Pilit Kinakalimutan ng Ginoo ang Ginawa sa Kaniyang Pagtataksil; Sa Isang Reunion ay Magugulat ang Lahat sa Nangyari sa Kaniya

“Marcel, narinig mo na ba ang balita? Nag-uusap-usap daw ang mga ka-batch natin noong hayskul para magkaroon tayo ng reunion. Lahat ay inaanyayahan. Tara, punta tayo!” paanyaya ni Alfred sa kaniyang kaibigan.

“Ilang taon na rin tayong hindi nagkikita-kita. Baka sabihin mo na naman ay abala ka! Bigyan mo naman ito ng panahon. Magiging masaya iyon kasi dadating daw ang lahat,” dagdag pa ng ginoo. 

“Mukhang masaya nga iyang reunion na iyan. Sige, sisikapin ko na pumunta. Gusto ko rin makumusta ang lahat ng mga kaklase natin noon. Kung ano na ang mga lagay nila sa buhay o kung may mga pamilya na ba sila,” saad naman ni Marcel. 

“Naku, ang sabihin mo ay gusto mo lang makita si Anna at malaman kung may pamilya na siya. ‘Di ba, kaya hindi ka pa nag-aasawa ay hanggang ngayo’y umaasa ka pa rin na babalikan ka niya?” biro ng kaibigan.

“Tigilan mo nga ako, Alfred. Matagal na panahon na iyon. Saka alam mo naman kung sino ang nakatuluyan niya. Hindi ko na iniisip iyang si Anna. Ang mahalaga na lang sa akin ay mabigyan ko ng masaganang buhay ang nanay at tatay ko pati na rin ang magiging sarili kong pamilya,” paliwanag naman ng ginoo.

“Kung hindi ka lang kasi tinraydor ng dati nating kaibigang si Dionie, siguro hanggang ngayon ay kayo pa rin ni Anna. Ito naman kasing si Anna, mataas din ang ambisyon. Pero, sabagay, nakuha naman niya ang gusto niya,” sagot muli ni Alfred.

“Tama na nga iyan! Huwag na nating pag-usapan ang mga nakalipas na. Dahil tuloy diyan sa sinabi mo ay ayaw ko nang pumunta pa sa reunion. Baka mamaya ay makita ko lang sila dun!” sambit pa ni Marcel.

“Baka hindi ‘yun pupunta kasi hindi ba nasa ibang bansa na sila nakatira,” saad ng kaibigan.

Advertisement

Dalawang dekada na rin ang nakakalipas nang makapagtapos ng hayskul ang magkaibigan. Dalawang dekada na rin na pilit ibinabaon sa limot ni Marcel ang pag-ibig niya kay Anna.

Bata pa lamang ay may gusto na si Marcel kay Anna. Unang pag-ibig niya ito. Nasa ikaapat na taon na sila sa hayskul nang mapasya ang binata na tuluyang aminin sa dalaga ang kaniyang nararamdaman. Niligawan niya ito at kalaunan ay sinagot naman siya.

Ngunit sa araw mismo ng kanilang pagtatapos sa hayskul ay doon din tinapos ni Anna ang kanilang relasyon dahil sa isang kasinungalingan ng matalik ding kaibigan ni Marcel na si Dionie. Siniraan nang siniraan ng dating kaibigan itong si Marcel. 

At dahil nga rin sa magkaibang antas ng pamumuhay ng magkaibigan ay nabilog din ni Dionie ang utak nitong si Anna. Anak ng magsasaka itong si Marcel samantalang nasa abroad naman ang mga magulang ni Dionie.

Hindi akalain ni Marcel na magagawa ito ng kaibigan. Ang puno’t dulo pala ng lahat ng ito ay dahil sa malaking pagkagusto rin ni Dionie kay Anna. Lalo pang nagpasakit ng damdamin ni Marcel nang malaman niya na naging magkarelasyon ang dalawa.

At sa loob ng maraming taong iyon ay tuluyan nang nagpakasal at nanirahan sa ibang bansa.

Marami na ang nagbago kasama na riyan ang buhay ni Marcel. Nagtiyagang magtrabaho sa ibang bansa at nang sinuwerte ay tuluyang umuwi sa Pilipinas upang magnegosyo.

Ngunit hindi pa rin niya malilimutan ang pagtatraydor sa kaniya ng dating nobya at kaibigan.

Advertisement

Ayaw man sanang pumunta ni Marcel sa nasabing reunion ay lagi siyang kinukulit ng kaniyang kaibigang si Alfred. Dahil sa tingin niya ay imposibleng umuwi sina Dionie at Anna para lamang sa reunion ay napapayag din siya.

“Sige, dadaan lang ako sa party sandali. Alam mo namang abala ako, pare,” saad ni Marcel kay Alfred. 

“Kung kailan ka umunlad saka ka laging abala! Tara na at ipagpabukas mo na ang trabaho. Panahon naman para magsaya ka!” wika ni Alfred.

Ngunit nang makarating ang dalawa sa nasabing piging ay laking gulat nila nang makita sina Dionie at Anna na naroroon din.

“Hindi ko akalaing makakapunta ka sa ganitong piging, Marcel. Kaso sana ay ibinagay mo ang suot mo dito sa lugar na ito. Hindi ka ba nasabihan nitong si Alfred kung ano ang sinusuot sa mga hotel? Kumusta ka na ba? Kumusta na ang mga magulang mong magsasaka? Nakapag-ani na ba kayo ngayong taon?” walang patid sa pamamahiya itong si Dionie kay Marcel.

