Inday TrendingInday Trending
Tanggap ng Dalaga ang Nobyong Pilay at Kirat ang Mata; Ikagugulat Niya ang Totoong Pagkatao Nito

Tanggap ng Dalaga ang Nobyong Pilay at Kirat ang Mata; Ikagugulat Niya ang Totoong Pagkatao Nito

Abot langit ang ngiti ni Kristel habang isinusuot ang bagong biling blouse na kulay pula. Matagal niyang pinaghandaan ang araw na ito kaya kailangan ay maganda ang ayos niya. Ginamit din niya ang make up at lipstick na ibinigay ng tiyahin niya na nasa abroad. Muli niyang sinulyapan ang sarili sa salamin at napapalakpak siya nang makitang kamukha na niya ang paborito niyang artista na si Angel Locsin.

“Ang ganda, ganda ko na, ‘di ba?” tuwang-tuwa niyang sabi sa sarili.

Paglabas niya ng kuwarto ay halos mapatili ang kapatid niyang si Jennifer nang makita siya.

“Wow, ang ganda mo, ate! Siguradong kapag nakita ka niya’y yayayain ka na niyang pakasal!” wika ng bunsong kapatid.

“Talaga ba?” kinikilig niyang sabi. “Excited na nga akong makita siya. eh. Kay tagal kong hinintay ang araw na ito na pupunta siya rito sa Pilipinas para dalawin ako. Ilang beses din kasing napurnada ang pagkikita namin,” saad pa niya.

Ulila na ang magkapatid sa mga magulang. Pumanaw ang kanilang mga magulang sampung taon na ang nakakaraan. Lumubog ang barkong sinasakyan ng mga ito dahil may malakas na bagyo noon. Kasama ang mga magulang nila sa mga nas*wi kaya naiwan kay Kristel ang responsilidad bilang siya ang panganay. Pinagsabay niya noon ang pag-aaral at pagtatrabaho para mabuhay silang magkapatid. Ngayon ay trenta y sais anyos na siya, isang call center agent samantalang ang kapatid niyang si Jennifer ay nasa ikaapat na taon na sa kolehiyo, malapit na itong makagradweyt at makatulong sa kaniya kaya pinaghahandaan na niya ang posibilidad na lumagay na sa tahimik.

May boyfriend siyang Fil-Am na nakilala niya sa chat, si Gregory. Isang piloto ang lalaki sa Amerika at trenta anyos ang edad na mas bata sa kanya. Dalawang taon na silang magkarelasyon pero kahit kailan ay hindi pa niya nakita ang mukha ng lalaki. Ayaw kasi nitong magpakita sa tuwing nagbi-videocall sila. Palaging naka-off ang camera nito. Wala itong ibang social media account kundi peysbuk lang. Wala ring mga litato ang lalaki na nakapost doon. Kahit miyembro ng pamilya o mga kaibigan ay wala kaya nagtataka siya kung bakit napakamisteryoso nito. Sa una ay natakot siya’t kinabahan dahil baka modus o niloloko lang siya ni Gregory, pero matiyaga ang lalaki at mukha namang mabait at mapagkakatiwalaan. Wala itong mintis na nagpapadala sa kaniya ng pera at kung anu-ano pang mga bagay. Ang sabi sa kaniya ng lalaki, makikita lang niya ito kapag bumisita na ito sa Pilipinas at ngayon na ang takdang panahon para makita at makilala ang boyfriend niya. Sinabi nito nang minsang mag-usap sila sa chat na pupunta ito sa Pilipinas para dalawin siya.

“Nahihiwagaan talaga ako sa boyfriend mong iyon, ate. Ano kaya ang hitsura niya? Buti at natagalan mong makipagrelasyon sa kaniya kahit hindi mo pa siya nakikita,” wika ni Jennifer.

