Inday TrendingInday Trending
Mamahaling Selpon ang Kondisyong Hiningi ng Dalaga sa Abuela; Kayanin Kaya Nitong Bilhin ang Bagay na Iyon?

Mamahaling Selpon ang Kondisyong Hiningi ng Dalaga sa Abuela; Kayanin Kaya Nitong Bilhin ang Bagay na Iyon?

Biniyak ni Aleng Mena ang kaniyang pinakatatagong alkansyang sementong baboy, saka maingat na binilang ang laman niyon.

Halos tatlong taon ring itinago ni Aleng Mena ang alkansya at linggo-lingong nilalagyan ng minsan ay singkwenta pesos, kapag kinapos talaga’y bente lang at kapag maalwan ang kita’y isang daan.

Ilalabas niya lang sana ang alkansyang iyon para sa kaniyang ika-saisyenta’y anyos niyang kaarawan. Pasasalamat sa Diyos dahil umabot siya sa gano’ng edad.

Ngunit kinailangan niyang buksan iyon dahil sa kondisyong nais ng kaniyang apong si Zaina, at wala naman siyang bang maisip na paraan kung ‘di ang laman lang ng alkansyang ito.

“Pitong libo at anim na raan,” mahinang wika ni Aleng Mena, matapos bilangin ang kabuuan ng naipong pera. “Magkakasya na kaya ito sa selpon na nais ni Zaina?” Tanong niya sa sarili.

Inayos niya at inilagay sa kaniyang wallet ang pera upang bumili ng selpon na nais ng kaniyang apo. Sana ay mabili niya ang gustong selpon ni Zaina sa halagang kaniyang dala.

“Hija, meron ba kayong Y11?” Tanong ni Aleng Mena sa tindera ng selponan.

Ang sabi ni Zaina ay sa mall lamang siya makakahanap ng original na selpon at hanapin niya iyong stall na may tatak na kaniyang hanap at magtanong sa tindera. Iyon na nga ang kaniyang ginawa.

“Meron po, nanay. Six thousand five hundred po ang presyo nun. Bukod pa sa selpon na makukuha niyo’y may mga freebies kami ngayon ma’am, summer promo po,” masayang wika ng saleslady na ang nakatatak sa maliit na pin na nakasabit sa kaliwang dibdib nito ay Alex.

“Ahh, wala akong alam sa sinasbi mong iyan hija,” natatawa at naiilang na wika ni Aleng Mena. “Maaari ko bang makita ang selpon na iyon?”

“Opo,” wika ng saleslady at saka ngali-ngaling kinuha ang selpon upang ipakita sa kaniya.

Nagpapaliwanag ang babae ng mga bagay na hindi niya maintidihan gaya ng specs daw at ROM, nakikinig lang naman siya kahit wala siyang naintindihan. Ang mahalaga sa kaniya ngayon ay ang sayang makikita sa mukha ni Zaina mamaya ‘pag nakitang dala na niya ang selpon na gusto nito.

“Para kanino ba ang selpon na ito nanay?” Tanong ng tindera.

“Para iyan sa apo ko, hija. Ang totoo ay wala talaga akong kapera-pera. Sa katunayan nga’y binasag ko pa ang alkansya ko para lang mabili ang selpon na request ng apo ko.

Iniisip ko na sana sapat na ang perang naipon ko ng tatlong taon para mabili ang selpon na gusto ni Zaina, at tingnan mo nga naman… may sobra pa,” nakatawang wika ni Aleng Mena.

“Magkano naman po lahat ang naipon niyo ‘nay?”

“Syetemil mahigit, hija. May pambili pa akong pasalubong,” ani Aleng Mena.

“Ang swerte naman po ng apo ninyo. Kasi kahit kapos na kayo sa buhay ay pinipilit niyo pa ring bilhin ang bagay na ito,” wika ni Alex.

“Alam mo kasi hija, noong nagsimulang mag-aral ang apo kong si Zaina, isa lang palagi ang hinihingi ko sa kaniya. Magkaroon siya ng honor, ‘di baleng 10th honor, basta que honor,” natatawang kwento ni Aleng Mena.

“Ngunit higit pa sa gusto ko ang ibinibigay ng aking apo sa’kin. No’ng grade six siya’y naging Valedictorian siya at labis ang saya ko. Kaya nitong nag-highschool siya’y humingi siya sa’kin ng kondisyon.

Sisikapin niyang maging Valedictorian ulit, basta bilhan ko siya ng magandang selpon. Kung tutuusin ay kaya ko namang ibigay iyon sa kaniya dahil mahal ko naman siya, ngunit pinanghawakan ng apo ko ang kondisyong iyon at ngayon ngang darating na graduation ay Valedictorian na naman siya.

Kaya kahit mahal ay bibilhin ko para lamang sa kondisyong napag-usapan namin. Walang katumbas na halaga ang sayang ibinigay ni Zaina sa’kin, hija. Alam ko kung anong hirap ang dinanas niya at kung tutuusin ay maliit na handog lamang ito,” mahabang wika ni Aleng Melba habang ang ngiti sa labi ay hindi napapalis.

“Wow! Ang galing naman po ng apo ninyo, nanay. Sana lahat ng apo ay kagaya ng apo niyong si Zaina,” natutuwang sambit ni Alex.

“Kaya nga. Mabait at masipag ang apo ko. Kaya nararapat lang sa kaniya ito,” nakangising wika ni Aleng Melba.

Nang matapos bayaran ay nagpaalam na rin si Aleng Melba at bago tuluyang umuwi ay bumili na muna siya ng pagkain pasalubong para sa kaniyang apong si Zaina.

Alam ni Melba na magiging masaya ang kaniyang pinakamamahal na apo kapag nakita ang pasalubong na dala niya.

Advertisement