Inday TrendingInday Trending
Isang Aso ang Iniuwi ng Kaniyang Batugan na Asawa; Paano Nito Babaguhin ang Buhay Nila?

Isang Aso ang Iniuwi ng Kaniyang Batugan na Asawa; Paano Nito Babaguhin ang Buhay Nila?

“Hoy, Karding! Gumising ka na at tanghali na! Batugan ka talaga!” talak ni Rosita sa asawa.

Magdadalawang taon na rin simula nang matanggal sa trabaho ang asawa kaya naman magmula noon ay siya na ang nagsilbing breadwinner ng kanilang pamilya.

Pupungas pungas ito nang pumasok sa kanilang maliit na kusina. Nagtimpla ito ng kape bago sinimulan ang pagbabasa ng diyaryo. Iyon lagi ang ginagawa ng asawa paggising.

“Ikaw ang tatao ngayon sa palengke. Luluwas ako ng Maynila para tingnan ‘yung sinasabi ni Mareng Tina na murang angkatan ng gulay raw,” maya maya ay imporma niya sa asawa.

Naghikab pa ang lalaki bago ito tumango sa kaniya.

“Bilisan mo na riyan nang makarami tayo! Maraming kustomer na namamalengke kapag madaling araw!” utos niya rito.

Pagtitinda sa palengke ang ikinabubuhay nilang mag-asawa. Kadalasan ay siya ang tumatao sa kanilang pwesto dahil mahiyain ang asawa niya. ‘Di hamak na mas malaki ang kita nila kapag siya ang nagtitinda.

Sabay silang mag-asawa umalis ng bahay upang pumunta sa kani-kanilang lakad nang araw na iyon.

“Ayusin mo ang pagsusukli ha! Baka mamaya niyan mas malaki pa ang mawala sa akin kaysa ang kitain natin ha!” masungit na bilin niya sa asawa bago sila maghiwalay ng landas.

Ganoon silang mag-asawa simula nang mawalan si Karding ng trabaho. Pakiramdam niya kasi ay siya ang bumubuhay sa asawa, gayong pinangakuan siya nito ng magandang buhay bago sila magpakasal.

Mabuti na nga lang at hindi sila pinalad magkaroon ng anak. Kung hindi ay baka nagutom na ang mga anak nila.

Pakiramdam niya ay walang silbi ang asawa. Sa loob kasi ng dalawang taong paghahanap nito ng trabaho ay hindi man lamang ito natanggap.

Kaya naman mula noon, hanggang ngayon, isang kahig, isang tuka pa rin sila.

Mabilis na lumipas ang maghapon. Lampas tanghalian na nang dumating siya sa pwesto nila. Nakahinga siya nang maluwag nang mapansing halos paubos na ang mga tinda nila.

“Umuwi ka na, Rosita. Ako na ang magpapaubos nito at ako na rin ang magliligpit. Magpahinga ka na sa bahay,” udyok ng asawa. Marahil ay napansin nito ang pagod na nakapaskil sa kaniyang mukha.

Pumayag naman siya dahil patang pata talaga ang katawan niya.

Umuwi siya sa bahay at agad na hinila ng antok nang mahiga siya sa kama.

Naalimpungatan ng lamang siya ng marinig ang matinis na kahol ng isang aso. Kunot-noong tumingin siya sa orasan sa dingding.

“Alas sais na pala. Ang tagal ko ring nakaidlip. Bakit may naririnig akong tahol ng aso?” sa isip isip niya.

Nang lumabas siya mula sa kwarto ay nakita niya ang asawa na abala sa pagluluto ng hapunan.

Sa isang sulok ay namataan niya ang maliit na puting aso.

“Anak ng! Bakit may aso rito, Karding?” nakapamewang na usisa niya.

Lumingon ang kaniyang asawa. May alanganing ngiti.

“Nakita ko nung pauwi ako. Kawawa naman, ang gandang aso pa naman. Mahal ang ganyang lahi,” tuwang tuwang wika ng asawa.

