
Rinig na Rinig ng Ale na Nililibak ng Kaniyang mga Kapitbahay ang Dalawa Niyang Anak; Palalampasin Niya na Lang Kaya ang mga Ito?
Alas sais pa lang ng umaga at nasa palengke na si Aleng Tonyang upang bumili ng mga kailangang lutuin sa buong araw. Mamayang alas diyes pa naman gigising ang mga kasama niya sa bahay at mamayang alas-onse pa ang pasok ng kaniyang mga anak.
Tatlo ang anak niyang lalaki habang dalawa naman ang kaniyang babae. Ang panganay niyang si Pio ay isang pulis, pati ang pangatlo. Samantalang pawang mga maestro at maestra naman ang tatlo niyang anak.
Nang matapos mamili ay agad siyang sumakay ng traysikel pauwi. Nang sa kaniyang pagbaba ay agad niyang narinig ang topic of the day ng kaniyang mga tsismosang kapitbahay.
“Mga abusado talaga ang mga pulis na ‘yan! Por que may mga dalang armas at hawak ng gobyerno, kaya ang lalaki ng ulo,” nakaismid na wika ni Pedring.
Hindi yata napansin ng mga ‘to ang kaniyang presensya kaya nagpatuloy lamang ang mga ito sa kaka-tsismis. Wala naman sana siyang balak pansinin pa ang pinag-uusapan ng mga ito, ngunit uminit ang kaniyang tainga no’ng narinig niya ang pangalan ng kaniyang pamilya.
“Tingnan mo iyang si Mareng Tonyang,” wika ni Lilet. “Ang lalaki ng ulo ‘di ba por que may dalawang pulis na anak. Tsk! Kunyari tatahi-tahimik, may mga tinatago rin ang mga ‘yan… Alam ko barumbado ‘yong pangatlo niyang anak na si Kieth e, pulis na rin ngayon. Naku! Wala na talaga akong bilib sa mga ‘yan. Mamamat@y tao ‘no! Ang lalaki ng ulo,” ismid na wika nito.
Barumbado raw ang kaniyang anak? Siguro noong mga kabataan ni Kieth ay palagi itong may kaaway kasama ang barkada, pero noong naging pulis na ang anak niyang si Kieth ay naging pasensyoso ito at hindi na masyadong mabarkada.
“Si Pio, alam kong mabait na bata iyon, pero sus! Pare-pareho lang ang mga pulis. Talamak na sa kanila ang pat@yan, sanay na silang kumit*l ng buhay ng tao na para bang isang ipis na lang para sa kanila ang buhay ng tao,” segunda ni Wennie.
“Alam mo kasi sabi nga nila mainit daw ang ulo mo palagi kapag alam mong may bakal kang dala. Kaunting diperensya, iisipin mo agad na matapang ka kasi may hawak kang baril e. Pero kung walang mga bakal ang mga ‘yan… bahag ang buntot ng mga mayayabang na ‘yan,” wika ni Pedring.
“Tama! Sana huwag nating mabalitaan na may nap@tay ang mga anak ni Mareng Tonyang, mahirap na. Nakakabahala rin kasi,” ani Lilet.
Hindi na napigilan ni Tonyang ang mga naririnig. Naiintindihan niya ang pinaglalaban ng mga ito, pero hindi tamang ang pagkakamali ng isa’y pagkakamali na ng lahat.
Hindi naman siya galit, pero kailangan niyang ipaintindi sa mga ito, na pulis ang kaniyang dalawang anak, pero hindi sila masasamang tao.
“Huwag kayong mag-aalala mga mare. Ayokong magsalita ng tapos pero huwag naman sanang mangyari ang kinakatakutan niyo na siya ring kinakatakutan ko,” aniya. “Naiintindihan ko na wala na kayong tiwala sa mga pulis, dahil sa mga nagawa ng iba nilang kasamahan na hindi tama.
Pero sana naman mga mare ay huwag nating lahatin. Ang mga pulis ay parang mga asawa lang natin ang mga ‘yan. Hindi naman por que nambubugb*g ang asawa mo Wennie ay gano’n na rin ang asawa nila ni Lilet at Pedring,” parinig niya sa mga totoong nangyayari sa mga asawa nito. “At saka hindi por que babaero ang asawa ni Lilet ay babaero na rin ang mga asawa nating lahat.
Huwag natin silang husgahan, dahil sa pagkakamaling hindi naman nila ginawa, kung ‘di nagawa lang ng mga kasama nila. May mga pulis pa ring mababait at tapat sa tungkulin nila, sana maintindihan niyo ‘yon bago niyo libakin ang mga anak ko’t iba pang mga pulis,” dire-diretsong wika ni Tonyang, kalmado pa siya niyan.
“At saka nga pala FYI mga mare, si Kieth, basagulero siya noong kabataan niya… dala ng mga barkada, pero mare, matino na ang anak kong iyon ngayon. Si Pio naman ay tahimik lang at may tupak minsan, pero malabong maging krim*nal. Iyon lang mga mare, ingat kayo sa pang-araw-araw na gawain niyo mga mare, pagpalain sana kayo ng ating Diyos Ama,” aniya saka nagpaalam sa mga ito.
Tila nalunok na ng mga ito ang kaniya-kaniyang dila dahil sa walang habas na patutsada ni Tonyang.
May mga kaniya-kaniyang opinyon ang bawat isa, pero sana bago tayo maglabas ng sarili nating opinyon ay pakaisipin natin kung katanggap-tanggap ba ito o hindi. Ang kasalanan ng isa’y hindi kasalanan ng lahat.

Hindi Niya Pinaniwalaan ang Sumbong sa Kaniya ng mga Kapitbahay na may Ibang Kinakalantari ang Asawa; May Kahihinatnan ba ang Pagbubulag-bulagan Niya?
