Inday TrendingInday Trending
Pinaalis ng Binata ang Kaniyang Amain; Nang Magkasakuna ay Ito ang Nangyari sa Kanila

Pinaalis ng Binata ang Kaniyang Amain; Nang Magkasakuna ay Ito ang Nangyari sa Kanila

“Jordan, ano ba ang kailangang gawin ng Tiyo Allan mo para matanggap mo siya? Matagal nang wala ang tatay mo.

Saka hindi naman niya hinihiling na palitan niya ang tatay mo d’yan sa puso mo. Ang nais lang niya ay matanggap mo siya bilang bago kong asawa,” wika ni Almira sa kaniyang panganay na anak.

“Hindi ba ay hinayaan ko na kayong magpakasal ulit kahit tatlong taon palang nawawala si tatay. Ano pang pagtanggap ba ang hinihiling niyo, ‘nay? Kung gusto niyong itawag ko sa kaniya ay tatay, hindi ito mangyayari.

Saka tama na po! Kung gusto niyo talagang matanggap ko siya ay tanggapin niyang wala akong kinikilalang haligi ng tahanan na ito kung hindi ang tatay ko,” tugon naman ng binata.

“Wala na nga ang tatay mo, Jordan. Minsan naman ay ipakita mo sa tiyo mo na may puwang siya sa bahay na ito. Respeto ang hinihingi namin sa’yo, anak. ‘Yun man lang sana,” patuloy na pakiusap ng ina.

“Ang respeto po, ‘nay, ay hindi hinihingi kung hindi kusang ibinibigay,” mariing sambit ni Jordan.

Masakit sa loob ni Jordan na sa loob ng tatlong taong pagkawala ng kaniyang ama ay agad na nakahanap ng iba ang kaniyang ina at nagpakasal muli ito.

Bukod kasi sa mabait at responsable ang kaniyang ama ay alam niya kung gaano nito minahal ang kanilang pamilya lalo na ang maybahay kaya ganito na lamang ang kaniyang hinagpis.

Hindi niya masikmura na makita ang ina sa piling ng ibang lalaki bukod sa kaniyang ama. Ngunit ano pa ang magagawa niya. Kasal na ito at sa ngayon nga ay muli pa siyang magkakaroon ng kapatid.

“Pare, sa tingin ko ay bigyan mo ng pagkakataon ang tito mo. Nakikita ko naman na ginagawa niya ang lahat para matanggap mo siya. Saka tingin ko din ay mahal na mahal niya ang nanay mo,” sambit ni Dave, pinsan at matalik na kaibigan ng binata.

“Pakitang tao lang niya ‘yan! Siyempre kailangan niyang hulihin ang kalooban namin para tuluyan na nyang mapalitan ang tatay ko. Hinding-hindi ako makakapayag. Kung nabibilog niya ang ulo ng nanay ko ay hindi ako. Hindi niya mapapantayan at mapapalitan ang tatay ko!” saad ni Jordan.

Pilit na ipinapakita ni Jordan sa kaniyang amain na hindi niya ito gusto. Habang si Allan naman ay pilit na kinukuha ang kaniyang loob.

“Napanood ko ang paglaro mo ng basketball, anak. Napakagaling mo! Akalain mong naipanalo mo pa ang larong iyon, e, ang lalakas ng kalaban niyo,” magiliw na sambit ni Allan sa binata.

“Sa susunod ay manonood kami ulit ng nanay mo. Walang ginawa nga ang nanay mo kung hindi magsisigaw at ipagmalaki ka,” dagdag pa ng ginoo.

“Kahit ‘wag na kayong pumunta. Hindi ko rin naman gusto na naroon kayo,” bungad ni Jordan. “Saka ‘wag na ‘wag mo akong matatawag na anak dahil hindi kita tatay. Ni hindi nga kita kadugo, e.”

Napahiya si Allan sa sinambit ng binata.

Sa patuloy na pambabastos ni Jordan ay tinatanggap lamang ito ni Allan. Naniniwala kasi siyang isang araw ay magbabago din ang pakikitungo sa kaniya ng anak ng napangasawa.

