Pinagtsi-tsismisan ng Magkumare ang Nobya ng Binata Nilang Kapitbahay; Nakakadiring Karma ang Aabutin Nila Rito!

Hapon nang araw na iyon. Kababangon lamang ni Aling Ising mula sa kaniyang siesta nang mapadaan sa tapat ng kanilang bahay si Aling Tessa, ang kaniyang kumareng taga-kabilang compound.

“Uy, mare! Hapon na, a, kagigising mo lang?” tanong ni Aling Tessa kay Aling Ising nang dumungaw ito sa kaniyang bintana.

“Oo, mare. Saan ka galing? Napadaan ka yata?” patanong din namang sagot ni Aling Ising sa kaniyang kumare.

“Nangutang ako diyan kina Mang Dencio ng bigas. Wala kaming lalamunin sa bahay kung hindi pa ako ang kikilos, e!” tila iritable namang tugon nito nang maalala ang sitwasyon ng kanilang bahay.

“A, gan’on? Bakit, ikaw ba’y talo sa tong-its kanina?”

Sinagot naman ni Aling Tessa ng isang naiinis na “oo!” ang tanong na iyon ni Aling Ising. “Maiba ako, aba’y nabalitaan kong may bago raw kayong kapitbahay, a?” muling tanong ni Aling Tessa na halatang makikisagap na naman ng tsismis.

“Aba’y oo! Iyong nobya ng binatang nangungupahan diyan kina Mang Agustin?”

“Aba’y iyon nga, mare. Palagay mo’y tama kaya ang sabi-sabing buntis daw iyong babae kaya ibinahay na ni Alex? Nakow! Sabi sa akin nina Mareng Hilda, e mukha raw tamad ’tong babae. Kawawa naman si Alex kung ganoon nga ang kaniyang nakuha, ano?” muli ay komento ni Aling Tessa na agad namang inayunan ng kausap ding tsismosa.

Advertisement

“Kaya nga. Kasipag pa naman ng binatang ’yon, ano? Aba’y ngayon nga lang nag-uwi ng babae ’yon dito sa appartment.”

“Talagang mapupusok kasi ang kabataan ngayon. Iba na, hindi na katulad noong kapanahunan natin na hindi man lang maaaring mag-holding hands ang magkasintahan sa labas dahil sila ay mapupulaan. Aba, ngayon ay akala mo na kung sino’ng maglingkisan sa daan, e!”

May kasama pang pag-iling ang mga komentong iyon ng dalawa. Sila ay kilalang mga tsismosa sa kanilang lugar at marami na sa kanilang mga kabarangay ang matagal nang naiinis sa kanila, kaya nga palagi na lamang din silang laman ng kanilang barangay. Bukod kasi sa nakakainis nilang mga kuwentong madalas ay hindi naman totoo, madalas na silang nakakaperwisyo sa negosyo ng mga nagmamay-ari ng paupahan sa kanilang lugar dahil marami na ang nag-aalisan doon gawa nga ng kanilang mapanghusgang mga mata at makakating dila.

Katulad na lamang ngayon. Panay ang tsismisan ng dalawang may edad nang magkumare nang hindi nila napapansing kanina pa pala naririnig ng kanila mismong pinagtsi-tsismisan ng kanilang mga pinagsasasabi tungkol sa kaniya. Dahil doon ay nanggagalaiti tuloy si Melly, asawa ni Alex na kapitbahay ng mga ito habang siya ay naglalaba ng kaniyang mga kobre kamang namantsahan ng kaniyang dugo dahil bigla siyang dinatnan kagabi.

“Aba’t ako pala ang pinagtsi-tsismisan ng dalawang matandang ito, a? Teka nga.”

Kumuha si Melly ng tabo at sumalok siya ng tubig sa kaniyang pinagbabaran ng labahin. Pagkatapos ay agad niyang kinuha ang atensyon ng dalawang tsismosa.

“Hoy!” sigaw niya sa kanila. Halatang nagulat ang mga ito nang makilalang siya pala ang kumuha ng kanilang atensyon.

“Kung kayo ay magtsi-tsismisan, aba’y magtago naman kayo, ha? Hindi ’yong dito pa kayo malapit sa akin. Dinig na dinig ko ang mga bunganga ninyo, e!” hiyaw ng nanggagalaiting si Melly sa dalawang tsismosang ngayon ay sabay nang natameme.

Advertisement

“Saan n’yo ba nakuha ’yang sinasabi n’yong ako’y buntis? Ang gagaling n’yong gumawa ng kwento, a, teka nga!” Pagkasabi niyon ay biglang isinaboy ni Melly ang tubig na sinalok niya sa pinagbabaran ng kaniyang namantsahang kobre kama sa dalawang tsismosa na halos masulasok naman sa kaniyang ginawa, ngunit dahil sila ang may kasalanan ay hindi sila makapengol! “O, ayan! Patunay na hindi ako buntis, mga tsismosa! At kung totoo mang buntis nga ako, wala na ho kayong pakialam doon dahil ako ay asawa naman ni Alex! Hindi niya ako nobya! Sadyang ngayon lang ako umuwi dito dahil nag-alaga ako ng may sakit kong ama sa probinsya!” hiyaw pa ng babae bago talikuran ang mga tsismosa nilang kapitbahay.

Tulala sina Aling Ising at Aling Tessa pagkaalis ni Melly sa kanilang harapan. Pareho silang basa ng nakakadiring karma dahil sa kanilang makakating dila. Hindi nila akalaing sa tagal na nilang nag-uumpisa at nagpapakalat ng tsismis ay makakahanap sila ng katapat nang hapong iyon.

Simula nang araw na ’yon ay hindi na muli pang nagtsismisan ang magkumare. Natakot na silang muling makarma sa kanilang panghuhusga sa kapwa!