Inday TrendingInday Trending
Natutong Gumamit ng Dating App ang 55 Taong Gulang na Biyuda Dahil sa Amiga Niya; Makakilala Kaya Siya ng Bagong Mapapangasawa?

Natutong Gumamit ng Dating App ang 55 Taong Gulang na Biyuda Dahil sa Amiga Niya; Makakilala Kaya Siya ng Bagong Mapapangasawa?

Nagkita ang mag-amigang sina Isadora at Clemencia sa paborito nilang coffee shop. Pareho na silang nasa 55 taong gulang at balo, subalit si Isadora ay nakahanap ng panibagong mamahalin na mas bata sa kaniya, sa pamamagitan ng dating app. Hinihimok niya ang kaibigan na mag-download nito upang makatisod na rin siya ng lalaking mamahalin.

“Hay naku Isadora tigilan mo nga ako! Por Dios, por santo! Sa tanda kong ito, hindi na ako naghahanap pa ng lalaki. Sapat na ang aking nasirang asawa na si Ernesto. Saka, wala akong panahon sa mga ganiyan-ganiyan,” tila naghihisteryang tugon ni Clemencia kay Isadora.

“Bakit hindi? Clemencia, kalabaw lang ang tumatanda. Huwag kang magpakaburo sa bahay at manggantsilyo na lamang habang nakanganga at naghihintay ng oras mo. May asim ka pa naman. Samantalahin mo ang pagkakataon na may modernong teknolohiya tayo ngayon, kaya puwede na ang pakikipagkaibigan sa iba. Noon kasi, hindi natin basta-basta magagawa ang mga bagay na ito,” pagtatanggol-paghimok ni Isadora sa kaibigan.

“Aba’y ewan ko sa iyo, Isadora! Kung kailan ka tumanda eh saka ka humarot! Ano na lamang ang sasabihin ni Jaime habang pinagmamasdan ka niya mula sa langit?” naiiling na tugon naman ni Clemencia.

“Clemencia, masyadong paurong ang kaisipan mo. Makabago na ngayon. Dapat hindi tayo napag-iiwanan. Wala naman masama kung makikipagkilala tayo. Kaibigan lang naman. Tingnan mo nga oh, nadidiligan ako ngayon ng boyfriend kong si Tony na masyadong mainit…”

“Issadora tumigil ka nga! Ang bibig mo!” sansala ni Clemencia, at napaantanda pa ito ng krus. Tawa naman nang tawa si Isadora.

“Masyado kang naive, Clemencia. O buweno, tuturuan nga kita. Akin na ang cellphone mo at ako na ang bahala,” saad ni Isadora. Hindi na nakatutol pa si Clemencia nang kunin ni Isadora ang smartphone niya. Nagdonwload ito ng dating app na ginagamit nito, at sinimulan siyang turuan. Kapag nagswipe pataas sa profile, ibig sabihin ay gusto mo ang profile; kapag swipe down naman, hindi gusto ng panlasa.

“Oh hayan ah, enjoy mo iyan pag-uwi sa bahay!” nakakatuwang sabi ni Isadora.

“Lintik ka talaga!” kunwa ay galit-galitan na saad naman ni Clemencia.

Nang nakauwi na at patulog na, sinubukan ni Clemencia ang dating app. Nilagyan ni Isadora ng age bracket ang mga profile na makikita niya, kaya puro mga kaedad niya lamang ang makikita niya. Hanggang sa may naka-match siya; isang lalaking 57 taong gulang. Agad itong nagpadala ng “Hi!” sa kaniya.

“Anong gagawin ko? Sasagutin ko ba?” kinakabahang tanong ni Clemencia sa kaniyang sarili. Itinutop niya ang smartphone sa kaniyang dibdib. Kabado siya dahil hindi naman siya sanay sa pakikipagkilala sa mga lalaki. Si Ernesto ang kauna-unahan at kahuli-hulihang lalaking nakilala at minahal niya nang lubusan, subalit maaga itong sumakabilang-buhay.

