Inday TrendingInday Trending
Bumili Siya ng Murang Gamot at Ito’y Ibinenta sa Mahal na Presyo; Papatok Kaya Ito Ngayong Marami ang May Sakit?

Bumili Siya ng Murang Gamot at Ito’y Ibinenta sa Mahal na Presyo; Papatok Kaya Ito Ngayong Marami ang May Sakit?

Ngayong marami ang nagkakasakit, hindi maiwasan ni Arlene na umisip ng paraan kung paano niya pagkakakitaan ang ganitong klaseng sitwasyon. Ilang araw na kasi siyang walang kustomer sa salon dahil umaakyat na naman ang bilang ng mga taong nagkakaroon ng sakit sa kanilang lugar.

“Mama, isang linggo pang wala tayo ni isang kustomer, tiyak na malulugi na tayo. Huwag muna kaya tayong magbukas? Para naman hindi sayang ang kuryente ng salon natin at hindi na tayo magbayad sa mga empleyado natin!” sambit ng kaniyang anak habang siya’y abala sa pag-iisip ng paraan kung paano kikita ng pera.

“Alam mo, hindi ko alam kung anak ba talaga kita o iba ang naibigay ng nars sa akin sa ospital! Business minded ako, habang ikaw, puro pasarap sa buhay ang alam! Alam kong gusto mong magsara tayo para makapagselpon ka buong araw!” sigaw niya rito.

“O, sige nga, mama, anong balak mong gawin? Paano mo mapapagpatuloy ang takbo ng negosyo nating ito kung marami ang may sakit at takot na mahawa ng sakit? Gamot ang kailangan nila ngayon, hindi unat na buhok!” pag-aamok pa nito ngunit imbes na siya’y magalit, napatalon pa siya nang makakuha ng ideya sa sermon nito.

“Bingo! May naitulong ka rin sa buhay ko!” tuwang-tuwa niyang sigaw.

“Ay, ano ‘yon, mama? Ang galing ko talaga!” tatawa-tawa tanong nito sa kaniya.

“Bibili ako ng maraming gamot at ibebenta ko nang doble ang presyo!” sambit niya na ikinangiti rin nito dahilan para agad silang magpunta sa bagsakan ng mga gamot na nakita lamang nila habang sila’y naghahanap ng mapagkukuhanan ng nagkakaubusang gamot. Agad niya ring kinuha ang numero ng nakausap niya roon upang ito na lang ang pagkuhanan niya dahil sobrang baba ng presyo at tiyak na kikita siya.

Katulad ng plano niya, nilatag niya sa kaniyang salon ang mga gamot na iyon upang maengganyo rin ang mga mamimili na magpaserbisyo sa kanilang salon.

“Kakagatin kaya nila ang doble presyo nating mga gamot, mama? Natatakot ako na baka malugi tayo rito, eh. Tapos nakakapagtaka rin kung bakit ang mura ng gamot doon. Paano na lang kung…” pag-aalala ng kaniyang anak.

“Huwag ka nang nega riyan! Papatok ‘to, anak! Kailangang-kailangan na nila ng mga gamot, tiyak hindi na sila titingin pa sa presyo!” sambit niya rito.

Labis silang nagdiwang mag-ina nang paunti-unti ay may bumibili na sa kanila hanggang sa dinumog na sila ng mga tao. Ang ilan ay kahon-kahon ang mga binibili habang ang iba naman ay nagpaserbisyo muna sa kanilang salon habang naghihintay na labis niyang ikinatuwa dahil tila muling nabuhay ang kanilang establishimento!

Ilang oras lang ang tinagal ng kanilang mga paninda dahilan para muli niyang kontakin ang pinagkuhanan niya ng mga gamot na ito. Ngunit, siya’y biglang nanlamig nang isang pulis ang sumagot nito at nasa harapan niya pa ito.

“Ikaw nga pala talaga ang isa sa pumakyaw ng murang gamot sa kabilang baryo. Sa presinto na lang po tayo mag-usap, ma’am,” sabi ng pulis sa kaniya na ikinalaki ng mata niya.

“Te-teka, ano pong mali sa ginawa ko? Kasalanan ba ang mamakyaw ng paninda ngayon?” tanong niya rito.

“Hindi naman po, pero kung peke ang paninda at mapupuno ang ospital sa bayang ito dahil sa dami ng nagsusuka, opo, kasalanan iyon,” sagot nito na tuluyan na niyang ikinapanghina.

“Ayan na nga ba ang sinasabi ko, mama! Duda na talaga ako riyan, eh!” sigaw ng anak niya na ikinaiyak niya na lang.

Sa presinto na sila nagkita-kita ng mga negosiyanteng pumakyaw din sa paninda ng may-ari na ngayon ay ginigiit na, “Alam nilang peke ang paninda ko! Hindi pwedeng ako lang ang makakasuhan!”

Ilang oras pa ang nagdaan, tuluyan na nga siyang ikinulong sa selda. Nabalitaan niya ring pinasara ang kaniyang salon dahil doon siya nagbenta ng mga gamot na ito na labis niyang pinagsisihan.

“Tanggapin na lang natin, mama, wala naman tayong magagawa pa,” sambit ng kaniyang anak nang mapiyansahan siya nito pagkalipas ng isang linggo.

Simula noon, kinontrol na niya ang pagiging business minded niya. Natuto na siyang mag-isip nang mabuti ngayon kaysa agad na pumasok sa isang klaseng negosyo na una pa man ay kahina-hinala na.

“Minsan na akong napahamak ng pagiging takam ko sa pera, hindi ko na iyon uulitin pa!” sigaw niya sa salamin nang muli niyang mapabuksan ang kaniyang salon.

Advertisement