Tumango lamang si ginoo at nagbigay ng isang tipid na ngiti.

“Parang walang nagbago dito sa Pilipinas, ano? Mainit pa rin at mausok tulad ng dati. Napakatrapik pa rin kahit saan ka pumunta. Ibang-iba sa States. Walang polusyon at maaayos ang lahat ng tao,” patuloy sa pagmamayabang ang dating kaibigan.

Nagpatuloy ang party at hindi huminto si Dionie sa pagmamalaki ng kaniyang buhay sa ibang bansa. Kung paano ang kanilang buhay doon at kung gaano kaganda ang kanilang mga trabaho. Malaki raw ang kanilang kinikita kaya nakabili na raw sila ng bahay doon. 

Advertisement

Habang nagkakainan ay hindi naiwasang muling sitahin nitong si Dionie si Marcel nang makita niya ang laman ng pinggan ng ginoo. 

“Bakit kaunti lang kinuha mong pagkain, Marcel? Hindi mo ba gusto ang pagkain? Oo nga pala, baka hindi ka sanay gumamit ng kubyertos! Siyempre sanay nga pala kayo na nagkakamay lang!” pagmamaliit pa ng ginoo.

Gusto na sanang patulan ni Alfred si Dionie para sa kaniyang kaibigang si Marcel ngunit pinigilan siya ng ginoo. 

“Pabayaan mo na siya, Alfred. Hayaan mo na siya sa mga gusto niyang sabihin sa akin. Alam mo namang noon pa ma’y mayabang na iyan,” saad ni Marcel sa kaibigan.

Lumalalim na ang gabi at patuloy pa rin ang kwentuhan at kasiyahan. Nais sana ni Marcel na kausapin si Anna nang sa gayon ay lagyan na ng tuldok nang tuluyan ang lahat ng namagitan sa kanila noon. Para na rin sa ikatatahimik ng kaniyang kalooban. 

“Pasensiya ka na sa mga nangyari noon, Marcel. Nagsisisi ako sa lahat ng mga nagawa ko sa iyo. Patawarin mo ako,” saad ni Anna sa ginoo.

“Wala na sa akin iyon. Ang nais ko na lang talaga ay tapusin na ang lahat upang makapagsimula na rin ako. Hangad ko ang kaligayahan mo, Anna,” saad naman ni Marcel.

Ramdam ni Marcel na hindi kasi masaya itong si Anna sa relasyon nila ng asawang si Dionie.

Advertisement

Ngunit nang makita ni Dionie na kinakausap ni Marcel ang kaniyang asawa ay labis itong nagalit.

“Tigilan mo ang asawa ko, Marcel. Huwag na huwag mo siyang kakausapin!” sambit ni Dionie.

“Matagal na panahon mo nang nalaman kung sino ang pinili at wala ka nang magagawa pa. Kaya tantanan mo ang asawa ko! Isa pa, sa tingin mo ba ay may kaya kang ipagmalaki? Hampaslupa ka! Kaya ka nga ipinagpalit noon dahil alam ni Anna na wala siyang magandang hinaharap sa iyo!” dagdag pa ng ginoo. 

Napayuko si Anna sa sinabi ng asawa.

Samantala, sa inis ni Alfred ay hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sarili.

“Sumosobra ka na, Dionie! Hindi ka na nakuntento na inahas mo si Anna kay Marcel, hanggang ngayon ay wala ka pa ring patid sa pang-aalipusta sa kaniya! Ni hindi mo nga alam kung ano na ang narating niya sa buhay!” galit na sambit ng kaibigan. 

“Ano ba ang narating niya bukod sa bukirin nila? Tingnan mo nga ang hitsura ng kaibigan mong iyan. Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo na may narating sa buhay iyan?” saad naman ni Dionie. 

Napatawa na lamang si Alfred.

Advertisement

“Ang kaharap mo lang naman at ang nilalait-lait mo ay ang may-ari ng hotel na pinagdadausan nitong reunion. Sa kaniya ang hotel na ito sampu ng iba’t ibang malalaking negosyo at ari-arian. Ngayon mo sabihin sa akin na wala siyang narating! Ngayon mo siya lait-laitin, Dionie!” pahayag muli ni Alfred. 

Laking gulat ng mag-asawang Dionie at Anna sa tunay na katayuan sa buhay ni Marcel. Labis ang pagkapahiya na naramdaman ni Dionie dahil sa kaniyang nalaman. Hindi niya sukat akalain ang narating ng dating kaibigan. 

Matapos ang gabing iyon ay hindi na nagka-usap pang muli ang mga ito. 

Nabalitaan na lamang ni Marcel mula sa ilang kaibigan na matagal na palang may lamat ang relasyon nina Anna at Dionie at hindi na talaga masaya ang ginang sa kaniyang asawa. Hindi rin totoo na maganda ang buhay nila sa ibang bansa. Nagtatrabaho sa isang supermarket si Marcel at si Anna bilang isang caregiver doon. Wala silang sariling bahay at hindi maganda ang estado nila sa buhay kaya hindi pa rin nila nagawang magkaroon ng anak.

Ikinalungkot ni Marcel ang nangyaring ito sa dalawa. Kahit na nasaktan siya ng mga ito noon ay hindi naman siya naghangad ng masama laban sa mga ito.

Sa loob ng dalawang dekada’y natuldukan na rin ang lahat ng agam-agam sa isipan ni Marcel. Tuluyan na niyang natanggap ang nangyari sa kanila noon ni Anna. Hindi man sila nagkabalikan ay hangad niya ang lahat ng makabubuti sa dating kasintahan.