Inday TrendingInday Trending
Desperada ang Ale Kung Saan pa Siya Hihingi ng Tulong Upang Makalikom ng Malaking Pera; Isang Tawag ang Magiging Dahilan Upang Gumaan ang Bigat ng Kaniyang Problema

Desperada ang Ale Kung Saan pa Siya Hihingi ng Tulong Upang Makalikom ng Malaking Pera; Isang Tawag ang Magiging Dahilan Upang Gumaan ang Bigat ng Kaniyang Problema

Nahahapo na sa pagod si Kaye sa kakalakad, sinabayan pa ng kaniyang sikmura na naghahanap na ng makakain. Kanina pa niya iniikot ang buong ka-Maynilaan sa pagpunta sa mga taong maaari niyang hingan ng tulong.

  • Naaksidente kasi ang kaniyang asawang si Jerome at kakailanganin nila ng malaking pera upang maisagawa na rito ang mga kailangang gawin. Dalawang araw na siyang naglalakad at humihingi ng tulong, ngunit hanggang ngayon ay dyesmil pa rin ang perang nasa kaniya, kulang pa ito ng trenta mil para maisagawa na ang operasyon na magliligtas sa buhay ng kaniyang asawa.

    Pagod na naupo si Kaye sa may gutter at agad na sinapo ng dalawang kamay ang mukha. Kwatro mil ang perang kailangan niyang malikom upang ma-operahan na ang kaniyang asawa. Nabali ang balakang nito kasama ang kaliwang paa, dahil sa aksidente. Kinailangan iyong operahan at lagyan ng bakal, kaso saan siya kukuha ng pera para doon? Sampung libo pa lang ang mayroon siya, at bukas na iyon kakailanganin.

    Gusto niyang humagulhol ng iyak…

    Kanina pa tinitingan ni Jerick ang babaeng tila napagod na sa kakalakad at wala na itong pakialam na umupo sa may gutter, sapo ang mukha. Sinubukan niyang lapitan ang ale upang tanungin.

    “Okay lang kayo?” tanong ni Jerick sa babae.

    Agad namang tumingala ang ale at hapong ngumiti. “Ayos lang ako.”

    Napansin niya ang dala-dala nitong plastik na sobre. Naisip niyang isa itong manlilimos. Iyong mga manlilimos na sinasabing nam@tayan, iyon pala’y nanloloko lang. Kung sino-sino ang pinap@tay para makapanloko, o ‘di naman kaya’y nasunugan daw ‘kuno, may iba pang may k@nser daw, para lang makahingi ng pera.

    “Lumang mudos,” aniya sa sarili.

    Akmang lalampasan na niya ang ale nang marinig ang pagtunong ng selpon nito.

    “Hello?” sagot ng ale sa kabilang linya. “Anong sabi ng doktor sa’yo, ‘nak?” anito na tila nataranta ang boses.

    Tila isang tsismosong nakinig si Jerick sa naging usapan ng ale at sa tinatawag nitong anak.

    “K-kaso dyesmil pa lang ang nalilikom ko,” nanghihinang wika nito. “Sige ipakausap mo nga ako kay dok,” mangiyak-ngiyak na wika ng ale. “Dok, baka pwedeng to follow na lang iyong kulang na trenta mil. Sampung libo pa lang po kasi ang nalilikom kong pera, pero dok, pangako po. Sisikapin kong maghanap ng trenta mil, mabayaran lang ang— Gano’n po ba dok…” dismayadong wika nito.

    Maya-maya ay ibinaba na nito ang tawag at muling sinapo ang mukha. Hindi modus ang ale at hindi ito nagpapanggap na nangangailangan ng tulong. Base pa lang sa narinig niyang usapan nito at sa taong nasa kabilang linya’y totoong may dinadala itong mabigat na problema.

    “Baka pwede ko kayong tulungan, ale,” kausap ni Jerick sa aleng nang tumingala’y bahid na ng luha ang buong mukha.

    Nalaman ni Jerick ang buong pangyayari at hindi na nga siya agad nagdalawang isip na tulungan ito. Kung kaniyang tatantiyahin ay halos ka-edad lang ni Aleng Kaye ang kaniyang mama. Kaya siguro nang makita niya itong umupo na tila napapagod na’y agad siyang nakaramdam ng awa rito.

    Binigyan niya ng tulong pinansyal ang pamilya ni Aleng Kaye, upang matuloy na ang operasyon sa asawa nitong naipit sa ilalim ng isang truck ang sinasakyang motor.

    “Salamat Jerick, utang namin sa’yo ang lahat ng ito. Pangako, ‘nak, sisikapin naming makabayad sa’yo. Salamat talaga, hindi mo kami kilala pero hindi ka nagdalawang isip na tulungan ako,” mangiyak-ngiyak na wika ni Kaye.

    “Pwede naman tayong tumulong, Aleng Kaye, kahit hindi natin kaano-ano ang isang tao. Hindi man po kita lubos na kilala, ang mahalaga’y alam kong isa kang mabuting tao at alam kong hindi ka manloloko,” ani Jerick. “Ilang beses na kasi akong naloko sa ganyan.

    Masarap kasi talaga sa pakiramdam ang tumulong at may kakayahan naman akong tumulong ay bakit hindi ko gawin. Kaso palagi akong nabibiktima ng mga taong manloloko, kaya naging mailap sa’kin ang magtiwala. Nang marinig ko ang naging usapan niyo ng anak mo sa selpon, doon ko napatunayan na totoong nangangailangan ka nga ng tulong. Kaya hindi na ako nagdalawang isip na tulungan ka,” ani Jerick.

    Agad naman siyang niyakap ni Kaye. “Salamat ‘nak,” buong pusong sambit ng ale. “Sana pagpalain ka pa ng Diyos Ama, upang marami ka pang matulungang kagaya ko,” mangiyak-ngiyak na wika ni Kaye.

  • Sa kabila ng nangyayari sa mundo natin ngayon ay may mga tao pa rin talagang handang tumulong na walang hinihinging kapalit. Kaya sana ay huwag natin silang abusuhin… baka kasi sila ay madalang tumulong sa mga taong tunay na nangangailangan.

    Advertisement