Isang Araw, Umiiyak na Umuwi Mula sa Paaralan ang Batang Babae Dahil Tinutuksong “White Lady” ang Kaniyang Nanay; Totoo Nga Kaya Ito?
Masayang-masayang umuwi ang nanay ni Janina na si Megan mula sa paghahanap nito ng trabaho. Naabutan ni Megan ang anak na nag-aaral ng kaniyang mga aralin, sa patnubay ng tagapangalaga nitong si Susie, ang kaniyang pamangkin. Ang kaniyang mister ay sumama na sa ibang babae kaya si Megan na ang mag-isang nagtataguyod sa kaniyang anak.
Kung titingnan ang hitsura ni Megan, para siyang maputing maputla: payat ang kaniyang pangangatawan, at mahaba’t itim na itim ang kaniyang buhok.
“Kumusta naman ang anak kong maganda,” pagbati ni Megan sa kaniyang anak. Lumapit siya rito. Niyakap ito at hinagkan sa ulo nito. Siniilan naman siya ng matunog na halik sa pisngi.
“Nanay, nahirapan ako sa Math pero tinulungan po ako ni Ate Susie,” masayang balita ni Janina sa kaniyang ina.
“Salamat Susie ha? Naku, hindi ko na alam ang gagawin ko kung wala ka. Malaking bagay na nariyan ka sa aking tabi para kay Janina. Kumusta naman dito?” pasasalamat ni Megan sa kaniyang pamangkin mula sa probinsiya.
“Ayon naman po, Ate. Mabait naman po si Janina kaya hindi naman po ako nagkakaproblema. Kayo po, kumusta po ang paghahanap ng bagong trabaho?” balik na pangungumusta ni Susie sa kaniyang tiyahin.
“May trabaho na ako. Medyo mahirap talagang makahanap ng trabaho kapag high school lamang ang natapos. Kaya ikaw Susie, habang bata ka pa, dapat tapusin mo ang pag-aaral mo sa kolehiyo. Iba pa rin talaga kapag titulado ka. Mas maraming oportunidad na darating sa iyo,” pagpapaalala ni Megan sa kaniyang dalagitang pamangkin.
“Opo. Huwag po kayong mag-alala, Ate. Kapag nakaipon na po ako, babalik naman po ako sa pag-aaral,” pangako ni Susie.
“Huwag kang mag-alala, kapag medyo kaya na ni Janina na mag-isa, hindi mo na siya kailangan pang tingnan-tingnan. Para mapagtuunan mo na nang pansin ang pag-aaral mo,” saad naman ni Megan.
Ilang buwan nga at nagsimula na ang trabaho ni Megan, na hindi na niya dinetalye kung ano. Basta tuwing gabi siya pumapasok at umaga naman ang uwi niya kaya naaasikaso pa niya si Janina, saka siya matutulog. Tuwing Linggo lamang ang pahinga niya.
Minsan, umiiyak na umuwi si Janina mula sa paaralan. Inuntag naman siya ni Susie.
“Anong nangyari sa iyo, Janina? May umaway ba sa iyo sa paaralan?” nag-aalalang tanong ni Susie sa pamangking alaga.
“Tita, sabi ng mga kaklase ko, white lady raw po si Nanay!” humahagulhol na sumbong ni Janina.
“Ha? White lady? Bakit? Hindi ba multo iyon?” nagtatakang tanong ni Susie.
“Opo… multo raw po si Nanay. Hindi ko alam kung bakit nila sinabi, basta tinutukso nila ako na anak daw ako ng multo!” patuloy sa pagsusumbong si Janina.
Agad na sinabi ni Susie kay Megan ang nangyari kay Janina.
“Huwag ninyong intindihin iyon. Alam naman ninyong hindi totoo iyon. Baka naman napuputian lang sila sa akin kapag hinahatid ko si Janina sa paaralan. Huwag na ninyong seryosohin,” suweto ni Megan sa kaniyang pamangkin at anak.
Kaya naman, nagtataka si Susie kung saan nanggagaling ang mga panlalait ng mga kaklase ni Janina kay Megan. Hanggang isang araw, sa kaniyang paglalaba, nakita niya sa isang malaking eco bag ang puting gown na karaniwang isinusuot ng White lady; tigmak ito ng tila mapulang pintura, na maihahalintulad sa dugo ng tao.
“Bakit ganito ito?” nagtatakang tanong ni Susie sa kaniyang sarili. Hanggang sa napagtani-tagni ni Susie ang lahat: gabi kung pumapasok si Megan, at may bagong bukas na peryahan sa kanilang lugar…
Hindi nga nagkamali si Susie. Isang gabi, matapos matiyak na tulog na ang alagang si Janina, ipinasya niyang magtungo sa peryahan. Bumili siya ng ticket sa horror house at pumasok dito.
Nakatatakot ang loob ng horror house: sa bukana pa lamang ay may mga nakasabit na agiw ng mga gagamba, at sa isang gilid ay may nakabukas na kabaong. May kalansay na bigla na lamang bumabangon dito para manggulat sa mga nasa loob.
Subalit ang kapansin-pansin ay ang White lady na nasa bandang gitna, na ang buhok ay nasa mukha na tila si “Sadako.” Imbes na si Susie ang magulat, ang White lady ang nagulat nang makita ito.
“Anong ginagawa mo rito Susie? Nasaan si Janina?” bulong ng White lady kay Susie, na walang iba kundi si Megan.
“Nasa bahay, Ate… magpapaliwanag ako pagkauwi mo,” saad naman ni Susie.
Bagay na nangyari nga nang umuwi na si Megan mula sa peryahan. Siya pala ang White lady sa horror house, at maaaring ito ang dahilan kung bakit tinutukso ng kaniyang mga kaklase si Janina.
“Bakit iniwan mong mag-isa si Janina? Huwag mo na ulitin iyon, Susie! Huwag na huwag mong iiwanan si Janina kahit na anong mangyari!” galit na paalala at sermon ni Megan sa kaniyang pamangkin.
“Ate, bakit hindi mo sinabi sa amin na sa horror house ka pala nagtatrabaho? Bakit iyon ang napili mo?” tanong ni Susie.
“Susie… gagawin ng isang ina ang lahat para sa kaniyang anak. Kahit na anong trabaho papasukin ko para lang kay Janina. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabihan kitang huwag titigil sa pag-aaral, dahil mas maraming magagandang oportunidad na maaari mong sunggaban. Walang masama sa ginagawa ko dahil marangal na trabaho ito, pero sana huwag na sanang makarating kay Janina,” pakiusap ni Megan.
At iyon ang napagtanto ni Susie. Tumimo sa kaniyang isipan ang mga sinabi ng kaniyang tiyahin. Hanga siya rito dahil gagawin nito ang lahat para kay Janina. Balang-araw, magtatapos siya ng pag-aaral, at gagawin din niya ang lahat para sa kaniyang magiging supling.