Inday TrendingInday Trending
Ginamit ng Dalaga ang Isang Matandang Pulubi para sa Vlog Nila ng Kaniyang Kapatid; Ikinabigla ng Ate Niya ang Gagawin Nito

Ginamit ng Dalaga ang Isang Matandang Pulubi para sa Vlog Nila ng Kaniyang Kapatid; Ikinabigla ng Ate Niya ang Gagawin Nito

Sikat na vlogger ang magkapatid na Cathy at Carrie. Hindi bumababa sa milyong views ang mga nagagawa nilang video. Napakaraming tagahanga ng dalawa kaya isa sila sa pinakamatagumpay sa larangan ng vlogging ngunit minsan ay nuubusan na rin sila ng ideya kung anong topic ang gagawin nila sa kanilang vlog.

“Ate Cathy, wala na akong maisip na bagong gimik sa mga video natin. Halos lahat na yata, eh nagawa na na natin,” wika ni Carrie.

“Huwag kang mag-alala at makakaisip din tayo ng magandang ideya,” sagot ng nakatatandang kapatid.

Naisip ng magkapatid na lumabas ng bahay para mamasyal. Baka sakaling sa kanilang pamamasyal ay makaisip sila ng topic sa gagawin nilang video.

Ilang minuto lang ay narating nila ang Luneta Park. Naglalakad-lakad sila sa malawak na pasyalang iyon hanggang sa dalhin sila ng kanilang mga paa sa Intramuros.

“O, nasa Intramuros na tayo, Carrie. Kanina pa tayo naglalakad, pero wala pa rin akong maisip na topic para sa susunod nating vlog. Hindi naman puwedeng gawing topic ang lugar na ito dahil noong nakaraang buwan lang ay nakagawa na tayo ng vlog tungkol dito sa Intramuros at maging sa pamamasyal natin sa Luneta.”

“Umabot nga sa sampung milyong views ang vlog nating iyon, ate. Dami kasing nagandahan sa topic natin about sa makasaysayang lugar na ito at sa Luneta Park. Isa ang video na iyon sa pinakamaraming views sa YouTube,” sagot naman ni Carrie.

“Lumipat tayo ng lugar, sis. Hindi gumagana ang brain cells ko rito,” yaya ni Cathy.

“Sige, ate. Punta naman tayo sa Binondo. Gusto ko ulit makatikim ng Chinese food.”

Sa kanilang paglalakad ay may nakita silang isang matandang lalaki na sa tingin nila ay isang pulubi.

“Ate, look! May bigla akong naisip na topic sa pulubing iyon,” wika ni Carrie.

“Ano naman iyon?”

“Basta, ate. Halika at lapitan natin at gawan natin ng video para sa susunod nating vlog.”

Kahit na walang ideya sa gustong mangyari ng kapatid ay pumayag na rin si Cathy. Nilapitan nila ang matandang pulubi at kinausap.

“Magandang umaga, manong!” bati ng dalawa.

“A, eh, magandang umaga naman mga hija. B-baka naman maaari niyo akong bigyan ng limos,” sabi ng matanda.

Napansin ni Cathy na bulag pala ito at putol ang isang paa. Dali-dali namang inilabas ni Carrie ang dalang video cam at sinimulan na ang balak. Hindi naman siya makikita nito sa gagawin niyang pagbi-video.

“A, eh manong, bago po namin kayo bigyan ng limos ay may ipapagawa muna kami sa iyo. Maaari po ba?” sambit ni Carrie.

“A-ano naman iyon, hija?” tanong ng matanda.

“Humalik po kayo sa lupa at bibigyan ko kayo ng limang libong piso,” sagot ng dalaga.

Napatingin si Cathy sa bunsong kapatid. Hindi siya makapaniwala sa gusto nitong ipagawa sa pulubi.

“Carrie! Tigilan mo nga ‘yan at nakakahiya ka. Bakit naman ‘yan ang gusto mong ipagawa kay manong? Puwede bang ibahin mo na lang?” inis na saway niya sa kapatid. “Pasensiya na po kayo, manong. Nagbibiro lang po itong kapatid ko. HIndi po iyon ang ipapagawa niya sa inyo,” buong kababaang loob na paghingi niya ng paumanhin sa matanda.

Imbes na magalit ay napangiti ang pulubi.

“Iyon lang ba? Sige, gagawin ko para sa ganiyan kalaking halaga,” tugon nito.

Nagulat ang magkapatid sa sinambit ng matanda. Patuloy pa rin sa pagbi-video si Carrie at inangguluhan pa ang gagawin ng pulubi.

