
Pumayag ang Babae sa Alok ng Mayamang Lalaki Kapalit ang Kalahating Milyong Piso, Ang Usapan: Bawal Mainlove
“Puwede mong galawin ang lahat dito sa bahay. Manood ka ng TV, kumuha ka ng pagkain, ayusin mo ang mga gamit ko. Pero huwag ka lang papasok sa kuwarto ko hangga’t wala ako.”
Iginala ni Maita ang kaniyang mga paningin sa mala-palasyong bahay ni Julio Gatchalian: ang lalaking handang magbayad ng mahal sa sinumang babaeng nagnanais na maging live-in partner siya sa loob ng anim na buwan. Limandaang libong piso. Sapat na kabayaran upang maipagamot niya ang kaniyang maysakit na ina. Anim na buwang pagtitiis. Anim na buwang tila nakakulong sa loob ng malaking bahay ng CEO ng isang kompanya. Malaking bahay subalit nag-iisa lamang sa buhay.
Tinanggap ni Maita ang alok ng CEO. Inireto lamang siya ng kaniyang kakilalang naging isa sa mga live-in ng mayamang lalaking nahihirapang hanapin ang pag-ibig. Nakasaad sa kontrata: lahat ng maibigan ng babaeng “masuwerteng” mapipili at papayag sa gusto niya ay ibibigay niya, maliban lamang sa pagmamahal. Bawal mahulog sa kaniya. Kapag nangyari iyon, puputulin niya ang kontrata at babawiin lahat ng mga ibinigay na niya. Magkakaroon ng malaking pagkakautang ang babaeng iyon.
Isa pa sa mga nakasaad sa kontrata: magsisiping sila kung kailan lamang gusto ng lalaki subalit hindi maaaring magdalantao ang babae.
Kabado man sa kanilang unang gabi, pikit-matang ipinagkaloob ni Maita ang kaniyang sarili sa lalaking “bumili” sa kaniya. Ang totoo niyan, hindi naman siya birhen. May karanasan na siya. Subalit ang ikinaiba nito, estranghero si Julio at ni isang katiting na pagmamahal ay wala siyang nararamdaman. Napakaguwapo at napakakisig nito subalit wala siyang maramdamang kahit na ano. Gusto lamang niya ang pera nito. Iyon lamang.
Naging maasikaso naman si Maita sa CEO. Tuwing umaga, wala ito sa bahay dahil kailangan nitong gampanan ang mga tungkulin sa kompanya. Dahil bawal namang lumabas, ibinubuhos ni Maita ang kaniyang atensyon sa paglilinis at pag-aayos ng bahay. Maingat niyang nililinis ang mga mamahaling muwebles. Pinaglulutuan din niya ito nang masasarap na ulam, na gustong-gusto nito.
“Napakasarap mong magluto…” papuri sa kaniya ni Julio, minsang sila ay kumakain ng hapunan.
“Salamat. Natutuhan ko sa aking Inay,” sagot ni Maita.
Pagkatapos maghugas ng mga pinagkainan, umaatikabong aksyunan na sa kama ang kasunod. Ipinauubaya ni Maita ang kaniyang katawan sa lalaki, subalit mahigpit niyang nilalabanan ang sarili na mahulog dito. Bawal. Baka masayang ang kaniyang mga sakripisyo at pinagpaguran. Hindi alam ng kaniyang Inay ang pinasok niya. Tiyak na hindi ito papayag.
At lumipas ang isang buwan. Alam na alam na ni Maita ang paboritong pagkain ni Julio. Escabecheng dalagambukid. Napapakanin talaga ito kapag ito na ang niluluto niya. Natutuwa siyang makitang nabubusog ito. Gusto niyang haplusin ang mga namumuong dumi sa gilid ng mga labi nito. Ngunit nagtitimpi siya. Hindi siya maaaring mahulog sa lalaking ito. Mawawala ang pera.
Sa ikalawang buwan, binilhan siya ni Julio ng sariling kotse. Hindi siya makapaniwala.
“Hindi ba ito masyadong mahal?” tanong ni Maita.
“Kasama iyan sa kontrata. May magtuturo sa iyo kung paano mag-drive. Papayagan na kitang umalis sa umaga subalit kailangan mong makabalik bago ako umuwi.
Sa loob lamang ng dalawang linggo ay natutong magmaneho si Maita sa tulong ng kinuhang tagapagturo ni Julio. Sa ikatlong buwan, iniabot nito sa kaniya ang isang envelope. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Titulo ng bahay at lupa.
“Para sa iyo iyan. Pasasalamat sa mahusay na pag-aalaga sa akin,” sabi ni Julio.
Sa ikaapat at ikalimang buwan, binigyan naman siya ng credit card ni Julio. Kahit daw matapos na ang kontrata nila, patuloy pa rin daw ang sustento nito.
“Iba ka sa lahat ng mga babae, Maita. Nakuha mo ang kiliti ko,” sabi ni Julio.
“Maraming salamat kung gayon. Pero paalala ko lang: bawal mainlove. Nakasaad sa kontrata natin,” paalala ni Maita kay Julio. Katatapos lamang nilang magsiping.
“Bawal mainlove sa akin, pero walang nakasaad sa kontrata na bawal akong mainlove sa iyo,” paglilinaw ni Julio.
Sa huling buwan ni Maita, hindi niya napigilang aminin sa sariling mahal na niya si Julio. Ipinagamot ni Julio ang kaniyang maysakit na ina. Ito rin ang magbabayad sa mga gamot at maintenance nito. Subalit ang kontrata ay kontrata at hindi dapat pigilin.
“Maraming salamat sa lahat. Hindi ako makapaniwalang matatapos ko ang usapan natin,” sabi ni Maita kay Julio, sa huling araw niya sa poder nito.
“Wala nang kontrata. Sinisira ko na. Isang tanong, isang sagot: mahal mo ba ako?” tanong ni Julio kay Maita.
“Paano kapag sinabi kong ‘oo’? Babawiin mo ang lahat?” tanong ni Maita.
Sa halip na sagutin, hinalikan ni Julio sa kaniyang mga labi si Maita. Banayad. Espesyal. Halik na nakalalasing. Tumugon si Maita.
Doon na nahinto ang ginagawa ni Julio na paghahanap ng mga ka-live in partner sa loob ng anim na buwan. Wala na ang mga kontrata at kasunduan. Nahanap na niya ang tunay na pagmamahal.
Pinakasalan niya si Maita at nagsama sila nang maligaya. Hindi naglaon, biniyayaan sila ng dalawang supling.