Inday TrendingInday Trending
Namuhay sa Kahirapan ang Bata Kasama ang Kaibigan; Isa Palang Magandang Hinaharap ang Paparating sa Kanila

Namuhay sa Kahirapan ang Bata Kasama ang Kaibigan; Isa Palang Magandang Hinaharap ang Paparating sa Kanila

“Hoy, Girly, naka-magkano ka ngayon?” tanong ng matalik na kaibigang si Tom.

“Naka-dalawang daan lang ako, eh. Kakaunti lang ang naibenta kong mga dyaryo at bote!” aniya rito.

“Aba, ngayon lang nangyari na kaunti ang kinita mo.”

“Okay lang. Hindi naman araw-araw ay Pasko, eh. Babawi na lang ako bukas. Sige na, bukas na lang ulit!”

“Sige, kita tayo bukas.”

Ganoon ang eksena sa tuwing magpapaala sila sa isa’t isa ni Tom. Magkasama silang nangangalakal ng basura para kumita ng pera. Ang kaibigan ang palagi niyang katuwang mula ng mga musmos pa sila. Pareho rin silang ulilang lubos na. Ang kinita naman niya ay sapat na para may pambili siya ng pagkain sa araw na iyon. Matapos kumain ay naghanda na si Girly para magpahinga sa maliit na kariton na kaniyang itinuring na tahanan sa gilid ng eskinita.

Nang sumapit ang umaga ay nagmamadaling bumangon si Girly para muling mangalakal. Kanina pa rin siya hinihintay ng kaibigang si Tom.

“Sa wakas at nagising na rin ang prinsesa!” pang-aasar nito.

“Kanina ka pa ba nariyan? Pasensiya na, napasarap ang tulog ko, eh.”

Bago sumabak sa trabaho ay bumili muna sila ng tinapay sa malapit na panaderya upang kahit paano ay may laman ang kanilang tiyan. Pagkatapos mag-almusal ay sabay na silang naglakad para maghanapbuhay. Maya-maya ay may napansin silang magarang kotseng huminto sa kanilang harapan. Bumaba sa kotse ang isang lalaking singkit ang mga mata, may maputing balat at maganda ang suot na damit. Sa tingin nila ay mayaman ang lalaki. Tila may hinahanap ang mga mata nito.

“Tingnan mo ‘yung mama, parang mayaman ‘noh. At ang kotse niya, grabe ang ganda! Pinangarap ko rin na magkaroon ng ganiyang kotse,”manghang sabi ni Tom.

“Hindi naman masamang mangarap, eh. Malay mo, manalo tayo sa lotto kapag nangyari ‘yon, makakabili rin tayo ng kotse na mas maganda pa riyan,” sabi naman ni Girly.

Maya-maya ay biglang lumapit ang lalaki sa kanila at nagtanong.

“Mga bata, may kilala ba kayong Tonyong Kabayo?” tanong nito.

Nagkatinginan ang magkaibigan.

“Tonyong Kabayo? Wala po kaming kilalang tao na ganoon ang pangalan,” sagot ni Girly.

“Oo nga po, kilala po namin ang mga taga-rito, pero wala po kaming kilalang Tonyong Kabayo,” wika pa ni Tom.

“’Di kasi ako maaaring magkamali, eh. Napag-alaman ko na taga-rito siya. Alam kong dito ko siya matatagpuan,” sabi pa ng lalaki.

“Pasensiya na po, pero wala po talaga kaming kilalang Tonyong Kabayo,” giit pa ni Girly.

Tila nawalan ng pag-asa ang lalaki sa kanilang tinuran hanggang sa lulugo-lugo itong nagpaalam at sumakay na sa kotse. Ngunit bago ito lumisan ay may iniabot itong calling card. Sinabi ng lalaki na maaari siyang tawagan sa numerong nakasulat sa card kapag may nalaman sila tungkol sa hinahanap nitong Tonyong Kabayo.

Bago lumubog ang araw ay naisipan ng magkaibigan na tumambay sa tindahan ni Mang Iking. Ang matandang lalaki ang palagi nilang pinupuntahan kapag gusto nilang may makausap o makipagkwentuhan. Mahilig kasing magkwento ng kung anu-ano ang matanda sa mga batang kalye na kagaya nila. Bukod sa libreng kuwento ay may libre pa silang chichirya at softdrinks. Palagi rin itong nagbibigay ng pagkain sa kanilang magkaibigan kapag kulang ang kinikita nila sa pangangalakal. Biglang naalala ni Girly ang lalaking nagtanong sa kanila kanina.

