Inday TrendingInday Trending
Kinawawa ng Isang Mister ang Asawa Upang Sumama sa Iba; Nang Matauhan ang Ginang ay Pagsisisihan ng Husto ng Lalaki

Kinawawa ng Isang Mister ang Asawa Upang Sumama sa Iba; Nang Matauhan ang Ginang ay Pagsisisihan ng Husto ng Lalaki

“Albert, baka naman p’wedeng sa akin mo naman ibaling ang pagtingin mo. Alalahanin mong muli ang mga panahon na masaya pa tayo. Isipin mo ang mga dahilan kung bakit mo ako minahal at pinakasalan.

Kasi nanghihina na ako, Albert. Hindi ko na alam kung saan lulugar sa’yo. Nahihirapan na ako,” walang tigil sa pag-iyak si Carla habang pinipigilan ang asawa sa pag-alis nito.

“Alam mo naman ang gusto ko, Carla. Alam mong gustong-gusto kong magkaroon ng anak. At hindi mo maibigay ‘yon sa akin,” mariing tugon ng mister sabay alis nito sa kanilang tahanan.

Wala nang nagawa pa si Carla kung hindi ang umiyak at maawa sa kaniyang sarili.

Masaya naman sa simula ang mag-asawa. Wala ngang sasaya pa kay Albert nang malamang buntis kaagad ang kaniyang misis. Ngunit dahil sa isang aksidente ay nalaglag ang bata.

Nagkamali kasi ng tapak si Carla sa kanilang hagdan sanhi ng pagkakadulas nito at tuluyan siyang nalaglag sa hagdan. Nag-uumapaw ang lungkot na nararamdaman noon ng mag-asawa. Lalo na ni Carla dahil sa tingin niya ay ito ay kaniyang kapabayaan.

Ilang taon ding sumubok ang mag-asawa ngunit hindi sila mabiyayaan muli ng anak. Unti-unti nang nanlamig si Albert sa kaniyang asawa hanggang isang araw nga ay napabalitaan niyang may ibang babae na ito.

Kahit na nasasaktan ay wala pa ring balak iwan ni Carla ang kaniyang asawa. Naniniwala siya na isang araw ay matatauhan din ito sa kaniyang maling ginagawa at muling babalik sa kaniya. Ngunit malayo doon ang tunay na nangyayari.

“Bakit kasi hindi mo pa hiwalayan ang asawa mo nang hindi mo na pinapahirapan ang sarili mo, Carla?” sambit ni Roxanne, ang kalaguyo ng kaniyang asawa.

“Ikaw na lang naman ang humahadlang sa pagsasama namin ni Albert. Kung kusa kang bibitaw ay mas magiging madali para sa ating tatlo,” dagdag pa nito.

“Ngunit bakit ko isusuko ang bagay na sa akin? Ipaglalaban ko si Albert at ang karapatan ko bilang asawa niya. Baka gusto mo na ikaw na lang ang umalis sa buhay namin tutal simula nang dumating ka ay puro panget na lang ang nangyari,” sambit ni Carla.

“Akala mo ba ay gusto ka pa ng asawa mo, Carla? Napipilitan na lang siyang umuwi sa iyo nang dahil sa isang kapirasong papel at sa sasabihin ng ibang tao. Pero kung tatanungin mo siya ay wala na siyang nararamdamang kahit konting pagmamahal sa’yo,” giit ng kalaguyo.

Nasasaktan man ay pilit na nilalakasan ni Carla ang kaniyang loob. Hindi dapat siya magpatalo sa babaeng ito sapagkat alam niyang siya pa rin ang pipiliin ng asawa.

“Saka nga pala, Carla, buntis ako at si Albert ang ama. Paano ba ‘yan? Ako ang nakapagbigay sa kaniya ng matagal na niyang gusto? Sa wakas ay mawawala ka na sa eksena,” pambubuyo pa ni Roxanne.

Tila nagiba ang mundo ni Carla. Ano pa nga ba ang kaniyang laban sa babaeng ito gayong siya ang nakapagpuno ng kaniyang pagkukulang?

Kaya upang wakasan na ang paghihirap ng kaniyang dibdib ay kinausap niya si Albert nang masinsinan.

“Kung pipiliin mo ang pagsasama natin, Albert, ay kakalimutan ko ang lahat ng ginawa mong pagtataksil sa akin. Tatanggapin ko ang magiging anak ninyo ng babae mo. Pero ipangako mo na gagawin mo ang lahat para bumalik ang dati nating pagtitinginan,” pakiusap ni Carla sa asawa.

