Inday TrendingInday Trending
Ibinigay sa Isang Kasambahay ang Sisi ng Kapwa Kasambahay nang Mawala ang Singsing ng Amo; Ito ang Kaniyang Napala sa Hindi Paghihiganti

Ibinigay sa Isang Kasambahay ang Sisi ng Kapwa Kasambahay nang Mawala ang Singsing ng Amo; Ito ang Kaniyang Napala sa Hindi Paghihiganti

Bagong salta sa Maynila ang magkaibigang Flor at Belen. Napilitang pumasok na kasambahay ang dalawa dahil sa pangangailangan ng kanilang pamilya sa probinsiya. Dahil mga hindi rin nakapagtapos ay ito lamang ang tangi nilang naiisip na pasukang trabaho.

“Flor, maraming salamat at isinama mo ako dito sa Maynila. Sa wakas ay makakatulong na ako kila inang at itang,” masayang wika ni Belen sa matalik na kaibigan.

“Walang anuman, Belen. Alam mo namang gusto ko rin na magkasama tayo dahil malaki itong Maynila. Kailangan ko ng kasama. Saka iba kapag magkasama tayo sa trabaho, hindi ko maiisip ang pangungulila ko sa pamilya,” tugon naman ng dalagang si Flor.

“Pangako ko sa’yo ay gagalingan ko ang trabaho ko. Hinding-hindi kita ipapahiya sa pagrerekomenda mo sa akin. Basta, maraming salamat talaga, Flor. Hindi mo alam kung gaano mo ako natulungan,” saad pa ni Belen.

Limang buwan na rin kasing nakaratay ang tatay ni Belen dahil sa karamdaman. Tanging ang kaniyang ina na namamasukan bilang isang mananahi ang inaasahan sa kanilang tahanan. Ngayong mas mataas na ang sasahurin ng dalaga ay maaari nang tumigil din ang kaniyang ina sa pagtatrabaho upang maalagaan ang kaniyang asawa.

Tinupad naman ni Belen ang kaniyang pangako sa matalik na kaibigan. Talagang hinuhusayan niya at pinagbubuti niya ang trabaho. Dahil dito ay agad siyang napansin ng kanilang mga amo. Madalas din siyang mapuri dahil sa kaniyang mga ginagawa.

“Natutuwa ako, Flor, at dadagdagan daw nila mam at sir ang sahod natin!” magiliw na sambit ni Belen.

“Sahod mo lang, hindi natin,” saad ni Flor.

“Hindi ako tinaasan ng sweldo, Belen. Ikaw lang ang tinaasan. Napapansin ko ay parang nagiging paborito ka na ng mga amo natin,” dagdag pa ng dalaga na tila may kahalong inggit.

“Naku, Flor, hindi naman. Talagang pinagbubuti ko lang talaga ang trabaho. Ayaw ko din naman na may masabi sila sa akin, sa atin. Saka ginagawa ko ito para na rin sa mga magulang ko. Sana ay maranasan pa nila ang magandang buhay,” tugon ng dalaga.

Dahil sa unti-unti na ngang napapansin ng mga amo si Belen kaysa sa kaibigan nito ay naguumpisa nang tubuan ng inggit si Flor. Hindi kasi niya maintindihan kung bakit mas napupuri pa itong si Belen gayong parehas lang sila ng ginagawa. Lalong masakit sa kaniya sapagkat siya lamang ang nagpasok sa kaibigan sa trabahong ito.

Isang gabi ay masayang nagbibilan si Flor ng kaniyang ipon na ipapadala sa kaniyang pamilya sa probinsya.

“Salamat at mababayaran na rin ang ibang utang. Hindi magtatagal ay wala na kaming ibang suliranin,” sambit nito sa sarili.

Habang ganito ang naririnig ni Flor ay nakatitig lamang siya sa kaniyang ipon. Higit na kakaunti kaysa sa pera ni Belen. Naiisip pa niya ang kagipitan na nangyayari sa kaniyang pamilya. Sa dami ng mga hinihingi ng mga ito sa tuwing sila ay magkakausap.

“Dapat ay sa akin ang mas malaking sahod, sa akin ang atensyon na ipinapakita sa kaniya,” sambit naman ng dalaga sa kaniyang sarili.

Alam ni Flor na hanggang nariyan si Belen ay hindi siya mapapansin ng kaniyang mga amo. Kaya umiisip siya ng paraan upang mawala sa kaniyang landas ang matalik na kaibigan na hindi nito nahahalata.

Minsan ay muli niyang dinudumihan ang mga bagay o lugar na nalinis na ni Belen. Ngunit dahil marami pang oras ang dalaga ay muli niya itong binabalikan at sa tuwing makikitang marumi ay agad niya itong nililinis muli.

Tila hindi nagtatagumpay ang mga plano ni Flor.

Sa kaniyang pag-iisip ay biglang tumunog ang kaniyang telepono. Isang tawag ito mula sa kaniyang ina.

