Inday TrendingInday Trending
Ang Daming Naiinis sa Gurong Ito Sapagkat Napakaistrikto Niya; Isang Hindi Inaasahang Bisita ang Magpapabago ng Pananaw Nila

Ang Daming Naiinis sa Gurong Ito Sapagkat Napakaistrikto Niya; Isang Hindi Inaasahang Bisita ang Magpapabago ng Pananaw Nila

“Magsitabi kayo. Si ‘Maʼam Terror,’ daraan na naman. Baka makatikim na naman tayo ng sermon dʼyan,” napapaikot ang mga matang paalala ng isa sa mga estudyanteng nakaistambay sa daanang iyon papunta sa building ng mga grade twelve students, nang mamataan nitong daraan sa kanilang direksyon ang gurong si Ginang Galang—o mas kilala bilang si ‘Maʼam Terror’ ayon na rin sa bansag ng mga nasabing estudyante.

Kilala kasi bilang isang masungit at nakakatakot na guro si Ginang Galang kaya naman ganoon na lang kung pangilagan siya ng maraming estudyante sa nasabing eskuwelahan.

Ang totoo ay maraming may ayaw kay Ginang Galang. Iniisip ng mga estudyante na ganito ang pag-uugali nito dahil nga wala itong asawa. Isa kasi itong matandang dalaga, dahil halos ibinuhos na nito ang kaniyang buong buhay sa pagtuturo.

“Nakakainis talaga ’yang si Ma’am Terror, ano? Gusto yata tayong idamay niyan sa kamiserablehan ng buhay niya, e,” naiinis pang sagot naman ng isa pa sa mga estudyante bago sumunod sa kaibigan niyang pumasok na sa kanilang silid aralan.

Ni walang isa man sa mga estudyante ngayon ni Ginang Galang ang nagpapahalaga sa kaniyang propesyon at sa dedikasyong ipinapakita niya sa kaniyang pagtuturo. Ni hindi nila naisip na ang mga ginagawa naman ni Ginang Galang ay para rin sa kinabukasan nila, dahil ang bawat estudyante niya ay itinuturing niyang sarili niyang anak.

“Ilabas ang inyong mga takdang aralin at ipasa rito sa unahan. Bilisan ninyo ang mga kilos n’yo para makapag-umpisa na tayo ng panibago nating discussion,” pang-aapura pa ni Ginang Galang sa kaniyang mga estudyante na mabilis na nagsiangal nang mga sandaling ’yon. Hindi naman iyon pinansin pa ng guro at ipinagpatuloy lamang ang kaniyang plano.

Napag-iiwanan na kasi sa discussion ang sectiong iyon dahil sinisigurado ni Ginang Galang na naiintindihan nila ang bawat itinuturo niya. Ayaw naman niyang mahuling makapagmartsa sa seremonya ng pagtatapos ang mga ito kaya ngayon ay pinupursige niya sila.

Iyon nga lang, imbes na makita iyon ng mga estudyante niya bilang magandang oportunidad, ay iniisip pa nilang ginagawa niya iyon upang sila ay pahirapan! Dahil doon ay hindi na nakapagpigil pa ang mga estudyante at nagsisagot sa kaniya nang pabalang.

“Masiyadong pagpapahirap na ang ginagawa n’yo sa amin, ma’am. Ginagawa n’yo po ba ito, dahil nasa last section lang kami?” naiinis na tanong ng isa sa mga estudyante ng naturang section.

“Ano kamo?! At bakit ko naman gagawin ’yan?” Napangiwi si Ginang Galang sa narinig.

“Kunwari pa kayo, ma’am. E, sa lahat naman ng section, sa amin lang kayo ganiyan!” napapairap pang sagot ng nasabing estudyante.

Akmang sasagot sanang muli ang napipikon nang guro nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan. “Excuse po, ma’am, may naghahanap po sa inyo,” anang isang estudyante mula sa kabilang klase. Dahil doon ay nabaling na sa kaniya ang atensyon ni Ginang Galang.

“Sige, papasukin mo.” Sapo ang kaniyang noo ay naupo si Ginang Galang sa harap ng kaniyang mesa.

“Hello po, ma’am…naalala n’yo pa po ba ako?”

Isang makisig na lalaki ang biglang pumasok sa kanilang silid aralan, at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ni Ginang Galang nang makilala ito!

“Arturo?!” hiyaw niya. Napatayo pa si Ginang Galang dahil sa sobrang tuwa!

“Ako nga po ito, ma’am!” naiiyak namang sagot ni Arturo, isa sa mga dati niyang estudyante na ngayon ay isa nang ganap na doktor!

Naging napakamadamdamin ng muling paghaharap ng dalawa na maya-maya pa ay nauwi na sa yakapan at mahabang kumustahan. Doon ay nagtaka naman ang mga estudyanteng nakasaksi sa nangyayari. Hindi nagtagal ay humarap si Arturo sa mga bagong estudyante ng kaniyang butihing guro… at doon ay nagkuwento siya ng mga karanasan niya noon sa kamay ni Ginang Galang.

Si Arturo ay kabilang din sa pinakahuling section noon na naging estudyante ni Ginang Galang. Isa ito sa mga pasaway na estudyante kaya naman isa rin ito sa mga laging pinagagalitan ng nasabing guro. Naranasan niya ang pagiging terror ni Ginang Galang kaysa sa lahat, ngunit sa huli ay napagtanto niyang sa lahat din ng tao ay si Ginang Galang lang ang hindi sumukong maniwala na may pag-asa pa siyang magbago. Ngayon ay isa na siyang ganap na doktor at lahat ng iyon ay dahil sa kaniyang guro!

Matapos mapakinggan ng mga estudyante ni Ginang Galang ang kwento ni Arturo ay nakaramdam sila ng hiya sa kanilang mga ipinakita sa kaniya… ngunit iyon din ang naging simula upang magkaroon sila ng panibagong inspirasyong ipakitang kaya rin nilang maabot iyon, sa tulong ng kanilang Ma’am Terror.

Advertisement