
Hindi Maintindihan ng Isang Doktora Kung Bakit Tila may Kulang Pa Rin sa Kaniya; Sa Isang Liblib na Baryo pala Niya Malalaman ang Kasagutan
“Parang kailan lang, Audrey, ay kalaro mo pa ang manika mo at gusto mong maging isang doktor. Ngayon ay hindi ka na lang basta ganap na doktor. Isang buwan na lang ay papalitan mo na ako bilang tagapamahala nitong ospital natin,” saad ni Dok Richard sa kaniyang anak na dalagang doktor.
“Kaya nga, daddy. Sana ay napapasaya ko kayo ni mommy sa kung anuman ang narating ko. Alam ko na hindi ko kayang pantayan kung ano man ang galing niyo ni mommy pero sisikapin ko po,” tugon naman ni Audrey sa kaniyang ama.
Bata pa lamang ay nais na ni Audrey na maging isang doktor. Nais niyang sundan ang mga yapak ng kaniyang mga magulang na kapwa doktor at may-ari ng isang kilalang ospital. Bunso sa dalawang magkapatid si Audrey. Tinalikuran ni Ron, panganay na kapatid ng dalaga, ang lahat ng kaniyang responsibilidad sa ospital upang sundin ang nais niyang maging isang pintor.
Labis itong ikinagalit ng kanilang ama kaya mula noon ay tila hindi na parte ng pamilya si Ron. Dahil din doon ay nasa kamay na ni Audrey ang pagpapatuloy ng pamana ng kanilang pamilya.
“Hindi mo lang alam kung gaano ka namin ipinagmamalaki ng mommy mo,” wika ni Dok Richard.
“Kung sana ay hindi naging matigas ang ulo ng kuya mo ay dapat siya ang nasa posisyon na iyan. Kaso mas sinunod niya ang kaniyang damdamin. Ano kaya ang mapapala niya sa pagpipinta? Tapos ang napangasawa pa ay isang pintor din! Wala silang mahihita sa buhay nila. Kaya huwag kang papares diyan sa kuya mo!” sambit pa ng ama.
Sa totoo lang ay saksi si Audrey sa sama ng loob na dinanas noon ng mga magulang niya sa paglisan ng kaniyang Kuya Ron. Simula noon ay ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat upang mapaligaya ang kaniyang mga magulang.
Ngunit hindi maintindihan ni Audrey kung saan nanggagaling ang kalungkutan sa kaniyang puso.
“Baka naman may gusto kang gawin pero napipigilan ka lang dahil nga kailangan ay maging kasing galing ka ng mga magulang mo. Lalo pa at pagbaba ng daddy mo sa posisyon niya ay nakaatang na sa iyo ang lahat ng malaking responsibilidad ng ospital,” saad ni Veron, kapwa doktor at matalik na kaibigan ni Audrey.
“Hindi ko talaga alam. Parang may puwang dito sa puso ko na hindi ko alam kung ano ang kailangang ipang-puno. Dapat nga ay masaya ako. Tingnan mo nga, sa edad kong ito marami na akong narating sa pagiging doktor ko. Tapos ay ibinigay na sa akin ang aming ospital. Nasa akin na ang yaman at katanyagan pero parang may kulang,” wika pa ng dalaga.
“Baka naman kulang ka lang ng taong magmamahal sa iyo? Baka kailangan mo ng lamnan iyang puso mo at magpakasal ka na!” biro ni Veron sa kaibigan.
“Hindi ganun, e. Naguguluhan ako. Baka tama ka, baka nga nape-pressure lang ako sa lahat ng nakaatang sa akin,” saad muli ni Audrey.
“Alam mo sa tingin ko ay kailangan mong magbakasyon. Bakit hindi ka sumama sa amin ng barkada bago ka sumabak sa bago mong buhay? Pupunta kami sa isang liblib na probinsiya. Doon walang signal gaano ng selpon at napakaganda ng tanawin kaya makakapag-isip ka talaga,” paanyaya ng kaibigan.
Pinaunlakan naman ito ng dalaga. Baka nga kasi kailangan niya ng kaunting bakasyon mula sa kaniyang trabaho.
Nang marating nila ang lugar ay namangha si Audrey sa labis na ganda ng tanawin. Tila perpektong iginuhit ng Maykapal ang pagtatagpo ng dagat at mga bundok. Pansamantalang nakalimot si Audrey sa lahat ng kaniyang pasanin.
Isang araw, sa kanilang pamamalagi sa lugar ay sinubukan niyang akyatin ang isang bundok. Doon natagpuan nila ang isang liblib na baryo na tila hindi pa nararating ng kuryente at sibilisasyon.
Ngunit magiliw ang lahat ng narito. Inasikaso sila na tila sila ay kauri nila.