“Nakita ko ang mga ginagawa mo sa Tiyo Allan mo, anak. Hindi ka namin ganiyan pinalaki. Kailan ka pa natutong mambastos?” saad ni Almira sa anak.

“Noong panahong hindi mo man lang naisip ang mararamdaman ko nang ipagpalit mo ang tatay ko!” pabalang na sagot ng binata.

“‘Nay, kailan ka ba matatauhan? Hinding-hindi ko kayang ibigay ang respeto ko dahil hindi niyo nirespeto ang ala-ala ng tatay ko. At habang nandito siya ay hindi ako aayos. Hindi ako magiging masaya,” sambit pa ni Jordan.

Narinig pala ito ng amain. Kaya nakapagdesisyon ito na para sa kaligayahan ni Jordan ay aalis na lamang siya. Tutal tanggap na rin niya sa pagkakataon na iyon na hindi siya kayang tanggapin ng binata. At ayaw niyang masira ang pagsasama ng mag-ina. Kaya para mapigilan ito ay siya na lamang ang aalis.

Ayaw man ni Almira dahil magkakaanak na sila ay wala na siyang nagawa pa. Sa paglisan naman ng amain ay naging masaya na ulit si Jordan. Nagbalik na muli sa dati ang kanilang pagsasamahang mag-ina.

Isang araw ay napaulat na magkakaroon daw ng isang matinding bagyo. Agad itong pinaghandaan ng mga tao sa kanilang lugar sapagkat tatama daw sa kanila ang unos. Ngunit ang hindi nila alam ay magiging malaki at mapaminsala pala ang bagyong ito.

Nang dumating ang bagyo ay kitang-kita ni Jordan kung paano nilamon ng rumaragasang baha ang mga bahay sa kanilang lugar.

“Magdasal lamang tayo, ‘nay. Makakaligtas tayo rito!” pagpapalakas niya ng loob sa takot na takot nang ina.

Umakyat na ang tubig hanggang sa ikaawang palapag ng kanilang bahay. Sa pagkakataong iyon ay hindi na nila alam kung saan pa sila pupunta. Lalo pang nakakapag-alala sapagkat nagdadalantao si Almira.

Pilit na tinitingala ng mag-ina ang kanilang mga ulo upang sila ay makahinga ngunit patuloy ang pagtaas ng tubig.

“‘Nay, patawad po wala akong nagawa,” pilit na sinasambit ni Jordan sa kaniyang ina.

Nawawalan na rin kasi siya ng pag-asa.

Hanggang sa isang sandali ay nakakita na lamang sila ng liwanag. May isang taong mula sa itaas ang pilit tinutungkab ang kanilang bubong at kisame. Doon ay naaninagan niya ang kaniyang amaing si Allan.

“Kumapit kayo sa akin! H’wag kayong bibitaw!” sigaw nito. Pilit niyang hinatak ang mag-ina papunta sa bubungan.

Nang maisalba sina Almira at Jordan hindi nila naiwasan na mapaluha sapagkat hindi nila akalain na mabubuhay pa sila.

“Maraming salamat po sa pagsagip ninyo sa amin ni nanay,” umiiyak na sambit ng binata kay Allan.

“Nang mabalitaan ko na masyado nang mataas ang tubig ay pinilit kong makapunta sa inyo dito. Hindi ko kayo p’wedeng pabayaan. Kaya ginawa ko ang lahat para lang matiyak na ligtas kayo,” wika naman ng ginoo.

Napayakap na lamang si Almira sa kaniyang bagong asawa. Napayakap na rin si Jordan at humingi ng tawad sa lahat ng masasakit na ginawa niya sa amain. Hindi niya akalain na sa kabila ng lahat ay magagawa pa rin nitong unahin ang kanilang kaligtasan.

Nang humupa ang unos ay sabay na ring humupa ang lahat ng tampo at sama ng loob ni Aldrin.

Napatunayan ni Allan ang kaniyang pagmamahal sa pamilya. Mula noon ay natanggap na ni Jordan si Allan bilang asawa ng kaniyang ina at bilang pangalawa niyang ama. Hindi man nito tuluyang mapapalitan ang tatay ng binata ay magagawa naman niyang punan ang lahat ng pagmamahal at pagkalinga na para sa mag-ina.

Advertisement