang kaibigang gwardya. “Ipagpatuloy mo lang iyang pagtitinda mo, Simon. Tandaan mo palagi na ginagawa mo lang iyan para sa pamilya mo. Alam mo kahit marami ang gumaya sa’yo kung masarap ang paninda mo’y siguradong sa’yo at sa’yo lang sila bibili.

Tama iyan na huwag kang magalit o magdamdam man lang sa mga gumagaya sa’yo. Isipin mo na lang na kagaya mo’y nakikipagsapalaran din sila sa buhay.” Mahabang wika ni Charlie. “Nandito na pala ang asawa ko,” aniya saka nginitian ang babaeng palapit sa gawi nila ni Simon.

“Salamat sa paalala sir at salamat rin sa pagbili. Araw-araw sir ay iba-iba ang tinitinda ko. Sana sa susunod ay bumili ka pa rin sa’kin,” masayang wika ni Simon.

“Oo naman, Simon. Ikaw pa ba? Malakas ka kaya sa’kin,” ani Charlie saka nagpaalam na sa kaibigan.

Advertisement