“Mang Iking, may kilala po ba kayong Tonyong Kabayo?” tanong niya.

“Tonyong Kabayo? Oo, meron,” sagot ng matanda.

“Talaga po? May lalaki po kasing nagtatanong kanina kung may kilala raw po ba kaming Tonyong Kabayo?”

“Oo nga po, mukhang mayaman nga po ‘yung lalaki eh,” sabad ni Tom.

“Sino naman ang lalaking iyon na naghahanap sa kapatid ko?” tugon ni Mang Iking.

“K-kapatid niyo si Tonyong Kabayo?” sabay na sambit ng dalawang bata.

“Oo, siya ang nakatatanda kong kapatid. Tiburcio ang tunay niyang pangalan pero ang tawag ko at ng aming mga pinsan sa kaniya ay Tonyong Kabayo dahil mahilig siyang mag-alaga noon ng kabayo at Tonyo ang palayaw niya. Apat na taon na nang sumakabilang buhay ang kapatid kong iyon. Pero, teka, sino kaya ang lalaking iyon na naghahanap sa kaniya?”

“Mayroon po siyang ibinigay na card sa amin. Tawagan daw namin siya kung may makukuha kaming balita tungkol kay Tonyong Kabayo,” wika ni Girly sabay abot ng calling card kay Mang Iking.

“Wilson Chua? At mukhang mayaman nga, dahil siya pala ang nagmamay-ari ng isa sa pinakamalaking bangko dito sa Pilipinas,” sambit ng matanda nang basahin ang nakasulat sa calling card.

Agad niyang tinawagan ang numero na nasa card at nanghingi ng appoitment para makausap ang lalaki. Siya ang magpapaliwanag na matagal nang pumanaw ang hinahanap nito. Nais din niyang malaman kung bakit nito hinahanap ang kapatid niya.

Nang sumapit ang araw ng pagkikita nila ay isinama niya ang magkaibigang Girly at Tom sa opisina na lalaki. Namangha sila sa ganda at laki niyon. Halatang mayaman talaga at may sinasabi sa lipunan ang may-ari ng gusaling pinuntahan nila. Maya-maya ay hinarap na sila ng lalaki.

“K-Kayo ‘yung mga batang pinagtanungan ko ‘di ba?” tanong ng lalaki nang makita sila.

“Kami nga po, sir. Isinama po namin dito si Mang Iking. Siya po ang tumawag sa inyo dahil kilala po niya ang hinahanap niyo,” sagot ni Girly.

“Talaga? Kilala niyo po si Tonyong Kabayo?”

Mas napangiti ang lalaki sa nalaman. Halatang sabik ito.

“Ako po si Iking, si Tonyong Kabayo ay ang aking nakatatandang kapatid ngunit matagal na siyang pumanaw. Bakit niyo po siya hinahanap?”

Ang pagkakangiti sa mga labi ng lalaki ay biglang nawala. Nangulimlim ang mukha nito.

“Ang akala ko ay makikita ko na siya ngunit bigo ako. Wala na akong pag-asa,” sambit nito.

“Ano pong ibig niyong sabihin?” tanong ng matanda.

“Si Tonyong Kabayo, ang inyong kapatid. Siya lang ang nakakaalam kung saan naroon ang aking kaisa-isang anak,” sagot ng lalaki.

Nagulat si Mang Iking pati na ang dalawang bata.

“A-ano pong kinalaman ng kapatid ko sa inyong anak?”

“Si Tonyo ang isa sa pinagkakatiwalaang tao ng aking ama noon sa aming hacienda sa Batangas. Sa ‘di inaasahang pangyayari ay nagkaroon ng sunog sa kamalig na nasa loob ng hacienda. Lumaki ang apoy at natupok ang aming bahay. Kasalukuyang naroon ang aking anak at ang aking asawa ngunit sa kasamaang palad ay napasama sa binawian ng buhay dahil sa sunog ang aking ama at ang aking pinakamamahal na asawa. May nakakita raw sa aming mga kasambahay na itinakas ni Tonyo ang aking anak. Mula noon ay hindi na siya nagpakita pa sa akin. Ang akala ko’y iniligtas niya ang aking anak, iyon pala ay ninakaw niya ito at inilayo sa akin. May nakapagsabi rin na sa lugar ninyo siya Matatagpuan kaya hinahanap ko siya roon,” hayag ng lalaki.