“Carla, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bakit kasi hindi mo na lang kayang tanggapin na tapos na ang lahat sa atin? May iba na akong mahal at may ina na ang magiging anak ko at hindi ikaw ‘yon! Kaya kung ako sa’yo ay ikaw na ang kusang bumitiw para respeto mo na lamang sa iyong sarili,” sambit ni Albert sa kaawa-awang misis.

Masakit man ay pilit na lamang tinanggap ni Carla ang sinapit ng relasyon niya sa kaniyang asawa. Ang dating masaya at puno ng pagmamahalan na pagsasama ay basta na lamang tinalikuran ni Albert.

Tuluyan na ngang naghiwalay ang dalawa at tuluyan nang sumama si Albert sa kalaguyo niyang si Roxanne. Samantalang pilit na ibinabangon muli ni Carla ang kaniyang sarili mula sa pagkabigo.

Wala nang mas sasaya pa yata kay Albert lalo na nang isilang ang kaniyang anak. Mahal na mahal niya ito at dahil sa batang ito ay pilit na niyang kinalimutan ang unang asawa.

Ngunit makalipas ang pitong taon ay malalaman niya ang isang lihim na matagal na itinago sa kaniya ni Roxanne. Narinig mismo ni Albert mula sa bibig ni Roxanne habang may kausap ito sa telepono.

“Matagal mo na pala akong niloloko, Roxanne! Wala kang kasing sama. Hinayaan mong alagaan ko ang batang hindi ko kaanu-ano! Pinili kita dahil sa bata tapos lahat pala ng ito ay kasinungalingan lang!” halos mapatid ang ugat sa leeg ni Albert sa pagkakasigaw sa galit.

“Hayaan mo akong magpaliwanag, Albert. Nagawa ko lang naman ang lahat ng ito dahil mahal kita. Gusto kitang makasama, gusto ko ay maging akin ka!” pahayag ni Roxanne.

“Kaya kahit ano ay gagawin mong walang hiya ka kahit na ipaako sa akin ang batang hindi ko naman ka-dugo! Nasira ang relasyon naming mag-asawa dahil sa iyo tapos ay ganito ang gagawin mo! Wala kang kasing sama!” patuloy sa pagsigaw ang ginoo.

Nakipaghiwalay si Albert kay Roxanne. Hindi niya lubos maisip ang lahat ng kasinungalingan na nagawa sa kaniya ng kaniyang kinakasama. Naisip na lamang niya ang masayang pagsasama nila noon ng dating asawang si Carla at kung paano siya minahal nito ng buong katapatan.

Nais sana niyang balikan si Carla at humingi ng kapatawaran sa nangyari ngunit nakita na lamang niya ito na may kasamang bata.

“Marahil ay nakapangasawa na siya at nagkaanak,” sambit ni Albert sa sarili.

Laking gulat naman ni Carla nang magtagpo muli ang kanilang mga landas.

“Kumusta ka na, Carla? Sa tingin ko sa’yo ay masaya ka na at may bagong pamilya. Tanggap ko na mas masaya at maayos ang buhay na hindi ako kasama,” saad ni Albert sa dating asawa.

“Hindi ko akalain na magkikita tayong muli, Albert. Sa tindi ng dinanas ko sa iyo ay mahirap ang pinagdaanan ko upang makarating sa taong kaharap mo ngayon. Tama ka, masaya at maayos ang buhay na wala ka. Kaya sana ay manatiling ganito. Hindi biro ang pinagdaanan ko, Albert. Hindi ko na kayang bumalik sa ganun,” tugon ni Carla.

“Sana ay naging masaya ka sa buhay na pinili mo. Dahil ako masaya ako sa buhay ko kasama ang tanging pamilya ko — ang anak natin. At hindi ko hahayaan na sirain mo pati ang buhay niya. Sapat nang alam mong anak mo siya ngunit hindi ko hahayaan na saktan mo rin siya tulad ng pananakit na ginawa mo sa akin,” dagdag pa ng ginang.

Hindi lubos akalain ni Albert na nagkaanak pala sila ni Carla. Nanlumo siya nang malamang ang batang hawak pala ng dati niyang asawa ay ang sarili niyang anak.

Habang pinili at nag-aalaga siya ng batang hindi niya kaanu-ano ay lumalaking walang ama ang kaniyang sariling anak. Kahit na siya pa ang ama nito ay tinanggalan siya ni Carla ng karapatan sa bata dahil na rin sa lahat ng naranasan niyang hinanakita mula sa panloloko ng asawa.

Laking pagsisisi ni Albert sa kaniyang pagtataksil. Kung sana ay mas pinili niyang ayusin ang relasyon nilang mag-asawa ay ‘di sana’y masaya siya sa piling ni Carla at ng kanilang nag-iisang anak.

Advertisement