“Ano ba naman, Karding! Dalawa nga lang tayong kumakain, hirap na hirap na ako! Nagdala ka pa ng palamunin?” mataas ang boses na asik niya.

Napayuko naman ang asawa. Tila nasaktan sa kaniyang sinabi.

Nakadama man siya ng habag rito ay gusto lang niyang magsabi ng totoo. Hirap na hirap na nga silang buhayin ang kani-kanilang sarili, magdadagdag pa ito ng isang miyembro ng pamilya?

“Kakarampot lang naman ang kakainin ng aso, Rosita. Ibabawas ko na lang sa kakainin ko,” pilit nito.

“Saka saan ko naman dadalhin ang aso? Kawawa naman,” dagdag pa nito.

Tumaas ang kilay niya. “Bahala ka, Karding. Iligaw mo, o ipamigay mo sa kapitbahay,” pagtatapos niya sa usapan nila.

Likas na mahilig sa hayop si Karding kaya naman hindi niya maiwasan ang usig ng konsensiya nang makita niyang masaya itong nakikipaglaro sa aso.

Noon niya lang ulit nakita ang masayahing ngiti ng asawa simula nang matanggal ito sa trabaho.

Nang sumapit ang umaga ay maaga itong gumayak dala ang aso. Ibibigay raw nito ang aso sa isang kakilala para hindi naman magpagala-gala ang naturang aso.

Nang makita niya ang malungkot na ekspresyon sa mukha ng asawa at ang bagsak nitong balikat ay hindi niya na napigilan ang sarili.

“Gusto mo ba talagang alagaan na lang ang aso?” habol niya rito.

Mabilis itong napalingon bago sunod sunod na tango ang ibinigay sa kaniya.

“Bahala ka. Basta ikaw ang mag-alaga niyan, ha!” pagsusungit niya. Ngunit sa totoo ay tila may mainit na kamay na humaplos sa kaniyang dibdib dahil sa asawa.

Ilang araw pa ang lumipas at tuluyan nang napalapit sa loob nila ang aso.

Dahil sa sayang naihahatid ng aso sa buhay nila ay unti-unti na ring umayos ang relasyon nilang mag-asawa.

Napagtanto niya kasi na hindi ang kawalan ng trabaho ang dahilan kung bakit malungkot ang asawa – dahil pala iyon sa masasakit na salitang madalas niyang ibato rito.

Humingi siya ng tawad sa asawa at nangako sila na magtutulungan sila upang maabot nila ang buhay na kanilang pinapangarap.

Isang umaga habang sabay silang nagkakape ay biglang nanlaki ang mata ni Karding sa binabasa nitong diyaryo.

“Bakit, anong meron diyan sa binabasa mo at nanlalaki pati butas ng ilong mo?” natatawang puna niya sa asawa.

Nanginginig na iniharap nito sa kaniya ang binabasang diyaryo. Kagaya ng asawa ay nanlaki rin ang mata niya sa nakita.

Doon ay nakalimbag ang larawan ng aso na napulot ni Karding. Sinabi rin doon na ang makakapagsoli sa naturang aso ay bibigyan ng gantimpala – tumataginting na kalahating milyong piso!

Hindi sila nag-aksaya ng oras. Malungkot man na mawawalay sa kanila ang aso ay alam nila na mahal ito nang may-ari kaya ganoon na lamang ang kagustuhan nitong makita ang aso. Isa pa, hindi nila maitatanggi na kailangan nila ang pera.

Tuwang tuwa ang may-ari nang isauli nila ang aso. Kagaya ng napag-usapan ay ibinigay nito ang perang ipinangako.

“Maraming salamat sa ilang araw na pag-aaruga niyo sa alaga ko,” sinserong wika pa nito.

Gamit ang pera ay kumuha ang mag-asawa ng mas malaking pwesto sa palengke at magkahalili nilang pinatakbo ang tindahan.

Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa swerte na dala ng aso. Bukod sa inayos nito ang relasyon nilang mag-asawa, binigyan pa sila nito ng pagkakataong magkaroon nang mas maayos na buhay.

Advertisement