Isinuplong ng Dalaga ang Kaniyang Amang Lulong sa Bisyo; Ipagpapasalamat pa pala Nito ang Ginawa Niya Kalaunan
Tulala lang si Annie. Nakatingin siya sa kabilang ibayo ng salaming bintana ng kanilang bahay. Nakatitig siya sa kaniyang ama habang bumubuga ito ng usok mula sa hawak-hawak nitong pahabang bagay na hindi naman alam ni Annie kung ano. May mga kasamang kaibigan ang kaniyang ama, ngunit hindi niya naririnig kung ano ang mga pinag-uusapan nila, dahil walang ni kaunting awang man lang ang kwartong kinaroroonan ng kaniyang ama. Kulob na kulob kasi iyon.
Kinalakihan na ni Annie ang ganoong tagpo sa kanilang tahanan mula nang mawala ang kaniyang ina dahil sa sakit nito. Simula noon ay halos ibuhos na ng kaniyang ama ang sarili nito sa pagtatrabaho at sa pakikipag-usap sa mga barkada nito sa sikretong silid na ’yon, na habang lumalaki si Annie ay unti-unti niya ring naintindihan kung para saan…
Isang araw ay nagimbal ng isang balita si Annie na noon ay dalaga na at nagsisimula nang magtrabaho. Paano kasi ay nabalitaan niyang sumakabilang buhay na ang isa sa mga kaibigan ng kaniyang ama na palagi nitong kasamang nagbibisyo sa sikretong silid na ’yon sa bahay nila. Ayon sa balita ay mga kapwa nito lulong sa ipinagbabawal na bisyo ang dahilan ng pagkawala nito sa mundo…at iyon ang naging dahilan upang makumbinsi si Annie na kausapin ang kaniyang ama tungkol dito.
“Papa, itigil mo na ’yang ginagawa mo. Hindi na ligtas para sa kalusugan mo ’yan, lalong-lalo na sa buhay nating pareho! Ayaw kong pati ikaw ay mawala pa sa akin, papa!” umiiyak na pangungumbinsi ni Annie sa ama. Pilit niya itong pinatitigil sa pagbibisyo, ngunit animo lamang siya nakikipag-usap sa bato. Ni walang reaksyon ang kaniyang ama. Nakikinig ito ngunit hindi iniintindi ang sinasabi niya. Hanggang sa halos matuyuan na lang ng laway si Annie ay ni wala itong inintindi.
Hindi siya halos nakatulog nang gabing ’yon. Iniisip niya kung papaano niya matutulungan ang kaniyang ama…ngunit isa lang ang paraang naapuhap niya, at iyon ang isuplong ito sa mga awtoridad, na pagkatapos ng ilang gabing pag-iisip nang mabuti ay ginawa rin naman ni Annie.
Isinuplong niya ang kaniyang ama na naging dahilan upang mahuli ito at sapilitang maipagamot ng mga may katungkulan sa kanilang barangay. Kalaunan ay inamin niya rin naman sa ama ang kaniyang ginawa at tinanggap niya ang galit nito…
“Paano mo nagawa sa akin ’to, Annie?! Ama mo ako!” minsan, nang dalawin niya ang ama sa lugar kung saan ginagamot ang mga katulad nitong lulong sa masamang bisyo ay sigaw nito sa kaniya.
“Kung ’yon lang ang paraan para hindi ka tuluyang mawala sa akin, papa, gagawin ko. Hindi ako papayag na basta na lang kitang matagpuang nakahandusay sa kalsada dahil sa mga ginagawa n’yo. At least dito, kahit ‘di kita kasama, madadalaw pa rin kita at makikita kong humihinga ka pa,” lumuluhang sagot naman ni Annie sa ama.
Sa sinabi niyang iyon ay napayukod ito. Bigla itong napipi sa mga narinig na sinabi ng anak. Doon din nakapag-isip-isip ang kaniyang ama na tama nga si Annie…dapat nga ay magbago na siya para sa kaniyang anak. Hindi pa huli ang lahat.
Pinagbuti ng ama ni Annie, na si Mang Dado, ang pagpapagaling sa center na ’yon. Unti-unti ay naging maayos naman ang kalagayan niya at naging malaki ang pagbabago sa kaniyang sarili. Hindi akalain ni Mang Dado na may pag-asa pa palang maihiwalay niya ang sarili sa kaniyang bisyo, ngunit natutuwa siya dahil sa wakas ay nagawa niya! Ilang araw mula ngayon ay inanunsyo ng mga opisyal doon na siya ay makakalabas na.
Masayang-masayang sinalubong ni Annie ang ama nang sa wakas ay makauwi ito pagkatapos ng anim na buwan. Iyakan, mahigpit at mainit na yakapan at kumustahan ang siyang umubos sa araw ng mag-ama. Mula noon ay nagsimula rin silang sabay na magsimba tuwing Linggo. Mas inilapit nila ang sarili nila sa Diyos, dahil walang ibang mas lalakas na gamot sa kahit anong karamdaman kundi ang paniniwala natin sa Maykapal.
Hindi nagtagal ay nakahanap din ng trabaho si Mang Dado. Si Annie naman ay na-promote sa kaniyang pinapasukang opisina kaya simula noon ay unti-unting gumanda ang buhay ng mag-ama. Hanggang sa siya ay magkaroon na ng asawa ay nanatili sa pangangalaga niya ang ama na ngayon ay tuluyan nang naging mas maayos ang buhay, dahil nailayo ang sarili niya sa bisyong muntik nang bumawi sa buhay nila.