“Kailangang-kailangan na namin ng pera, Flor. Nanghihingi na ng hulog si Madam Yolanda kung hindi ay papalayasin daw niya kami rito sa lupa. Hay, anak, kailan ba natin matutubos ang lupang ito?” pagtangis ng ina.

Dahil sa hirap na kinahaharap ng pamilya ay hindi na nagdalawang-isip pa si Flor na magnakaw ng isang alahas sa kanilang amo.

“Sa dami nito ay hindi na niya ito mapapansin,” saad niya. Agad siyang kumuha ng singsing at mabilis na isinilid sa kaniyang bulsa.

Ang hindi niya alam ay kabisado ng kaniyang amo ang kaniyang mga alahas. Kaya nang mapansin niyang may nawawala sa mga ito ay agad niyang ipinahanap ito sa mga kasamabahay. Nang hindi nila makita ay wala nang magawa pa ang amo kung hindi siyasatin ang kanilang mga gamit para makasigurado na walang magnanakaw sa kaniyang pamamahay.

Lubusang takot ang nadarama ni Flor sapagkat alam niyang sa pagkakataong ito ay mahuhuli siya. Hindi niya alam kung saan ilalagay ang singsing sa kaniyang pagkataranta ay hindi na niya napansin pa si Belen na nasa kaniyang likuran.

“I-ikaw ang kumuha ng singsing, Flor? Paano mong nagawa iyan?” nabigla si Belen sa ginawa ng matalik na kaibigan.

“Gipit lang ako, Belen. Parang awa mo na h’wag mo akong isumbong,” pagmamakaawa ni Flor.

Habang nangyayari ang pag-uusap na ito ay pumasok sa kanilang silid ang amo at nakita kay Flor na tangan-tangan niya ang nawawalang singsing.

“Ano ang ibig sabihin nito, Flor?” galit na wika ng amo.

“H-hindi po ako ang gumawa nito. N-nakita ko lang po ito sa mga gamit ni Belen, S-siya po ang nagnakaw, madam,” nangangatal na sagot ng dalaga.

Hindi akalain ni Belen na siya ang ituturo ni Flor sa kasalanan nito. Napatingin na lamang ang dalaga sa matalik na kaibigan sabay sabi, “Patawad po, ma’am, nagipit lang po ako,” wika ni Belen.

Laking gulat ni Flor na hindi itatanggi at aakuin ng kaniyang kaibigan ang mabigat na kasalanang ito.

“Alam mo ba, Belen, na maaari kitang ipakulong sa pagnanakaw mo sa akin? Mabuti pa ay umalis ka na dito sa pamamahay ko. Tuwang-tuwa pa naman kami sa’yo ng asawa ko tapos ay ganito ang igaganti mo sa amin. Mabuti pa ay lumayas ka na rito baka kung ano pa ang magawa ko sa iyo!” galit na wika ng babaeng amo.

“Halughugin niyo ang gamit niyan at baka kung ano pang gamit ang tinangay ng magnanakaw na iyan,” utos muli ng ginang.

Tuluyang napalayas sa mansyon si Belen. Laking panghihinayang niya sapagkat maayos na sana ang kaniyang kita na naipapantawid niya sa kaniyang pamilya.

“Bakit hind ka tumanggi, Belen? Bakit hindi mo ako itinuro?” umiiyak na tanong ni Flor.

“Dahil matalik kitang kaibigan, Flor, at ayaw kitang mapahamak,” tanging tugon ng dalaga at tuluyan na itong umalis sa mansyon.

Hindi maatim ni Flor na sa likod ng lahat ng kaniyang ginawa at lihim na inggit sa kaibigan ay ganito pa ang gagawin nito sa kaniya. Dahil sa lubusan siyang nakukunsensiya ay agad siyang tumakbo sa kaniyang amo upang bawiin ang desisyon nito.

“Ako po ang may sala. Ako po ang tunay na nagnakaw, hindi po si Belen. Ako po ang dapat mapaalis. Patawarin po ninyo ako. Handa po akong pagdusahan ang kasalanan ko,” pagtangis ni Flor sa amo.

Nang malaman ito ng amo ay agad na pinabalik si Belen sa mansyon at si Flor naman ang mapapaalis. Ngunit nang sabihin ni Belen na hindi na lamang din siya doon magtatrabaho kung wala ang matalik na kaibigan ay pinatawad na si Flor ng amo at binigyan ng isa pang pagkakataon. Labis ang pasasalamat ni Flor sa mga ito.

Mula noon ay napatunayan ni Flor na tunay ang pagtingin sa kaniya ni Belen bilang isang kaibigan. Labis niyang pinagsisisihan ang kaniyang mga nagawa ay pilit niya itong itinatama. Ginagawa niya ang lahat upang maibalik ang tiwala sa kaniya ng amo at ni Belen. Higit sa lahat ay ginagawa niya ang lahat upang sa gayon ay makaganti siya sa kabutihan ng kaniyang matalik na kaibigan.

Advertisement