Inday TrendingInday Trending
Nagsakripisyo ang Ate Upang Itaguyod ang Kaniyang Ina at Nakababatang Kapatid na Lalaki; Paano Nila Ito Masusuklian?

Nagsakripisyo ang Ate Upang Itaguyod ang Kaniyang Ina at Nakababatang Kapatid na Lalaki; Paano Nila Ito Masusuklian?

Kung may isang tao mang tinitingala o iniidolo si Kevin, iyon ay walang iba kundi ang kaniyang Ate Kendra.

Si Ate Kendra ang naging dahilan kung bakit siya nakatapos ng kaniyang pag-aaral. Simula nang magkasakit ang kanilang nanay na mag-isang nagtaguyod sa kanila dahil sa maagang pagkawala ng haligi ng tahanan, ito na ang tumayong breadwinner. Magpapakasal na sana ito noon sa nobyo nito, subalit pinili nitong huwag nang ituloy upang itaguyod sila. Nagalit ang nobyo nito, kaya hindi na nakapaghintay pa, at hiniwalayan ang kaniyang ate.

Nakapagtapos ng pag-aaral hanggang kolehiyo si Kevin, at natupad ang pangarap na maging isang Mechanical Engineer. Dumating ang panahong pinalad sa kaniyang career si Kevin, naiangat ng tungkulin sa kaniyang trabaho, at ipinadala sa Kuwait upang pamahalaan ang kanilang branch doon. Dalawang taon siyang nanatili roon at nakapagpundar ng sariling pera.

Sa kaarawan ng kaniyang Ate Kendra, pinili ni Kevin na umuwi ng Pilipinas upang magbakasyon. Tuwang-tuwa ang kaniyang ate. Napansin ni Kevin na may tila kakaiba sa kaniyang Ate Kendra: tila may lungkot sa mga mata nito. Mapungay at pagod ang mga mata. Tila pagod na pagod. Sa pakiwari niya ay tumanda ang hitsura nito.

“Kumusta naman ang trabaho mo sa Kuwait? Hindi ka naman pasaway?” pabirong tanong ni Ate Kendra habang sila ay nasa hapag-kainan.

“Naku ate, tuwang-tuwa nga sila sa mga Pinoy na kagaya ko. Masisipag at magagaling kasi,” pabirong pagmamayabang ni Kevin sa kaniyang ate. Natutuwa siya dahil gumaling na sa malubhang karamdaman ang kanilang ina.

“Mukha nga, anak. Mabuti naman kung gayon,” nakangiting tugon ng kanilang ina.

“Kevs, puwede bang samahan mo ako sa Lucban, Quezon? Gusto kong magtungo sa Kamay ni Hesus Shrine sa birthday ko. Ipag-drive mo naman ako,” pakiusap ni Ate Kendra sa kapatid.

Kinabukasan, nagtungo nga sina Ate Kendra at Kevin sa naturang sikat na pilgrimage sa Quezon. Madalas nilang pinupuntahan ang lugar na iyon, noong buhay pa ang kanilang tatay. Matagal na panahon na rin silang hindi nakapupunta roon. Hayskul pa lamang yata si Kevin.

Kapansin-pansin ang mabilis na pagkapagod ni Ate Kendra sa paghakbang mga baitang ng hagdan patungo sa malaking rebulto ni Hesukristo. Kinakailangang taluntunin ang halos 300 baitang ng hagdan upang makarating sa itaas. May kung ilang beses silang huminto at nagpahinga dahil hinihingal si Ate Kendra.

Nang makarating sila sa mismong dambuhalang rebulto, taimtim silang nanalangin.

Maya-maya, naupo sila sa isa sa mga hagdan upang magpahinga. Sila lamang ang tao noon dahil karaniwang araw. Abala ang mga tao sa trabaho.

“Alam mo ba, nagpunta kami rito ni Nanay noong may sakit siya? Hiniling namin ang kagalingan niya. Na awa ng Diyos, nangyari naman,” kuwento ni Ate Kendra.

“Mabuti nga’t okay na si Nanay. Ikaw, Ate? Kumusta ka? Ok ka lang ba?” tanong ni Kevin.

Hindi sumagot si Ate Kendra. Sumulyap lamang sa kaniya.

“Alam mo Kevs, noong medyo bata-bata pa ako, pangarap kong magkaroon ng sariling pamilya. Alam mo naman iyon. Ikakasal na sana ako… pero nangyari na ang mga dapat mangyari. Isinakripisyo ko ang pangarap ko na iyon. Pero worth it naman. Naalagaan ko kayo ni Nanay. At ikaw. Tingnan mo ngayon, successful ka na. Kaya sa isip-isip ko, kahit hindi ako nagkaroon ng sariling anak, makita lang kita na nagtagumpay sa buhay, okay na ako,” masayang sabi ni Ate Kendra.

“Kaya nga thankful ako sa iyo, Ate. Utang na loob ko ito sa iyo. Salamat sa mga sakripisyo mo,” nakangiting pasasalamat ni Kevin.

“Kaya ngayon, nandito ulit ako sa Shrine na ito para humiling sa Kaniya. Hindi na para kay Nanay, kundi para sa akin. I have liver cirrhosis, Kevs. At pakiramdam ko hindi na ako tatagal…”

Nabigla si Kevin sa rebelasyon ng kaniyang ate. At isinalaysay nito ang lahat. Pinili nitong ilihim sa kaniya ang lahat. Galit na galit si Kevin. Habang sila ay nasa kotse, wala siyang kibo at hindi pinapansin ang ate.

Kinabukasan, bigla na lamang inatake si Ate Kendra. Nataranta si Kevin. Itinakbo niya ang ate sa ospital. Umiiyak ang kanilang ina. Subalit hindi na kinaya ng kaniyang ate ang lahat. Sabi ng kanilang ina, talaga raw hinihintay ng kaniyang ate na muli silang magkita.

Naisip ni Kevin, hanggang sa huling pagkakataon ay kapakanan na naman niya ang inisip nito. Pinili nitong ilihim sa kaniya ang pinagdaraanan upang hindi siya mag-resign at mapauwi ng Pilipinas para damayan ito sa mga oras na mas kinakailangan nito.

Ipinangako sa sarili ni Kevin na hinding-hindi niya bibiguin ang mga sakripisyo ng kaniyang Ate Kendra para sa kaniya. Pagbubutihin niya sa trabaho, at magiging mabuting ama sa kaniyang mga magiging anak sa hinaharap.

Pinagbuti ni Kevin ang kaniyang trabaho bilang isang Mechanical Engineer. Isinama na niya ang kaniyang ina sa Kuwait upang alagaan na rin ito.

Hindi naglaon, lumagay na rin sa tahimik si Kevin, at mahigpit ang turo niya sa mga anak na magmahalan silang magkakapatid, kagaya ng pagmamahalan nila ni Ate Kendra.

Advertisement