Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Sinundan ang Yapak ng Kaniyang Ama sa Pagiging Mabuting Abogado, Dumating ang Araw na Pinagbayaran Niya ang Kasalanan Niya

Hindi Niya Sinundan ang Yapak ng Kaniyang Ama sa Pagiging Mabuting Abogado, Dumating ang Araw na Pinagbayaran Niya ang Kasalanan Niya

Noong bata pa si Sonya, idolong-idolo niya ang kaniyang ama. Araw-araw na bukambibig ng kaniyang ina noon kung gaano ito kagaling na abogado na nagliligtas sa mga inosenteng taong nasasakdal dahilan para labis niya itong hangaan.

Lalo pa siyang humahanga rito tuwing may mga taong nagpupunta sa kanilang bahay upang bigyan ito ng prutas o kahit anong pagkain bilang pasasalamat sa kabayanihang ginawa nito.

Ito ang dahilan upang sundan niya ang mga yapak nito at pangaraping maging isang mabuting abogado katulad nito. Kaya lang, paglipas ng ilang taon, habang nag-aaral na siya nang pag-aabogasya, siya’y nagtaka kung bakit sa tinagal-tagal ng panahon na abogado ang kaniyang ama ay hindi pa rin marangya ang kanilang buhay katulad ng ibang abogadong nakikilala niya sa unibersidad na pinapasukan niya. Tinanong niya ang kaniyang ina tungkol dito.

“Iyang tatay mo kasi hindi nasisilaw sa pera, anak. Hindi siya tumatanggap ng kliyenteng gumawa ng kasalanan kapalit ng malaking halaga ng pera. Sa magiging propesyon mo, anak, kailangan mong mamili, pera ba o dangal,” kwento nito sa kaniya habang pinaghahandaan siya ng meryenda.

“Para naman palang santo si papa, eh, kaya ganito pa rin ang buhay natin! Hayaan mo, mama, kapag naging abogado na ako, aangat na ang buhay natin!” sagot niya na ikinangiti nito.

“Mabuti naman kung gaano, anak, pero sana sa mabuting paraan mo rin tuparin ang pangako mo,” tugon pa nito na ikinahinga niya nang malalim.

Sa kabila ng pag-uusap nilang ito ng kaniyang ina na halos araw-araw tumatakbo sa isip niya, nang siya’y tuluyan nang makapagtapos ng pag-aaral at naging isang ganap na abogado na, lahat ng pangaral nito ay sapilitan niyang binaon sa limot at nagsimulang tumanggap ng mga kliyenteng tunay na may sala.

Una niyang ginawa ito nang may mag-alok sa kaniya ng bahay at lupa kapalit ng pagtanggap niya sa kaso. Napag-alamanan man niyang totoong may sala ang kliyente niya, pinagtakpan niya ito at ginawang inosente sa mata ng korte upang makuha ang bahay at lupang pangako nito na labis na ikinagalit ng kaniyang ama.

“Kahit na lumuhod ka sa harap ko at lumuha ng dugo, hinding-hindi ako tatapak sa bahay na mula sa maling gawain!” sigaw nito sa kaniya nang pilitin niya itong maglipat na ng kanilang mga gamit.

“Kailan mo ba lulunukin ang konsepto mong iyan, papa, ha? Iba na ang henerasyon ngayon! Kung hindi ka kakapit sa patalim, mapag-iiwanan ka sa agos ng buhay!” sagot niya rito.

“Ayos lang sa aking mapag-iwanan, maging malinis lang ang konsensya ko!” bulyaw pa nito na lalo niyang ikinainis.

Sa huli, pati kaniyang ina ay hindi sumama sa kaniyang manirahan doon ngunit kahit katiting na pagsisisi, wala siyang nararamdaman dahil sa ganda ng bagong bahay niya na panay ang bida niya sa social media.

Nagpatuloy ang pagtanggap niya sa maruruming kliyente na ginagawa niyang inosente hanggang sa paglipas ng ilang taon, muling binuksan ang kaso ng kliyente niyang nagbigay sa kaniya ng bahay at lupa.

Dito napag-alamanan ng korte ang pagpapasa nito ng ari-arian sa kaniya bilang kapalit sa pagtatanggol niya na nagbigay daan upang pati siya ay makasuhan.

Walang ibang abogadong tumakbo sa isip niya na pupwedeng magtanggol sa kaniya kung hindi ang kaniyang ama. Ngunit bago niya pa ito matawagan, nagpadala na ito agad ng mensahe sa kaniya, “Nandito ako ngayon at nakikinig sa hatol para sa’yo. Kung iniisip mong tutulungan kita, nagkakamali ka, anak, pagbayaran mo ang kamaliang ginawa mo,” saka niya nakitang lumabas ng korte ang kaniyang ama na ikinaiyak niya na lamang.

Nag-uumapaw ang pagsisising bumabagabag sa puso niya simula noon. Ilang beses man siyang nagmakaawa sa kaniyang ama pati na sa kaniyang ina, hinayaan siya ng mga itong pagdusahan ang ginawa niya.

“Sana pala tuluyan kong sinundan ang yapak ng tatay ko. Sana, hindi na ako luhimis ng landas!” sigaw niya habang hinihimas-himas ang rehas na pumipigil sa masayang buhay na dapat sana ay mayroon siya.

Ilang taon ang lumipas, siya rin ay tuluyan nang nakalaya. Wala man nang saysay ang pagiging abogado niya dahil sa pagkawala ng lisensya niya, masaya siya ngayong makasama ang kaniyang mga magulang na muli siyang tinanggap at pilit na tinutulak patungo sa diretsong daan.

“Hindi pa huli ang lahat para magbagong buhay ka, anak. Ayos lang na maging mahirap tayo, huwag lang maging makasalanan dahil lahat ng kasalanan ay may kapalit na kaparusahan,” sabi pa ng kaniyang ama saka siya niyakap nang mahigpit na labis niyang ikinasaya.

Advertisement