Sa hirap ng pamumuhay doon ay napansin ni Audrey ang kasalatan ng lugar sa larangan ng kalusugan. Ni walang doktor upang sumuri sa mga bata at buntis. Sa mga matatanda at sa lahat ng nagkakasakit kaya napapabayaan na lamang hanggang sa sumasakabilang buhay na lamang ang mga ito.
Kaya kinabukasan ay naglunsad sila ng kaniyang mga kapwa doktor ng libreng check-up doon. At nangakong sa kanilang pagbalik ay magdadala ng mga gamot na pwedeng magamit ng mga naninirahan sa baryo.
Sa pagkakataon iyon ay tila hindi maipaliwanag ni Audrey ang kaniyang nararamdamang kaligayahan. Hindi niya lubusang akalain na ito pala ang puwang na hinahanap niya matagal na — ang magsilbi sa mga maralita.
Ngunit alam niyang kapag sinabi niya ito sa kaniyang ama ay mariin ang pagtutol na gagawin nito lalo pa at ilang linggo na lamang ay siya na ang hihirangin na tagapamahala ng ospital. Ngunit malaki ang pagnanais niyang manatili na lamang sa baryong iyon upang magbigay ng tulong medikal sa mga tao roon.
“Nasisiraan ka na ba ng ulo? Kilala mo ang daddy mo! Baka mamaya ay talikdan ka din nun, kagaya ng ginawa niya sa kuya mo! Isa pa, sayang ang oportunidad na nag-aabang sa’yo. Napakalaki ng ospital niyo at kaya nitong buhayin ang ilang henerasyon ng pamilya mo,” sambit ni Veron sa kaibigan.
“Kaya nga naguguluhan ako. Pero ngayon ko lang naramdaman na tila buhay ang damdamin ko. Na gumagawa ako ng tama at gumagawa ako ng hindi lamang dahil sa dinikta sa akin kung hindi dahil gusto ng puso ko,” saad naman ni Audrey.
Nagpabalik-balik si Audrey sa lugar na iyon upang maghatid ng tulong medikal sa mga tao sa barrio. Hanggang sa nalaman niyang may ilang baryo pa pala ngukod sa lugar na iyon ang hindi man lamang nadalaw ng doktor kahit isang beses man lamang. Mahirap man ay pilit niyang pinuntahan ang nasabing pook at doon ay sinubukan niyang manggamot.
Nang malaman ng kaniyang ama ang kaniyang ginagawa ay labis itong nagalit.
“Nahihibang ka na ba? Nais mong talikuran ang lahat ng ito para lamang pagsilbihan ang mga mahihirap na iyan? Nasaan na ang utak mo, Audrey! Tulad ka rin ng kuya mo! Tigilan mo na ang pagpunta sa lugar na iyan kung hindi ay itatakwil kita bilang anak at tagapagmana,” sambit ng ama.
Dahil sa labis na pagkagulo ng isipan ay hindi na alam ni Audrey ang kaniyang gagawin. Ngunit alam niyang may isang taong makakaunawa ng kaniyang pinagdadaanan at nais niya itong makausap — ang kaniyang Kuya Ron.
Nakipagkita siya siya sa kaniyang kuya upang ilahad ang lahat ng ito at para na rin malaman niya ang tunay na nangyari sa kaniyang nakatatandang kapatid.
“Tama ang daddy. Simple lang ang buhay naming mag-asawa ngayon. Hindi kagaya ng buhay natin. Pero alam mo ba, Audrey, hindi ko pinagsisisihan ang pinili kong daan. Nakilala ko ang asawa kong si Steph, ngayon ay may mga anak na kami at wala na sigurong mas liligaya pa sa amin,” pahayag ni Ron.
“Paano ka nagdesisyon ng ganiyan, kuya? Parang ang dali-dali lang sa’yo na tumalikod sa pamilya natin,” tanong pa ni Audrey.
“Hindi naging madali sa akin, Audrey. Siyempre, pamilya ko pa rin kayo. Pero naisip ko, minsan lang tayo mabubuhay. Gamitin natin ito sa paraang gusto natin. Hindi naman masama ang pinili kong landas, Audrey. Nagkataon lang na hindi ito pabor sa estado ng pamilya natin. Pero tingnan mo ako ngayon, tunay akong maligaya,” pahayag pa ng kapatid.
Dahil sa sinabing iyon ng kaniyang kuya ay nabuo na ang desisyon ni Audrey. Sa pagkakataong iyon ay handa na siyang talikuran ang lahat ng yaman at katanyagan upang magsilbi sa mga mahihirap na nangangailangan ng tulong medikal.
Tinalikuran ni Doktora Audrey ang komportable niyang buhay upang manirahan sa mga liblib na baryo.
Hindi niya alintana ang sama ng loob ng kaniyang mga magulang. Alam niyang darating din ang panahon na mapapatawad siya ng mga ito.
Ngunit sa ngayon ay nais niyang sundin ang sinisigaw ng kaniyang damdamin. Ito ay ang gamitin ang propesyon upang makatulong sa mga nangangailangan.