“T-teka, teka, manong, nagbibiro lang po itong kapatid ko. Huwag niyo pong gagawin ang utos niya!” nag-aalalang sabi ni Cathy.

“Nakahanda kong gawin ang lahat para magkapera, kung kailangan na humalik ako sa lupa ay gagawin ko. Malaki ang maitutulong ng limang libong piso sa aking pamilya. May sakit kasi ang aking bunsong anak na limang taong gulang na kasalukuyang binabantayan ng aking panganay na pitong taong gulang naman. Maibili ko man lang siya ng gamot sa makukuha kong limos sa inyo. Nang pumanaw ang aking asawa sa panganganak sa aming bunso ay ako na ang mag-isang bumubuhay sa kanila kahit na ako ay may kapansanan. Wala akong magawa kundi ang manglimos kung kani-kano dahil hindi naman ako makahanap ng trabaho dahil bulag ako at pilay pa. Kahit gusto kong magbanat ng buto para mabigyan nang maayos na buhay ang aking mga anak ay hindi naman ako mabigyan ng pagkakataon. Ang tingin nila sa akin ay walang silbi kaya ang panglilimos na lang ang napili kong paraan upang kahit paano ay mairaos naming mag-aama ang bawat araw na dumadaan. Natutuwa nga ako dahil hindi naman ako nawawalan ng naiuuwing limos. Nakakakain pa rin naman kami kahit isang beses sa isang araw. Para sa amin ay sapat na iyon, magkaroon man lang ng laman ang aming mga sikmura,” sagot ng matanda.

Hindi napigilan ni Cathy na maluha sa sinabi ng pulubi. Gagawin ng isang ama ang lahat para sa mga anak kahit pa ikababa ng pagkatao nito. Akmang pumuwesto na ang matanda para humalik sa lupa nang bigla itong pinigilan ni Cathy.

“Huwag po, manong!” sigaw niya.

Napakunot naman ng noo si Carrie na patuloy pa ring kinukuhanan ng video ang nangyayari.

“Nauunawaan ko po ang inyong sitwasyon. Alam ko pong gagawin ng isang amang kagaya niyo ang lahat para sa kaniyang mga anak ngunit hindi po tama na ibaba niyo ang inyong sarili para lang sa pera. Gusto ko pong pahalagahan niyo ang inyong reputasyon at dignidad bilang isang tao,” payo niya rito.

Kumuha ng pera si Cathy sa kaniyang wallet at iniabot sa matanda.

“Ito po ang dalawampung libong piso. Hindi po iyan limos, bigay ko po iyan sa inyo dahil isa kayong mapagmahal at mabuting ama. Gamitin niyo ang perang iyan para maipagamot ang inyong anak at para makapagsimula ng inyong ikabubuhay,” sambit niya.

Hindi hinayaan ng dalaga na ituloy ng pulubi ang balak na paghalik sa lupa dahil hindi kaya ng konsensya niya na gawin iyon ng kaniyang kapwa para lang sa pera.

Napaiyak na rin ang matandang lalaki dahil sa malaking halagang ibinigay niya. Labis ang pasasalamat nito dahil sa malaking biyayang natanggap.

“Maraming salamat, hija. Napakalaki nang maitutulong nito sa amin. Pagpalain nawa kayo ng Diyos!” wika ng pulubi.

Nang magpaalam ang magkapatid sa matanda ay tuwang-tuwa si Carrie.

“Ate, ang galing mo dun ha! Very dramatic ang eksena ninyo ni manong. Siguradong milyon-milyong views na naman ang makukuha natin sa bago nating vlog,” sabi ng kapatid.

Maya maya ay kinuha niya ang video cam kay Carrie at binura ang video.

“Ate naman! Bakit mo binura?!” gulat na tanong ng kapatid.

“Hindi na kailangang kunan pa ng video ang pagtulong sa kapwa. Marami pa naman tayong maiisip na topic para sa susunod nating vlog, eh,” wika ni Cathy.

Napakamot na lang sa ulo si Carrie. Hinayang na hinayang sa binurang video ngunit malaki naman ang natutunan niya sa nangyari sa kanila ng kaniyang ate. Napagtanto niya na may mga tao na nakahandang gawin ang lahat para magkapera ngunit may mga taong kagaya ng matandang pulubi na gagawin ang lahat para magkapera, pero para naman sa pamilya. Tunay na ang pagmamahal ng isang magulang sa mga anak ay walang katulad at ang pagtulong sa kapwa ay walang kapalit.

Advertisement