
Agad na Nagpakasal ang Babaeng ito sa Lalaking Bagong Kakilala Lamang; Ito pala ang Sagot sa Mabigat Niyang Dinadala
“Flyn, sigurado ka ba sa ginagawa mo? Hindi biro ang magpakasal, lalo na’t sa lalaking kakakilala mo pa lang. Diyos ko naman, baka magsisi ka lang sa huli! Iniwan ka lang ng isang lalaki, magpapakasal ka na agad sa iba?” nag-aalalang sambit ni Lori nang malaman ang balak ng kaibigan, isang araw nang dalawin niya ito.
“Sigurado na ako, Lori, wala kang kailangang ipag-alala. Alam ko ang ginagawa ko at lalo’t higit alam kong kahit kailan, hindi na ako babalikan noon. Kaya, hayaan mo na ako,” tugon ni Amari habang abala sa pagtutupi ng damit.
“Ano pa nga ba? Buhay mo ‘yan, eh, basta, kung ano man ang mangyari sa’yo, nandito lang ako para tulungan ka,” sambit nito saka siya bahagyang niyakap mula sa likuran dahilan upang siya’y mapangiti.
“Salamat, Lori, ito na lang ang nakikita kong paraan upang huwag na akong bumalik sa lalaking ilang beses na akong iniwan. Ayoko nang magpabalik-balik doon. Swerte na ako rito sa lalaking papakasalan ko, napakabait na, ginagawa pa ang lahat para makalimot ako,” nakangiti niya pang tugon.
“Maigi naman, o, paano? Alis na ako, ha?” paalam nito nang masigurado nitong siya’y nasa maayos na kalagayan. Tumango lang siya’t bumeso saka ito tuluyang umalis.
Galing sa isang masakit na pangyayari sa buhay ang dalagang si Amari dahilan upang halos lahat ng kaniyang kaibigan ay mabigla sa pinadala niyang imbitasyon ng kaniyang kasal sa isang lalaking kakakilala niya pa lamang.
Bigla na lang kasi siyang iniwan ng lalaking karelasyon niya sa loob ng walong taon. Ni walang pasabi kung saan ito magpupunta o kung ano ang nangyari. Ang tanging alam niya lang, base sa mga nilalagay nito sa social media, ito’y masaya na sa piling ng isang amerikanang nakilala nito sa abroad.
At upang makalimot, agad siyang naghanap ng lalaking masasandalan. Hindi niya lubos akalaing aalukin agad siya nito ng kasal, ngunit dahil nga nais niyang tuluyang makalimot, hindi niya ito tinanggihan.
Wala naman kasi siyang nakikitang mali sa ginawa niyang ito kung hindi ang napakabilis na desisyon lamang. Ang lalaking ito kasi’y bukod sa mabait na, handa pang gawin ang lahat upang makuha lang siya. Ramdam niya ang halaga niya sa lalaking ito, malayong-malayo sa pagtrato sa kaniya ng dating kasintahan na malayo na nga, madalas pang hindi nangangamusta.
Ilang buwan lamang ang lumipas, tuluyan na nga siyang nagpakasal sa lalaking muling bumubuo ng kaniyang puso. Masaya siyang makita roon ang kaniyang mga kaibigan at kapamilya. Malaki man ang nagastos nila, lubos-lubusang ligaya ang kaniyang nararamdaman.
Ngunit kinabukasan, laking gulat niya nang makatanggap ng regalo mula sa lalaking dahilan nang lahat ng ito. Nagdalawang-isip man siyang buksan ito dahil baka muli na namang sumariwa ang sakit na naramdaman niya rito, ika ng kaniyang asawa, “Dapat mo ‘yang buksan, mahal ko, makaramdam ka man ng sakit ulit, nandito lang ako. Mag-asawa na tayo, hindi ba? Hindi ko hahayaang habambuhay na manatili ang sakit na ‘yan, kailangan mo na ‘yang pakawalan, kahit paunti-unti,” dahilan upang unti-unti niya itong buksan.
Nanginginig man, tuluyan na niya itong binuksan at bumungad sa kaniya ang isang selpong naglalaman ng mensahe ng naturang lalaki.
Nanghingi ito ng tawad sa kaniya at tila nagsisi sa ginawang kamalian. Doon niya nalamang habang nasa abroad pala ito, iba’t ibang babae ang nakakasama nito at tila minalas ito sa isang babaeng sundalo ang tatay.
Sapilitan itong pinakasal at ito pa ang gumagamit ng social media account nito dahilan upang labis siyang mabigla’t maawa sa sitwasyon ng lalaki.
Ngunit dahil nga siya’y kasal na, nakahinga na rin siya nang maluwag. ‘Ika niya sa kaniyang asawa, “Siguro, kung hindi pa ako kasal, gagawin ko ang lahat para lang makauwi ‘yan dito sa Pilipinas. Mabuti na lang at nand’yan ka, ngayon, napagtanto kong tama talaga ang desisyon kong magpakasal sa’yo, nalayo na ako sa lalaking hindi kuntento sa akin, napunta pa ako sa lalaking taos puso akong mahal,” dahilan upang yakapin siya nito nang napakahigpit.
Sa wakas, dumating na rin ang araw na malinis na ang kaniyang puso. Wala na ang sakit na dati’y pilit niyang winawaglit. Lahat nang ito’y napalitan na ng saya at pagmamahal dahil sa tamang pagtrato sa kaniya ng asawang takot na mawala siya.
Minabuti niya na ring hindi tulungan ang dati niyang nobyo, dahil hindi siya sigurado kung ito ba’y nagsasabi ng totoo o nagmamalinis lamang.