Sinamantala ng Babaeng Ito ang Kaniyang Bulag na Amo; Karma pala ang Mapapala Niya sa Huli
“Ako nga pala si Alvira. Manang Alvi ang tawag sa akin ng mga kasambahay dito, pati na rin ng ibang tauhan sa mansyong ito. Ako nga pala ang mayordoma rito, kaya ako muna ang nag-aasikaso sa ’yo,” pagpapakilala ng may edad nang babaeng siyang sumalubong sa kaniya nang kumatok siya sa gate ng mansyong iyon kung saan siya nag-apply bilang bagong katulong. Agad namang napatango si Ruby.
“Ganoon po ba? E, nasaan po ba ang may-ari ng napakalaking bahay na ito? Ang yaman niya po, ano?” manghang sabi naman ni Ruby kay Manang Alvi.
“Naroon lamang siya sa garden. Madalas kasing magpahinga roon si Ma’am Joanna, kasi sariwa ang hangin doon. Sumunod ka sa akin at puntahan natin siya para maipakilala na kita,” utos naman sa kaniya ng matanda na agad namang tinalima ni Ruby.
Habang nilalakad niya ang kahabaan ng mansyon ay hindi niya maiwasang mamangha sa ganda at elegante ng kabuuan nito. Matagal na kasi niyang pinapangarap na sana ay magkaroon siya ng ganitong klaseng bahay. Matagal nang gustong yumaman ni Ruby, kaya nga napakarami na niyang pinasukang ‘raket’ na siya niyang pagkakakitaan.
“Ma’am, ito nga po pala si Ruby. Siya ’yong bagong katulong na ipinadala ng agency,” panimula ni Manang Alvi nang sa wakas ay makarating sila sa garden, pagkatapos ng mahaba-habang lakaran, bago bumaling sa kaniya. “Ruby, ito naman si Ma’am Joanna. Siya ang amo natin. Siya ang may-ari ng bahay na ito. Gusto ko lang ibilin sa ’yo na kailangan ni Ma’am Joanna ng ibayong pangangalaga dahil hindi na siya nakakakita. Nabulag kasi siya dahil sa isang aksidente, kaya sana ay bigyan mo siya ng mas mahabang pang-unawa,” sabi pa nito.
Nagbigay galang si Ruby sa amo, bagama’t sa likod ng kaniyang isip ay napapangisi siya sa narinig. Pakiramdam niya ay malapit nang pumalakpak ang kaniyang mga tainga nang sabihin sa kaniya ni Manang Alvi ang kalagayan ng kanilang boss.
Isang oportunidad para kay Ruby ang sinabing sitwasyon ng kanilang amo. Ang totoo kasi ay matagal nang nangangamuhan bilang kasambahay ang dalaga, ngunit sa bawat bahay na pagsisilbihan niya ay wala siyang pinalalampas at walang hindi ninanakawan at inaabusong mga amo. Marami nang reklamo laban sa kaniya ngunit madali niya iyong natatakasan dahil nagpapapalit-palit siya ng pangalan. Malakas din ang loob niya dahil may kilala siyang mga opisyal na pumuporsiyento sa kaniya sa tuwing makakakuha siya ng malaking halaga.
Dahil doon ay ganoon na nga ang ginawa ni Ruby sa mansyon ng kanilang Ma’am Joana. Minsan, kahit kaharap ang amo ay tahasan siyang nagnanakaw sa lalagyan nito ng pera, alahas at mga kagamitan sa pag-asang hindi nito makikita ang ginagawa niya dahil nga bulag ito. Isa pa ay wala siyang nakitang ni isang CCTV sa nasabing mansyon. Siguro ay ganoon lang talaga kabilis kung magtiwala ang bulag niyang amo. Pabor pa nga kay Ruby iyon kaya hindi na niya ipinagtaka pa.
Isang araw, pagkagaling ni Ruby mula sa pamamalengke ay inabutan niyang may mga gamit na nakaempake sa labas ng mansyong pinagtatrabahuhan niya, kaya naman nagmadali siyang pumasok upang tanungin si Manang Alvi.
“O, Manang, sino po ang aalis at ang dami naman yatang bagahe? Mangingibang bansa ba si Ma’am Joana?” tanong ni Ruby sa kanilang mayordoma na agad naman siyang binalingan.
“Hindi si Ma’am Joana ang aalis, kundi ikaw. Tinatanggal ka na niya sa trabaho dahil nahuli ka niyang nangunguha ng mga bagay na hindi naman iyo!” galit na saad pa ng mayordoma sa kaniya na agad namang ikinagulat ni Ruby.
“A-ano?! Hindi ko ginawa ’yon! Paano n’yo mapapatunayan ’yan? May ebidensiya ba kayo?!” agad pang tanggi ng babaeng kawatan kahit pa alam naman niyang totoo ang ibinibintang nito sa kaniya.
“Huwag ka nang magmaang-maangan pa, Ruby. Hindi naman totoong bulag si Ma’am Joana. Ang totoo ay palagi lang naming ginagawa at sinasabi ’yon upang masala namin nang maigi ang mga empleyadong papasok sa mansyong ito, at hindi ka pumasa sa pagsubok na ’yon. Marami rin kaming hawak na ebidensiya dahil palaging nakasuot ng built-in camera si Ma’am Joana at nakukunan n’on ang lahat ng ginagawa mong pangunguha. Ngayon, itong mga gamit mo ay isu-surrender namin sa pulisya dahil sigurado akong ang iba diyan ay hindi naman talaga sa ’yo.”
Halos malaglag ang panga ni Ruby sa sinabi ni Manang Alvi. Wala na siyang nagawa pa kundi ang magsisi nang maya-maya ay dakpin siya ng mga pulis.