
Pinipilit ng Babaeng Ito na Siya na ang Magtrabaho Para sa Pamilya Nila, Isang Estranghero ang Magbibigay ng Sagot sa Kaniya
“Hanggang kailan tayo mabubuhay ng pride na ‘yan, Rodel?! Parang awa mo naman na, malaki na ang mga bata! Ano ba ‘yung magpalit naman tayo? Ako naman ang magtratrabaho,” pakikiusap ni Marie sa kaniyang mister.
“Ayos pa naman ang kita ng shop, ayos pa naman ang buhay natin. Bakit ba ayaw mo magtiwala sa akin? Ginagawa ko naman ang lahat, doble-doble na nga ang pinapasok kong trabaho mabigyan lang kayo ng maayos na buhay,” malungkot na sagot ni Rodel sa kaniya.
“Ayon na nga, doble-doble na ang trabaho mo pero wala pa rin tayo masyadong naiipon. Ni hindi pa tayo makabili ng sasakyan, gusto ko na magmaneho,” rinding sagot ni Marie sa lalaki.
“Ayan ang problema, hindi mo muna palipasin ‘yung mga ganiyan mo. Pasasaan ba at makakaahon din naman tayo. Lalago din ang mga negosyo na pinapasok ko,” pakiusap naman muli ni Rodel sa kaniya.
“Sayang kasi, sayang, Rodel, sayang ‘yung pinag-aralan ko! Sayang ‘yung pinaghirapan ko kung nauubos lang ako sa pagiging nanay, pagiging katulong dito sa bahay pero wala naman akong sariling pera. Nahihirapan na ako, gusto ko nang magtrabaho!” baling muli ni Marie sa kaniyang asawa.
“Pasensiya ka na kung walang tinapos ‘yung napangasawa mo at ganitong buhay lang ang nabibigay ko,” mahina at malungkot na sagot ni Rodel at napatakip na lamang ito ng mukha.
Napapikit na lamang si Marie at bumuntong huminga ng malalim sa sobrang inis niya sa kaniyang asawa. Umalis ito at magpapalamig muna siya sa labas bago pa mas lalong uminit ang kanilang pag-uusap.
“Tingnan mo ‘to, kahit kape na ‘to hindi ko na mabili ngayon nang maluwag sa loob ko kailangan ko pang magtipid-tipid para lang may maipangbayad sa “me time” ko! Nakakainis talaga!” wika ni Marie nang maupo siya sa mesa at kaagad na kinunan ang kapeng binili niya.
“Hirap ng buhay ano,” biglang sabi ng katabi niyang babae sa mesa. May edad na ito at nagbabasa ng libro.
“Ha? Ho? Hehe,” napasabi niya bigla rito.
“Pakiramdam ko kasi inis na inis ka, masyadong negatibo ang enerhiyang nararamdaman ko sa’yo. Huwag kang mag-alala, tatahimik na ako kung ayaw mo ng kausap,” muling sabi ng ale sa kaniya habang abala pa rin ito sa kaniyang binabasang libro.
Pasimple niyang inobserbahan ang ale kung mangbubudol lang ba ito ngunit napansin niyang mukhang mas mayaman pa sa kaniya ito kaya naman napahinga na lang din siya.
“Ewan ko ho ba, sayang lang kasi. Pakiramdam ko sayang ako, sayang ang kakayahan ko at napupunta lang sa wala,” bulalas niya sa ale at napasandal na lang ito. Isip-isip niya’y minsan lang naman siya makipag-usap sa hindi niya kakilala at isa pa, gusto talaga niya ng kausap sa mga oras na iyon.
“Pakiramdam ko kasi kapag ako ‘yung nagtrabaho sa amin ng asawa ko ay mas aasenso ang buhay namin. Ako kasi ‘yung may tinapos, saka isa pa, dati pa man nung wala pa kaming anak ay mas malaki na talaga ang kita ko sa kaniya pero simula nung magkabata at walang makitang kasambahay ay nahinto na ang buhay ko sa pagiging nanay,” inis pa niyang dagdag at napahigop siya ng kape.
