
Napuno ng Panlilibak ang Isang Binata Dahil Hamak na Tindero Lamang Ito ng Ulam; Ano nga Kaya ang Dahilan?
“Diegs, isang order nga ng bopis at Sinigang na baboy,” wika ni Helen, kapitbahay nila.
Agad namang inasikaso ni Diego ang order ni Helen. “Ito lang ba Len?”
“Oo ‘yan lang muna sa’kin,” ani Helen.
“Nga pala Diego, may narinig na naman akong tsismis ah, tungkol sa’yo. Si Aleng Guada, panay na naman ang kwestyon kung bakit mas ginusto mo pa raw magtinda sa pipityuging karinderyang ito kaysa maghanap ng trabaho. Sayang daw ang pinag-aralan mo tapos sa ganito lang nauwi ang lahat,” mahabang wika ni Helen.
“Ay naku! Hayaan mo sila. Wala silang magawa sa sarili nila, Helen. Nandito ako sa karinderya ng mga magulang ko, tumutulong imbes na tumambay na muna sa bahay. Pakisabi na lang sa kanila,” natatawang wika ni Diego.
“Kaya nga e. Sinagot ko nga siya kahapon. Ang sabi ko ano naman ngayon sa kaniya kung mas ninais mong magtinda na muna. At least ‘di ba hindi ka kagaya ng anak niyang si Waldo na panay inom at pagba-basketball lang ang alam gawin sa buhay,” nakaismid na wika ni Helen.
Kaklase niya noon si Helen, noong hindi pa ito na b*aliw sa pag-ibig at nagpabuntis. Dahilan upang huminto sa pag-aaral. Magkakilala na talaga sila at magkaibigan noon pa. Kaya nga Len at Diegs lang ang tawagan nila sa isa’t-isa.
Kaya hindi kataka-taka kung bakit siya pinagtatanggol nito sa mga kapitbahay niyang wala nang ginagawa kung ‘di kwestyunin ang naging desisyon niya sa buhay.
“Naku! Pinatulan mo pa talaga,” natatawang wika ni Diego.
“Nakakabanas na kasi, Diegs e. Kaya sinagot ko talaga sila ng mga tropa niya. Sabi ko nga sa kaniya, okay lang naman na magreklamo sila na sayang ka kasi naging tindero lang ng ulam kung siya mismo ang nagpaaral sa’yo.
Hindi nga nagreklamo si Aleng Dina at Mang Nestor, mismong magulang mo walang sinabi, tapos sila reklamo ng reklamo ‘di ba? Daming alam e. ‘Di na lang nila pansinin ang mga sarili nila,” nakangiti ngunit halata ang inis sa mukha ni Helen.
Malakas namang tumawa si Diego dahil sa sinabi ni Helen. Ang totoo ay siya rin naman minsan ay nakikipagsagutan sa mga kapitbahay niyang kinu-kwestyon ang naging desisyon niya.
Minsan kasi’y nakakainis na mas alam pa nila kung ano ang dapat gawin mo sa buhay. Hindi na lang manahimik at hayaan ka, tutal hindi ka naman nanghihingi sa kanila ng panlamon mo sa araw-araw.
“Dapat hinayaan mo na lang. Baka ikaw na naman ang gawing topic ng mga iyon,” aniya.
“Naku! Sanay na ako sa kanila ‘no. Noon pa mang nabuntis ako hanggang ngayon ay tadtad na ako sa tsismis ng mga iyan,” natatawang wika ni Helen.
“Hayaan mo na sila, Helen. Masamang pumatol sa mga matatanda, tandaan mo iyan. Minsan nakakainis talaga kasi bakit ang dami nilang nakikitang mali sa kapwa nila, pero hindi naman nila nakikita ang sarili nilang kamalian.
Pero isipin mo na lang na hindi ka kagaya nila. Ang mahalaga ay wala tayong sinasaktang ibang tao, wala tayong inapakan na sinuman, at wala tayong nasagasaang iba sa ginagawa natin.
Marangal ang pagtitinda ko ng ulam, kahit sabihin na ba nating pipityugin lang ang kinikita nito sa sana’y kikitain ko kapag ginamit ko ang pinag-aralan ko.
Pero kumpara naman sa ginagawa nila’y pipiliin ko pa ring maging tindero ng ulam. Mas naipapakita ko ang pagiging edukado ko sa ganitong paraan kaysa tumambay at pansinin ang buhay ng ibang tao,” mahabang wika ni Diego.
“Tama ka d’yan, Diegs. Alam mo ayoko rin naman na pansinin ang mga walang kwentang usapan nila e. Kaso minsan kasi sobra na ang panlilibak nila kaya nakakainis,” ismid ni Helen.
“Tama ka. Mas edukado ka pa rin sa gawa at salita kaysa sa kanila. Hindi mo sila ka-level kaya huwag mo na lang pansinin ang mga panlilibak nila. Alam kong magtatagumpay ka rin soon, Diegs. Ikaw pa ba?” Nakangiting dugtonh pa nito.
“Ikaw rin naman, Len. Alam kong sa pagkadapa mo noon ay may natutunan ka na ngayon. Magpatuloy na lang tayo sa mga buhay natin at hayaan sila. Basta wala tayong nasasagasaang ibang tao, walang masama sa pinipili nating buhay,” wika ni Diego.
“Korek! Oh siya, alis na ako. Salamat sa masarap na ulam ah,” aniya.
“Sure. Sa uulitin, salamat sa pagbili,” wika ni Diego saka tuluyang nagpaalam ang kaibigan.
Kung papansinin mo ang bawat masamang ibinabato sa’yo ng ibang tao ay walang mangyayaring maganda sa’yo. Kaya ang mas maiging gawin ay hayaan sila at huwag pansinin. Ipagpatuloy ang buhay na pinili at maging masaya. Darating ang tamang panahon. Walang magnanakaw sa edukasyong nakamit mo. Magsaya lang sa buhay saka magdesisyong sumubok kapag totoong handa ka na.