Inday TrendingInday Trending
Pinagbintangan Siya ng Sales Lady na Nagnakaw ng Mamahaling Hikaw; Natameme Sila nang Mabisto ang Tunay na Salarin

Pinagbintangan Siya ng Sales Lady na Nagnakaw ng Mamahaling Hikaw; Natameme Sila nang Mabisto ang Tunay na Salarin

Kasalukuyang namimili si Thea nang lumapit sa kaniya ang isa sa mga empleyado.

“Ma’am, kailangan mo ba ng tulong sa pagpili?” tanong ng isa sa mga sales lady. Sa labi nito ay may nakapaskil na isang tipid na ngiti.

Bago pa siya makasagot ay muli nang nagsalita ang babae.

“Sabihin mo lang po kung kailangan niyo ng tulong. Napansin ko kasi na kanina ka pa tumitingin. Sa bandang doon naka-display ang mga mas murang produkto namin,” wika nito bago itinuro ang isang sulok ng tindahan.

Bago ito umalis ay pasimpleng pinasadahan pa siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa.

Bahagyang nainsulto si Thea sa ginawa ng babae ngunit hindi na siya nagsalita. Nauunawaan niya naman kasi ito.

Hindi kasi siya kagaya ng karamihan sa mga namimili na sopistikada at elegante. Nakasuot lamang siya ng isang simpleng pantalon na maong at T-shirt.

Puro mamahalin ang tinda na alahas doon. Sa totoo lang, kung hindi niya pinag-ipunan ang regalo sa ama ay baka hindi rin siya nagtangka na pumasok doon.

Ngunit alam niya na rin na hindi naman tama na husgahan siya nito dahil lang sa suot niya.

Napapailing na ipinagpatuloy niya na lamang ang pamimili. Gusto niya rin kasing masiguro na ang pinakamaganda ang mabibili niya para sa ama.

Maya maya ay nakita niya na tila nataranta ang mga sales lady.

“Good morning, Ma’am!” sabay sabay na bati ng mga ito.

Nagng lingunin niya ang pinto ay napagtanto niya na isang importanteng kustomer ang dumating.

Tindig pa lang nito ay mahahalatang may sinasabi ito sa buhay.

Tila ito isang modelo na taas noong naglalakad. Isang magandang bestidang dilaw ang suot ng babae na tinernuhan ng isang malaking sumbrero.

Ipinagkibit-balikat niya na lang iyon at nagdesisyon nang bayaran at ipabalot ang relo na napili niya para sa ama.

“Salamat,” nakangiting wika niya sa babaeng nag-asikaso ng kaniyang binili.

Palabas na siya nang marinig niya ang sigaw ng isang babae.

“Ang hikaw! May nawawalang hikaw!” takot na sigaw ng isa sa mga sales lady.

“Ang hikaw na gawa sa dyamante! Nandito lang ‘yun kanina, biglang nawala!”

“Ang pinto! Isarado ang pinto! Wala munang lalabas!” utos pa nito sa gwardiya.

Napahinto naman si Thea sa paglabas nang pigilan siya ng lalaki.

“Ma’am, pasensiya na po, may emergency lang,” nahihiyang wika ng lalaki.

Nakakaunawang tumango siya at nanatiling nakatayo. Sinipat niya ang paligid. Bumundol ang kaba sa kaniyang dibdib nang mapagtantong dalawang kustomer na lang sila sa loob – siya at ang babaeng mukhang mayaman.

Sa kaniyang pagtataka ay pagalit na lumapit sa kaniya ang sales lady.

“Ma’am! Patingin ako ng bag mo!” bulalas nito.

Napakunot noo siya. “Sandali, pinagbibintangan niyo ba ako?”

“Hindi naman sa ganun, Ma’am, kaso natural lang naman na ikaw ang paghinalaan dahil ikaw lang ang naiwang kustomer dito,” paliwanag ng sales lady.

“Eh anong tawag mo sa kaniya?” pigil ang galit na turo niya sa isa pang kustomer na naiwan.

Hindi nagsalita ang kausap niya. Ngunit kahit ganoon ay alam niya na siya ang pinagdudahan nito dahil siya ang mukhang ordinaryo.

“Pwede niyo rin naman inspeksyunin ang bag ko. Sa itsura kong ito, magnanakaw ako ng hikaw na kayang kaya ko namang bilhin?” sabad naman ng babae.

Nang lingunin niya ang babae ay nakataas ang kilay nito.

Parehong ininspeksyon ng guwardiya ang bag niya at ang bag ng babae subalit bigo ang mga ito na makakita ng kahit na ano.

Namutla naman ang sales lady nang pukulin niya ito ng matalim na tingin. Sa mukha nito ay bakas ang takot.

“Ayos na ba? Pwede na ba akong lumabas? Ayoko na nga mamili rito!” mataray na bulalas ng sopistikadang babae.

Inayos nito ang pagkakasuot sa sumbrero bago nagmamartsang lumabas ng tindahan.

Subalit aksidenteng nahulog ang sumbrero ng babae.

Nanlaki ang mata nila nang kasabay ng pagkahulog ng sumbrero nito ay ang pagkahulog ng isang pares ng hikaw na gawa sa purong dyamante.

“Siya! Si Ma’am pala ang kumuha!” gulat na sigaw ng sales lady. Halatang hindi nito inaasahan na ang kustomer nitong mukhang mayaman ay isa palang magnanakaw.

Bago pa man makatakas ang babae ay nahablot na ito ng gwardiya. Nagpipiglas ito subalit wala itong laban sa laki ng katawan ng lalaking nakahawak dito.

Mabilis na pinulot ng sales lady ang pares ng hikaw at ibinalik ito sa istante.

Nanginginig na lumapit ito sa kaniya. Bakas sa mukha nito ang matinding pagsisisi.

“M-ma’am, pasensiya na po. Nataranta po kasi ako kanina kaya kayo ang napagbintangan ko,” pagdadahilan nito.

Tumaas ang kilay ni Thea. “Hindi, hindi ‘yun ang dahilan mo. Kanina, noong itinuro mo sa akin kung ‘yung mga mas murang alahas, alam ko na na hinusgahan mo ako dahil hindi ako mukhang mayaman kagaya nung isang babae,” kastigo niya rito.

Natameme ito habang pulang pula ang mukha sa labis na pagkapahiya. Nadale niya kasi ang tunay na rason sa likod ng pambibintang nito sa kaniya.

“Hindi maganda ‘yang hinuhusgahan mo ang halaga ng tao base sa kung anong suot niya. Pantay pantay dapat ang tingin mo sa mga kustomer,” sermon niya rito.

Napayuko ang babae habang marahang tumatango.

“Sorry po talaga, Ma’am. Hindi po tama ang ginawa ko. Sisiguraduhin ko po na hindi na ito mangyayari sa ibang kustomer,” hiyang hiyang tugon nito sa kaniya.

Tinapik niya ang balikat nito, tanda na tinatanggap niya ang paghingi niyo ng paumanhin.

Alam niya kasi na natuto na ito – na wala sa panlabas na anyo ng sinuman ang tunay na nasa loob nito.

Advertisement