Nagdamdam ang Ina sa Kaniyang Anak Dahil Pakiramdam Niya, Ikinahihiya Siya Nito sa Paaralan; May Batayan nga Ba ang Kaniyang Nararamdaman?
Pagod na pagod si Aling Toyang mula sa kaniyang pagtitinda ng isda sa palengke. Pag-uwi niya sa bahay, wala pa siyang naabutan, maliban sa bag ng kaniyang anak na si Ceska, na isang mag-aaral sa Senior High School.
“Saan kaya nagpunta ang batang ito?” nausal ni Aling Toyang sa kaniyang sarili. Nilapitan niya ang bag ni Ceska. Nakasabog sa kanilang sofang gawa sa kahoy ang mga gamit nito sa eskuwela. Isang sobreng puti ang nakapukaw sa kaniyang pansin. Kinuha niya ito at binasa.
Mula ito sa gurong tagapayo ng kaniyang anak. PTA meeting. Pinapapunta ang mga magulang. Nakita niyang sa darating na Sabado na ito, at ibinigay ang liham noong Lunes. Huwebes na noong araw na iyon.
“Bakit hindi niya sinabi sa akin?” tanong ni Aling Toyang sa kaniyang sarili.
Hindi malaman ni Aling Toyang kung pagod nga lamang ba siya kaya masyado siyang sensitibo ng mga sandaling iyon, subalit nasaktan siya sa isiping hindi siya sinabihan ni Ceska hinggil sa mga nangyayari sa paaralan nito. Iniisip niya kung bakit hindi sinabi sa kaniya ni Ceska ang hinggil sa PTA meeting. Kinakahiya ba siya ni Ceska dahil sa kaniyang hanapbuhay bilang tindera ng isda sa palengke?
Hindi nakatapos ng pag-aaral sa high school si Aling Toyang. Ang totoo niyan, napakahusay niya sa Matematika noong siya ay nasa Grade 4. Mula Grade1 hanggang Grade 4, hindi nagmimintis ang pagpanhik sa entablado ng kaniyang mga magulang upang tanggapin ang kaniyang medalya at isabit sa kaniya. Subalit sila rin ang nagsabing sapat na ang kaniyang natutuhan sa eskuwela nang mga panahong iyo: marunong na raw siyang bumasa, sumulat, at magkuwenta. Tama na raw iyon dahil mag-aasawa naman daw siya. Hindi raw kailangan ng mataas na pinag-aralan ng mga babae.
Kaya naman, maagang nabantad sa pagbabanat ng buto si Aling Toyang. Sa edad na 19 na taong gulang ay maaga rin siyang nag-asawa at nagkapamilya, subalit dahil nga mga bata pa sila noon, iniwan din siya ng kaniyang naging kapareha sa buhay, na siyang ama ni Ceska.
Minabuti na lamang ni Aling Toyang na magtinda ng mga isda at lamang-dagat sa palengke upang maitaguyod ang anak na si Ceska.
Subalit sa paglipas ng panahon, at nagkakaedad na siya, napansin niyang tila nagiging sensitibo na siya sa mga bagay-bagay. Madali na siyang magdamdam. Minsan, hindi sinasadyang napapalakas ang boses ni Ceska kapag nangangatwiran ito. Kaya naman sumasama ang loob niya kapag ganoon na ang kaniyang anak na dalagita sa kaniya; pakiramdam niya ay wala siyang silbi para dito.
Dumating ang Biyernes ng umaga. Wala pa ring sinasabi si Ceska hinggil sa PTA meeting sa eskuwela nito. Hindi na lamang kumibo si Aling Toyang. Inisip niya, baka ikinahihiya siya ni Ceska sa mga guro at kaklase nito. Ikinahihiya siya ng anak bilang isang tindera ng isda sa palengke.
Nang dumating ang Sabado…
“Nay, nakalimutan ko pong sabihin sa inyo na may PTA meeting po pala sa eskuwela ngayon. Kailangan po ninyong dumalo,” saad ni Ceska sa kaniya.
Sukat nito’y niyakap ni Aling Toyang ang kaniyang anak. Takang-taka naman si Ceska kung bakit bumuhos ang emosyon ng ina gayong sinabihan lamang naman niya ito na kailangang dumalo sa PTA meeting.
“Nay, bakit po kayo umiiyak? Huwag po kayong mag-aalala, wala naman po akong ginawang masama sa paaralan. Saka, ordinaryong pagpupulong lamang naman po iyon,” paliwanag ni Ceska sa kaniyang ina.
Umiling-iling si Aling Toyang.
“Anak… hindi gayon ang naisip ko. Ang totoo niyan, noong Huwebes ko pa nakita ang liham ng gurong tagapayo mo, aksidenteng nakita ko sa mga nakakalat mong gamit sa sofa. Nagtampo ako sa iyo dahil napaisip ako kung bakit hindi mo sinasabi sa akin. Naisip ko, baka ikinahihiya mo ako dahil tindera lamang ako ng isda sa palengke. Baka intensyon mong ilihim sa akin ang lahat para hindi ako makapunta,” humihikbing pag-amin ni Aling Toyang.
Umiling-iling na hinawakan ni Ceska ang magkabilang pisngi ng ina.
“Nay… hindi po totoo iyan. Kabaligtaran nga po eh. Ipinagmamalaki ko po kayo kasi kahit mag-isa lamang kayo, nakaya po ninyo akong itaguyod. Marangal po ang maging isang tindera sa palengke,” paliwanag ni Ceska.
“Mahal na mahal ko po kayo ‘Nay at hinding-hindi ko po kayo ikahihiya,” nangingilid na rin ang luha ni Ceska. Nagyakapan silang mag-ina.
Nang araw na iyon, nakangiting ipinakilala ni Ceska sa kaniyang mga guro, kaklase, at mga kapwa magulang ang kaniyang inang si Aling Toyang, na isang tindera ng isda sa palengke.