“Hindi ko rin alam, sis, kung bakit sa loob ng dalawang taon ay nagtiwala ako at minahal ko siya kahit ni litrato niya ay hindi ko pa nakikita. Ganito yata ang pakiramdam ng umiibig na kahit hindi pa namin lubos na kilala ang isa’t isa’y balewala iyon basta ang mahalaga ay nagmamahalan kami, at mahal ko si Gregory kahit hindi ko alam kung ano ang hitsura niya. May espesyal sa kaniya na hindi ko mawari kung ano, basta napakabait kasi niya. Natatandaan mo nung natanggal ako sa trabaho dun sa una kong kumpanyang pinapasukan? Noong panahong iyon ay kailangan mong magbayad ng matrikula sa eskwela, eh walang-wala akong pera, ‘di ba siya ang tumulong sa atin? Nagpadala siya ng malaking halaga. Noong nagkasakit ka at naospital dahil sa dengue, siya rin ang tumulong sa atin nang walang hinihinging anumang kapalit,” aniya.

“Oo nga, ate. Nariyan yung boyfriend mo sa mga pagkakataong kailangan natin ng tulong pinansyal. Hindi niya tayo pinabayaan. Napaksuwerte mo sa kaniya ate. Kaya ano pa ang hinihintay mo? Lumarga ka na at sunduin mo na siya,” utos ng kapatid niya.

Nagmamadali siyang lumabas ng bahay. Sa wakas ay magkikita na sila ni Gregory.

“Miss? Nandito na tayo,” sabi ng taxi driver.

Pumunta siya sa isang restawran na itinext sa kaniya ng lalaki. Sinabi nito na huwag na niya itong sunduin sa airport. Magkita na lamang daw sila sa isang restawran na malapit doon. Pero pagdating niya sa lugar na pagkikitaan nila ay laking gulat niya, napaka-sosyal naman kasi ng restawran na iyon. Ngayon lang siya nakapasok sa ganoong kainan na parang mga mayayaman at may sinasabi lang sa lipunan ang maaaring kumain.

Ang totoo, ang gusto ni Gregory ay pupuntahan siya nito mismo sa bahay nila, pero ayaw niyang pahirapan ang nobyo dahil mahirap ang daan patungo sa kanila dahil ginagawa ang kalsada sa labas ng bahay nila at baka maligaw pa ito, kaya ipinilit niya na sa ibang lugar na lang sila magkita kung ayaw ng lalaki na sunduin niya ito sa airport. Hindi naman niya alam na sa isang sosyaling restawran siya pinapunta nito.

Prente na siyang nakaupo sa mesa nang marinig niyang may pumasok sa pinto ng restawran.

“Diyos ko, ayan na yata siya!” sambit niya na may kahalong kaba at kilig na nararamdaman.

Maya maya ay nagulat siya nang makita ang isang lalaki na papalapit sa kaniya. Hirap itong maglakad dahil pilay ito. May saklay itong dala-dala na ginagamit para makalakad nang maayos. Nakasuot ito ng kulay puting polo at maong na pantalon. Bukod sa kapansanan sa mga paa ay kirat din ang isa nitong mata at may malagong bigote at balbas sa mukha.

“Are you Kristel?” tanong ng lalaki.

Medyo napataas ang kilay niya nang magsalita ang lalaki. Paos ang boses nito, naninibago siya dahil hindi iyon ang boses na naririning niya kapag nag-uusap sila sa videocall, marahil ay masakit lang ang lalamunan nito dahil sa klima, naninibago.

“Yes, I’m Kristel,” nakangiti namang baling niya. Hindi siya na-disappoint sa nakita niyang hitsura ng lalaki. Sa katunayan ay natutuwa pa nga siya, sa wakas ay nasilayan na niya ang mukha nito. Alam na niya kung bakit ayaw nitong magpakita kapag nagbi-video call sila at wala itong mga litrato sa peysbuk dahil siguro nahihiya itong ipakita ang hitsura nito sa kaniya. Hindi man ito ang inasahan niyang hitsura ni Gregory ay ayos lang sa kaniya, minahal naman niya ang lalaki dahil sa mabuti nitong kalooban at hindi sa anyo nito. Napakalaki ng naitulong nito sa kanilang magkapatid.

