Inday TrendingInday Trending
Nahuli ng Isang Pulis ang Isang Binatilyong Snatcher; Bakit Parang Pamilyar ang Mukha Nito?

Nahuli ng Isang Pulis ang Isang Binatilyong Snatcher; Bakit Parang Pamilyar ang Mukha Nito?

Bilang isang alagad ng batas, tungkulin ni Rudy na pangalagaan ang seguridad at katahimikan ng lipunan. Nakasalig siya sa motto ng kapulisan na “To Serve and Protect” kahit na malagay sa alanganin ang kaniyang sariling buhay. Katwiran ni Rudy, wala naman siyang sariling pamilya kaya handa siyang magbuwis ng kaniyang buhay alang-alang sa tawag ng tungkulin. May dahilan kung bakit nananatili pa ring walang asawa si Rudy. Hanggang ngayon, mahal niya pa rin ang dating ka-live in na si Celia, na nagpakalayo-layo dahil na rin sa kaniyang trabaho bilang isang pulis.

“Ano pa bang hinihintay mo, Rudy… mahigit 20 taon na ang nakalilipas simula nang iwan ka ng dati mong nobya. Baka may asawa na ngang iba iyon eh,” sabi sa kaniya ng kaibigang si Tomas na isa ring pulis. Nasa isang coffee shop sila ng mga sandaling iyon, off-duty sila kaya sila ay nagrerelax lamang.

“Hindi ako nawawalan ng pag-asa na matatagpuan ko pa si Celia, Tomas. Isa pa, buntis siya noong umalis siya sa poder ko. Gusto kong makita ang anak ko…” saad naman ni Rudy.

“Talaga ba? May ideya ka ba kung lalaki o babae ang anak mo sa Celia na ‘yun?” untag ni Tomas.

“Hindi. Mga tatlong buwan pa lamang ang pinagdadala niya nang umalis siya. Wala na akong balita sa kaniya, hindi pa naman kasi uso ang social media noon kaya wala akong puwedeng maging lead kung saan ko siya mahahanap,” sagot naman ni Rudy.

“Bakit hindi ka magpatulong sa mga kabaro natin na magaling mag-imbestiga? Tiyak na mapapabilis ang paghahanap mo sa kanila,” mungkahi ni Tomas.

“Ayoko namang gawin iyon. Sa trabaho na nga lang natin hindi na sila magkandaugaga eh, paghahanapin ko pa sila ng taong nawawala? Saka personal na interes na iyon. Ayokong mapulaan ang trabaho natin, lalo na sa mga isyung kinasasangkutan ng trabaho natin,” saad naman ni Rudy.

“Sabagay, may punto ka naman,” pagsang-ayon ni Tomas.

Maya-maya, nagulat sila nang isang ginang ang nagsisisigaw sa labas ng coffee shop. Awtomatikong lumabas sina Rudy at Tomas upang daluhan ito.

“Bakit ho?” mabilis na untag ni Rudy.

“Snatcher! Snatcher!” naghihisterya ang ginang habang tinuturo ang direksyon ng snatcher na kumuha sa kaniyang shoulder bag. Kitang-kita niyang hindi pa ito nakakalayo, sa tantiya niya ay isang binatilyo, kaya dahil sa adrenaline rush ay agad na tumakbo si Rudy upang habulin ito.

Kung saan-saang eskinita nagtatatakbo ang binatilyo, subalit mas matinik si Rudy. Alam niya ang pasikot-sikot sa eskinitang pinasukan nito, kaya naman, agad niyang nasukol ang snatcher. Nagkataong hindi na ito makatakbo dahil sa isang harang. Nagpakawala ng isang warning shot si Rudy. Nagtaas ng dalawang kamay ang binatilyo bilang tanda ng pagsuko.

“Siraulo ka ha… hindi ka makakawala sa akin,” saad ni Rudy. Mabuti na lamang at sumunod si Tomas kaya naposasan nila ang binatilyong snatcher, at isinama sa presinto.