“Kayo po ba, kung kayo ang tatanungin? Sino ba ang dapat magtrabaho? Ako na may tinapos at kaya kong kumita ng malaki o ‘yung asawa ko na walang tinapos pero masipag at maparaan naman,” tanong muli ni Marie sa matanda.
Saglit na napangiti ang ale at isinarado ang libro na kaniyang binabasa saka saglit na humigop ng kape.
“Alam mo ba, grumaduate ako with honors, may masteral at kumikita ako ng halos singkwentamil sa isang buwan pero binitiwan ko iyon para sa asawa ko,” sabi ng ale.
“Sus, mayabang pa pala ang makakausap ko ngayong araw,” bulong ni Marie sa kaniyang isipan.
“Mukhang mayaman naman po kayo kaya kahit hindi kayo magtrabaho ay ayos lang,” pabalang na sagot ni Marie sa ale.
Natawa pang muli ang ale at tiningnan siya. “Pero alam mo, hayskul lang ang tinapos ng mister ko pero kitang-kita ko ang pagpupursige sa mata niya at ramdam na ramdam kong gusto niya kaming bigyan ng magandang buhay dahil natatakot siyang maging maliit ang tingin ko sa kaniya,” sabi ng ale habang nakangiti pa rin ito sa kaniya.
“Kaya binitiwan ko lahat iyon at pinaramdam ko sa kaniyang may tiwala ako sa kaniya. Ilang beses kaming nadapa, nalugi ang negosyo dahil sa kakahanap niya at kakapasok ng kung ano-anong negosyo pero kahit minsan hindi ko siya sinisi o ibinaba, bagkus, mas lalo ko siyang sinuportahan. Ang mga lalaki, natural sa kanila na maramdaman na kaya nila. Kaya nilang bumuhay ng pamilya at kaya nila iyon kahit may ilan man silang pagkukulang kaya tayong mga babae, mga misis, ang gusto nila ay ‘yung maramdaman sa atin na may tiwala tayo sa kanila. Masaya tayo sa binibigay nila,” dagdag pa ng ale.
“Diyos ko, paano naman ako. Marami akong hindi mabili kasi sakto lang ang kita niya, hindi ko naman siya minamaliit, ang gusto ko lang ‘yung maluwang na pamumuhay,” inis na singit ni Marie sa ale.
“Hindi magiging madali, dumaan din ako riyan ‘yung halos lahat ng luho ko ay binitiwan ko, iniwasan ko kasi mas importante para sa akin na maramdaman ng asawa kong may tiwala ako sa kaniya. Huwag kang mag-alala, nakikita nila ang hinagpis natin sa mga materyal na bagay kaya magtiwala ka, darating ang araw kapag maluwag na. Hindi mo na kailangan pang hingin iyon dahil sila na mismo ang magbibigay,” sabi pang muli ng ale sa kaniya at ngumiti ito.
Mabilis ding nagpaalam ito nang dumating na ang sasakyan upang sunduin ang matanda.
Napabuntong hininga muli si Marie dahil nakokonsensya siya para kay Rodel. Ngayon niya napagtanto na sapat naman ang kinikita ng asawa at napakaswerte na nga niya dahil sa sobrang sipag, bait at responsable nito at aminadong masyado na naman siyang nilalamon ng inggit sa iba niyang kaibigan kaya nagkakaganun na naman siya.
Dali-dali siyang umuwi at niyakap si Rodel. Humingi siya ng tawad at nagpasalamat sa asawa.
Sa huli’y walang mali sa mga babaeng nagtratrabaho para sa pamilya dahil ang mahalaga ay ang suportahan natin ang ating mga asawa ano man ang natapos at nakamit nila sa buhay.