Inday TrendingInday Trending
Laging Sawi sa Pag-ibig ang Babae Dahil sa Kaniyang Timbang; Mabuti na Lamang at Nariyan ang Kaniyang Kaibigan

Laging Sawi sa Pag-ibig ang Babae Dahil sa Kaniyang Timbang; Mabuti na Lamang at Nariyan ang Kaniyang Kaibigan

“Ang pangit-pangit ko! Ang pangit-pangit ko!” palahaw ni Josie sa kaniyang matalik na kaibigang si Elmer habang sila ay nakatambay sa kanilang paboritong restaurant.

Nagkita ang magkaibigan dahil broken hearted si Josie; natuklasan niyang pineperahan lamang pala siya ng kaniyang ka-chat na muntik nang maging boyfriend. Hindi niya makakalimutan ang mga sinabi nito sa kaniya.

“Anong akala mo sa akin, mamahalin ang isang gaya mong mataba at parang aparador ang katawan? Maghanap ka ng lalaking magpapaligaya sa iyo. Tingnan natin kung may mahanap ka,” sabi sa kaniya ng lalaki.

“Alam mo, bes… hindi mo na dapat iniiyakan ang mga walang kuwentang lalaking gaya niyan. Hindi mo sila deserve. Huwag mong sayangin ang luha mo sa kanila. Kung hindi ka niya tanggap bilang ikaw, kung ano ang anyo at pigura mo, hindi nila deserve mahalin kaya don’t waste your time with them,” paalala ni Elmer.

Kilala niya ang kaibigan. Kapag stressed ito, mas lalo itong kumakain. Kaya naman nakagugulat ang mga inorder ni Elmer para kay Josie. Lahat ay pawang mga paborito niya: magmula sa lechong kawali, pansit, steak, kare-kare, at mga dessert.

“Hayop siya… pa-fall siya eh! Ako naman si t*nga naniwala kaagad! Bakit lagi na lang akong nakakakilala ng mga assh*le? Masama bang maging masaya? Bakit lagi na lang akong nasasaktan sa mga lalaking iyan? Porke’t majuba ako?” iyak ni Josie.

“Alam mo, tama na iyan. Baka may gusto ka pang kainin? Order pa tayo. Waiter…” tawag ni Elmer sa tagasilbi.

Inawat siya ni Josie.

“Hindi, tama na ‘to… tingnan mo nga hindi pa ubos. Kuwan, ubusin na natin ‘to, tapos night out tayo. Gusto kong magpakalasing tonight! Dating gawi!” aya ni Josie sa kaibigan.

Nang maubos ang kanilang mga pagkain, nagtungo na sina Elmer at Josie sa night club na madalas nilang puntahan noon. Umorder ng maraming alak si Josie. Nagpakalango siya sa alak upang makalimutan ang sakit na kaniyang nararamdaman. Gusto lang naman niyang lumigaya, subalit lagi na lamang nakikita sa kaniya ang kaniyang katabaan.

Nang malasing, nagtungo si Josie sa entablado at nagsasasayaw. Wala siyang pakialam kahit naiirita na sa kaniya ang mga katabi dahil nababangga ng matambok niyang puwitan. Subalit nagpanting ang tenga niya nang may marinig siyang isang babaeng bumulong:

“Ang taba-taba naman nito…”

“Hoy! Sinong sinasabihan mong mataba? Ako ba? Ako? Hik! Oo mataba ako, masarap kumain eh! Ikaw, bakit ang pangit mo ha? Magpapalit ka ng mukha, hik!” sabay duro ni Josie sa mukha ng babae. Mabuti na lamang at nakalapit na kaagad si Elmer at inawat ang kaibigan. Hindi siya umiinom dahil alam niyang magpapakalasing ang kaibigan, at kung lasing din siya, walang mag-uuwi nito sa bahay nito.

“Tara na bes. Lasing ka na. Nang-aaway ka na,” masuyong sabi ni Elmer. Subalit hindi na siya pinakinggan ng lasing na lasing na si Josie. Humiga na ito sa kaniyang dibdib habang bubulong-bulong.

Pinakatitigan ni Elmer ang maamong mukha ni Josie. Para sa kaniya, napakaganda ni Josie. Kahit mataba ito. Kahit malakas itong kumain. Kahit malakas itong uminom at madaling malasing.

Mga bata pa lamang sila, alam ni Elmer na may espesyal na espasyo sa kaniyang puso ang matalik na kaibigan. Tinangka na niyang sabihin dito ang nararamdaman noong sila ay nasa elementarya pa lamang. Subalit tinawanan lamang siya nito. Hindi raw sila bagay. Magmumukha raw silang number 10.

Habang tumatagal ang panahon, lalong lumalalim ang pagmamahal ni Elmer para kay Josie. Hindi bilang kaibigan. Bilang isang lalaking nagmamahal sa isang espesyal na babae. Pinangarap niyang maging ina ng kaniyang mga anak si Josie. Umaasam man siyang mamahalin din siya nito, sapat na sa kaniya ang makasama ito bilang isang matalik na kaibigan.

“Salamat Elmer. Maaasahan ka talaga, iho. Pasensiya ka na kay Josie ah…” pasasalamat ni Aling Magda, ang ina ni Josie, nang ihatid na niya ito sa kanila.

“Wala ho iyon. Mabuti nga po at ako ang kasama niya. Broken hearted po iyan,” nakangiting sabi ni Elmer.

“Oo nga eh. Alam ko ang ginawa ng ka-chat niya. Ito naman kasing batang ito, naghahanap pa, eh nariyan ka naman,” biro ni Aling Magda kay Elmer.

Habang nagda-drive pauwi si Elmer, nangingiti siya. Minsan, hindi mo naman kailangang karelasyon ang isang tao para mahalin ito. Hindi roon nasusukat ang tunay na pagmamahal. Masaya na rin siya dahil kahit papaano, walang break-up sa relasyon nila ni Josie—bilang magkaibigan.

Advertisement