Buong panahong nakayuko ang binatilyo. Galit na galit naman ang ginang na naagawan ng shoulder bag na naglalaman ng mahahalaga nitong kagamitan. Ilang hampas at sampal na rin ang naipatikim nito sa mukha ng binatilyong snatcher, na inaawat naman ng ibang mga pulis.

“Boy, tumingin ka sa akin. Anong pangalan mo? Taga saan ka at ilang taon ka na? Sinong kaanak mo ang puwede naming tawagan?” tanong ni Rudy.

Nag-angat ng mukha ang binatilyo. Parang namumukhaan ito ni Rudy, parang nakita na niya noon. Pamilyar sa kaniya ang mga mata nito. Kung tutuusin, may hitsura ang binatilyo at wala sa mukha nito na gagawa ng hindi maganda. Tantiya niya ay nasa 17 taong gulang ito.

“Nanay ko lang po. Kaya lang may sakit po siya baka hindi po siya makapunta rito,” nahihiyang sabi ng binatilyo.

“Anong pangalan niya? Ibigay mo ang contact number niya at kami ang kakausap,” sabi ni Rudy.

“Celia po. Cecilia Nograles.”

Napapitlag si Rudy nang marinig ang sinabi ng binatilyo.

“Pakiulit ang pangalan ng nanay mo?”

“Cecilia po. Cecilia Nograles.”

Napasulyap si Rudy kay Tomas. Ang binanggit na pangalan ng binatilyo ay ang pangalan ng kaniyang live-in partner na matagal na niyang hinahanap!

“Ibigay mo sa akin ang tirahan ninyo. Pupuntahan ko ang nanay mo,” saad ni Rudy.

Ibinigay naman ng binatilyo ang tirahan nila. Kabadong-kabado si Rudy. Kailangan niyang matiyak kung ito ba ang Celia na kaniyang hinahanap. Ilang sandali pa, nasa harapan na niya ang babaeng kaniyang matagal na hinahanap. Nasa malapit lamang pala ito, sa kasuluk-sulakan ng squatter’s area kung saan ito ang ibinigay na tirahan ng snatcher na binatilyong kaniyang nahuli.

Napatda si Celia nang makita ang dating live-in partner. May ilang segundo rin silang nagtitigan bago binasag ni Celia ang katahimikan.

“A-Anong ginagawa mo rito, R-Rudy? Paano mo natagpuan ang kinaroroonan ko?” nauutal na untag ni Celia.

“Sumama ka sa akin. Ang anak mong binatilyo ay nahuli namin sa salang snatching,” sagot ni Rudy.

“Ano? Si Peter? Anong nangyari sa kaniya…” agad na napaiyak si Celia.

“Sabihin mo nga sa akin. Si Peter… siya ba ang… siya ba ang anak natin?” napapalunok na tanong ni Rudy.

“Oo. Siya nga. Samahan mo ako sa kaniya ngayon din,” pakiusap ni Celia.

Masuwerteng hindi na nagsampa ng kaso ang ginang laban kay Peter dahil naibalik naman ang kaniyang bag. Humingi ng tawad si Peter sa kaniyang nagawa. Ipinakilala naman ni Celia ang kaniyang anak sa tatay nitong si Rudy, ang nakahuli sa kaniya.

“Babawi ako sa inyong mag-ina. Kaya pala pamilyar ang mukha ni Peter sa akin, dahil kamukha mo siya, Celia,” lumuluhang sabi ni Rudy.

Bagama’t noong una ay ilag si Peter kay Rudy, ginawa niya ang lahat upang mapatino ang anak at maibigay ang pagmamahal na hindi niya naibigay rito, dahil sa paglayo ni Celia.

“Patawarin mo ako Rudy kung ginawa ko ang bagay na ito,” paghingi ng tawad ni Celia.

“Huwag na nating isipin ang nakaraan. Ang mahalaga, magkakasama na tayo,” saad ni Rudy.

At nagsama bilang isang pamilya sina Rudy at Celia kasama ang kanilang anak na si Peter.

Advertisement