“Kung gayon, ang sanggol na dinala noon sa bahay ng aking kapatid ay ang inyong anak?” sambit ni Mang Iking.

Nabuhayan ng pag-asa ang lalaki sa sinabi ng matanda.

“Kilala mo ang aking anak? N-Nasaan ang anak ko? Pakiusap, sabihin mo sa akin kung nasaan ang anak ko. Handa kong gawin ang lahat, mahanap lang siya.”

“Hindi mo na kailangan hanapin ang iyong anak, dahil kasama ko na siya,” tugon ni Mang Iking.

“Nasaan siya?”

Sinulyapan ni Mang Iking si Girly.

“Siya, si Girly, siya ang nawawala mong anak,” bunyag ng matanda.

Nagulat ang magkaibigang Girly at Tom sa isiniwalat ni Mang Iking.

“P-paano pong mangyayari na ako ang anak niya, Mang Iking?” tanong ni Girly.

“Ikaw ang sanggol na inuwi noon ng aking kapatid na si Tonyo. Hindi ako maaring magkamali. Alam mo ba na gustung-gusto ka niya? Nam*tayan kasi siya noon ng anak at ‘di niya matanggap iyon kaya nang makakuha siya ng pagkakataon ay kinuha ka niya sa tunay mong pamilya at dinala sa amin. Ngunit hindi ka gusto ng kaniyang asawang si Rosanna kaya gumawa ito ng paraan para maialis ka sa aming poder. Ipinamigay ka niya kay Aling Simang na kinagisnan mong ina. Wala akong magawa noon dahil wala naman akong trabaho at pakainin din ako ng aking kapatid kaya hindi kita naipaglaban. Dahil sa sama ng loob sa iyong pagkawala ay nagkasakit nang malubha ang aking kapatid at binawian ng buhay. Nagpakalayu-layo na rin ang kaniyang asawa nang pumanaw siya. ‘Di nagtagal ay pumanaw na rin si Aling Simang na tumayo mong ina at naiwan kang mag-isang namuhay sa kalye. Patawarin mo ako kung hindi kita kinupkop. Tiyak kasing ang asawa ko at mga anak naman ang magagalit kapag ginawa ko iyon kaya ang tanging nagawa ko lamang para sa iyo ay ang bantayan ka at gabayan sa iyong paglaki. Patawarin niyo rin ang aking kapatid sa kaniyang nagawa, sir. Ako na po ang humihingi ng paumanhin sa kaniyang naging kasalanan,” sabi ni Mang Iking.

Biglang umagos ang mga luha sa mga mata ni Wilson sa ibinunyag ni Mang Iking. Nakaramdam siya ng awa sa pinagdaanan ng kaniyang anak.

“Ang aking anak, ikaw ba ang aking anak?” tugon nito.

Hindi na rin napigilan ni Girly na mapahagulgol nang malaman ang katotohanan sa kaniyang buhay. Agad siyang niyakap nang mahigpit ng ama.

“Sa wakas at nagkita na ulit tayo, anak. Kay tagal kong hinintay ang pagkakatong ito. Hinding-hindi na ako papayag na magkawalay pa tayong muli.”

Ginantihan rin ng mahigpit na yakap ni Girly ang tunay na ama.

“Hindi po ako makapaniwala na may tatay pa pala ako. Ang akala ko noon ay wala na akong tatay,” tanging nasambit ng bata na patuloy pa rin sa pag-iyak.

Napaluha na rin si Tom at Mang Iking sa tagpong iyon ng mag-ama.

Para masigurado ang lahat ay ipina-DNA test ni Wilson si Girly at hindi nga nagkamali si Mang Iking. Anak nga niya ang bata at masaya siyang natagpuan na ito na matagal na nawalay sa kaniya.

“Simula ngayon ay babawi ako sa iyo, anak. Mararanasan mong lahat ang mga hindi mo narasanan. Natutuwa ako dahil may makakasama na ako sa buhay, hindi na ako mag-iisa pa,” hayag pa ni Wilson sa anak.

Sa isang iglap lang ay biglang nagbago ang buhay ni Girly. Inampon na rin ni Wilson ang kaibigan nitong si Tom at itinuring din na tunay na anak. Napatawad na rin ng lalaki ang kapatid ni Mang Iking na si Tonyo sa nagawa nito noon. Binigyan din ni Wilson ng trabaho si Mang Iking sa kumpanya nito bilang pasasalamat sa hindi nito pagpapabaya sa kaniyang anak.

Advertisement