Sumagot siya ng “Hello” at doon na nagsimula ang kanilang palitan ng mga mensahe. Hindi namalayan ni Clemencia na madaling-araw na pala. Masyado siyang nalibang sa pakikipag-usap sa panibagong kakilala: siya si Raymundo na isang biyudo at nagmamay-ari ng isang negosyo na nagsusuplay ng mga kagamitan sa construction sites.

Kinabukasan, 11:00 nang umaga na nagising si Clemencia, bagay na hindi tipikal sa kaniya. Nagtataka naman ang kaniyang anak na si Cheryl, ang bunso niyang nag-iisang single dahil ang tatlo niyang anak ay may kani-kaniyang pamilya na.

“Napasarap po yata ang tulog ninyo, Ma?” untag ni Cheryl.

“Ah oo nga eh. Malamig kasi. Pasensiya na,” palusot naman ni Clemencia. Ayaw niyang makipagtitigan sa kaniyang anak dahil tiyak na mapapansin nito ang kaniyang mga puyat na mga mata.

“Parang bibihira lang po na nagigising kayo na tanghali na… nagkaka-insomnia po ba kayo?” untag nito.

“Ah hindi naman anak. Huwag kang mag-aalala, maayos naman ako, wala namang masakit sa akin.”

Tuluyan na ngang nabago ang naging routine ni Clemencia. Hindi na kompleto ang araw niya kapag hindi nakakausap si Raymundo. Tila nagkaroon ng panibagong sigla ang kaniyang buhay. Minsan ay nahuhuli siya ni Cheryl na nakangiti habang nakatingin sa kaniyang cellphone.

Hanggang sa nag-aya ng meet up si Raymundo. Noong una, tutol si Clemencia subalit kapag hindi raw siya nagpakita ay magtatampo si Raymundo. May bahaging bumubulong sa kaniya na ayaw niyang mawala sa kaniya si Raymundo, at gusto niya ang nangyayaring bago sa kaniyang buhay.

Hanggang sa napapayag na nga si Clemencia. Sa kanilang pagkikita ni Raymundo, tila may espesyal na naramdaman si Clemencia, na naramdaman na niya noon sa nasirang mister na si Ernesto.

“Napakaganda mo, Clemencia. Isa kang hiyas,” papuri sa kaniya ni Raymundo nang masilayan siya nito.

Hanggang sa ang unang beses ay napadalas na, hanggang sa tiniyak ni Raymundo na hindi na lamang sila magkaibigan kundi may namumuong espesyal na pagtitinginan sa isa’t isa.

“Clemencia, sana ay tulutan mo akong iparamdam sa iyo ang aking pagmamahal. Oo, matatanda na tayo, pero pareho na naman tayong single at I’m sure mauunawaan naman ng mga anak natin ang sitwasyon natin. May karapatan din naman tayong lumigaya,” saad ni Raymundo kay Clemencia nang sila ay muling magkita.

“Pero Mond, natatakot akong malaman ng mga anak natin ang relasyon natin, baka kung ano ang sabihin nila. baka mawalan sila ng paggalang sa atin,” nag-aalinlangang sabi ni Clemencia.

“Haharapin natin sila. Kailangan nating magpakilala sa kanila. Ako na ang bahala,” saad naman ni Raymundo.

Napagkasunduan ng dalawa na magkaroon ng isang salusalo sa isang restaurant kasama ang mga anak nila. Nagpakilala si Raymundo sa mga anak ni Clemencia, at nagpakilala naman si Clemencia sa mga anak ni Raymundo. Nagulat man sila sa simula, ibinigay nila ang pagsang-ayon sa relasyon ng kani-kanilang mga magulang, dahil deserve naman daw ng kanilang mga magulang na makaranas ng kaligayahan, na hindi nila maibibigay sa kani-kanilang mga magulang bilang mga anak.

At naidaos ang kasalan nina Raymundo at Clemencia. Bago iyon, nagpaalam muna sila sa puntod ng kani-kanilang mga yumaong asawa. Malaki ang pasasalamat ni Clemencia kay Isadora dahil ito ang nagbigay-daan upang mahanap niya ang ikalawang lalaking mamahalin niya habambuhay.

Advertisement