Nakaisip ng Paraan ang Ginang Upang Mailayo Raw sa Kapahamakan ang Anak; Paano Kung Siya pa ang Magdala Rito sa Panganib?
“Angel! Angel!” malakas na sigaw ni Lordes habang siya ay papasok sa kanilang bahay. Halata pa sa mga mukha nito ang pagkainis matapos niyang makita ang mga mabababang grado ng nag-iisa niyang anak na si Angel.
“Tingnan mo nga itong mga grado mo. Iyan kasi, sinabi sa akin ng guro mo na nakikisama ka na naman sa grupo ng mga kabataang mahilig lumiban sa klase!” panenermon nito sa anak na dalaga.
“Hindi naman po ma-“ hindi na naipagpatuloy ni Angel ang kaniyang pagbibigay rason dahil sa tuloy tuloy na panenermon ng ina.
“Simula sa Lunes, ipapahatid at sundo na kita sa tita mo para alam kong hindi ka sumasama kung kani-kanino lang!” huling sambit ni Lordes sa anak.
Pagkaraan ng ilang araw, nangyari na nga ang nais mangyari ni Lordes para sa anak nitong si Angel. Wala ni-isang minuto ang pinalalampas ng ginang upang matiyak ang kaligtasan daw nito. At mas lalo pa itong naghigpit hanggang sa isali niya sa isang grupo ng simbahan sa kanilang lugar ang anak.
“Angel, tutal naman ay bumait bait ka na. Hahayaan na kitang makipagkaibigan. Ngunit, kailangan sa mga tao lang sa simbahan,” pahayag niya sa anak isang gabi habang sila ay naghahapunan.
“Talaga ba, ‘ma? Thank you po!” laking pasasalamat naman ni Angel at muli siyang magkakaroon ng mga kaibigan.
Dumaan pa ang ilang mga buwan at nakita ni Lordes ang magandang pagbabago sa ugali ng kaniyang anak. Aniya, mas naging masunurin daw si Angel at hindi na pala-sagot sa tuwing papagalitan niya ito. Ang mas nagustuhan pa nga niya ay ang lalong tumataas na mga grado nito sa eskwela.
Dahil dito, mas naging maluwag si Lordes sa kaniyang anak. Sa tuwing magpapaalam itong may lakad sila ng mga kasamahan sa simbahan ay palagi niya itong pinapayagan. Kahit nga matulog pa ito roon ay ayos lamang. Buong akala kasi niya ay nag-eensayo ito sa pagkanta sa kanilang simbahan. Subalit lingid pala sa kaniyang kaalaman ang panganib na nagbabadya.
“’Ma, ‘ma? Aalis po sana kami nila Michaela at Kuya Bryan. May party po kasi dahil birthday po ng kapatid ni Kuya Bryan,” marahang paalam ni Angel sa kaniyang ina.
“Ahh. Kay Bryan naman pala! Sige, walang problema!” tugon naman nito.
Nakangiti namang tumalikod si Angel at mabilis itong pumasok sa kaniyang silid upang ihanda ang mga susuotin nito. Kinagabihan, sinundo pa siya ng kaniyang mga kaibigan, kumakaway pa si Lordes sa kaniyang anak habang patuloy itong naglalakad palayo sa kaniya.
Lumipas ang gabi at sanay na si Lordes na wala roon ang kaniyang anak. Dahil araw naman ng Sabado, hinayaan niya si Angel na makisaya muna kasama ang mga kaibigan. Isa pa, marahil ay napahaba ang tulog nito gayong kasama niya ang kaniyang mga kaibigan. Nang dumating naman ang tanghali, sunod sunod na mensahe na ang kaniyang pinadala sa anak ngunit wala ito ni-isang tugon.
Hanggang sa dumilim ang paligid pati na ang kalangitan, kumukulog at kidlat pa ng gabing iyon nang isa-isang tinawagan ni Lordes ang mga kaibigan ni Angel. Subalit iisa ang sagot ng mga ito – wala si Angel sa selebrasyon kagabi.
Nang hindi na mapakali, lumapit na si Lordes sa mga kapulisan upang humingi ng tulong sa paghahanap. Dahil isang araw na itong nawawala, nagpatuloy ang malawakang paghahanap sa dalaga. Gamit ang pagpapaskil ng mga larawan nito sa siyudad, sa social media at pagtawag sa mga kakilala nito. Hanggang sa natagpuan ang selpon na dala nito pati na ang bag nito sa isang basurahan.
Labis ang paghihinagpis ni Lordes habang niyayakap ang mga gamit na pagmamay-ari ng kaniyang anak. Hindi niya lubos maisip kung ano nang kapahamakan ang nangyari rito. Hindi naman dito natapos ang imbestigasyon ng mga pulis at nagpatuloy sa paghahanap sa dalaga.
Isang umaga, nagising si Lordes sa isang masamang balita. Nagmadali itong nagpunta sa pasilidad kung saan daw naroon ang kaniyang anak. Nang siya ay makarating doon, nanginginig pa ang kalamnan niya habang tinititigan ang malamig na katawan ng kaniyang anak.
Muli, bumuhos ang luha sa silid kung saan naroon si Lordes at yakap yakap ang katawan ng kaniyang mahal na anak. Sa kaniyang pag-iyak, bigla na lamang siyang nawalan ng malay. Muli siyang nagising habang nakapalibot ang mga doktor at pulis sa kaniya. Doon niya narinig ang mga impormasyong labis niyang ikinagulat.
“Napag-alaman po namin, misis, na ang anak ninyo ay nakipagkita sa lalaking nagngangalang Bryan Villanueva,” paunang paliwanag ng pulis.
“Oho, kilala ko nga po ‘yon dahil lider iyon sa simbahan ng anak ko,” tugon naman niya habang pinipigil ang pag-iyak.
“Nagkukunwari lang po siya na lider ng simbahan, misis. Ang totoo kasi ay lider siya ng grupo ng mga nagbebenta ng il*gal na dr*ga. At malamang ho ay nabiktima niya itong anak ninyo. Nasa piitan na po si Bryan, misis, at kinukwestiyon namin,” dagdag pa ng mamang pulis.
Halos hindi makapaniwala si Lordes sa kaniyang mga narinig ng mga oras na iyon. Wala siyang magawa o masabi kundi ang humikbi sa sama ng loob na kaniyang nadarama. Habang nagdaraan ang mga araw, palaging sinisisi ni Lordes ang sarili dahil siya ang naglapit sa anak sa panganib. Subalit wala siyang ibang pagpipilian kung ‘di ang magpatuloy sa hamon ng buhay.