“I’m Greg,” inilahad nito ang mga kamay sa kaniya.

“G-Greg, masaya ako dahil nagkita na rin tayo. Matagal na kitang gustong makilala nang personal. Ngayon ay hindi na lang boses ang naririnig ko sa iyo, kaharap na kita at kitang-kita ko na ang kabuuan mo,” panimula niya. “Nga pala, salamat sa lahat ng nagawa mo sa amin ng kapatid ko ha? Kahit hindi mo pa ako lubos na kilala at nakikita’y hindi ka nagdalawang isip na tulungan kami nung mga panahon na mahirap ang buhay namin,” aniya pa.

Masayahin ang lalaki at kalog, masarap itong kausap kaya walang minuto na nainip siya sa kuwentuhan. Wala nga silang ginawa kundi ang magtawanan pero minsan ay napapaisip siya, mukhang Pinoy na Pinoy ang hitsura ng lalaki at wala siyang nakikita na may halo itong banyaga. Baka naman kasi mas matapang ang dugo ng magulang nitong Pinoy kaysa sa magulang na Amerikano? Matatas din ito sa pagsasalita ng Tagalog at hindi masyadong gumagamit ng wikang Ingles. Maya maya ay dumating na ang order nila pero bago sila kumain ay may gusto pang sabihin sa kaniya ang lalaki.

“O, bakit? May problema ba?” tanong ni Kristel.

“May kasama pa kasi ako, eh. Gusto ka rin niyang makilala, Kristel,” nakangiting sabi ng lalaki.

“Ha? S-sino naman?” balik niyang tanong. Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil biglang sumulpot sa harap nila ang isa pang lalaki. Matangkad ito, maganda ang hubog ng katawan, medyo mahaba ang buhok nito, may kaunting bigote at balbas din at may kulay blue na mga mga mata. Halatang may lahi ang guwapong lalaki na titig na titig at nakangiti sa kaniya.

Napanganga si Kristel sa magandang lalaki na kaharap niya.

“Uy, natulala ka na riyan,” natatawang biro ni Greg.

“S-sino siya? Kapatid mo?” tanong niya.

“Ipinakikilala ko siya sa iyo. Siya si Gregory,” wika ng lalaki.

“A-ano? Magkapangalan kayo? Teka, ano ba ito? Sino ba talaga siya?” naguguluhan niyang tanong.

“Siya talaga si Gregory, ang boyfriend mo. Ako si Greg, ang pinsan niya. Magkahawig ang pangalan namin, ang buo niyang pangalan ay Gregory Philip at ang pangalan ko ay Greg lang talaga. Nainggit kasi ang nanay ko na kapatid ng nanay niya sa ibinigay na pangalan sa kaniya kaya iyon din ang ipinangalan sa akin, ‘yung nga lang short cut ng Gregory. Nakakatawa, ‘di ba?” paliwanag ni Greg.

Halos malaglag ang panga ni Kristel, gusto niyang himat*yn sa mga oras na iyon.

“Ano nagulat ka, ano? Akala mo ako ang kachat mo, ano? Siya talaga ang kachat at ang boyfriend mo, ang pinsan kong Fil-Am na si Gregory. Ang guwapo, ‘di ba? Kano kasi ang tatay niyan kaya hindi kami magkamukha. Purong Pinoy ang mga magulang ko, siya, nanay lang niya ang Pinoy,” paliwanag ng lalaki.

“Hi, nice to finally meet you,” wika ni Gregory saka inilahad nito ang mga kamay.

“Diyos kong mahabagin!” sambit ni Kristel na medyo napalakas pa ang boses niya.

Natawa naman ang lalaki.

“It’s alright, huwag kang kabahan,” anito.

“Nagtatagalog ka?” tanong pa niya.

“Oo naman. Pinay ang nanay ko, eh. Mas gusto ko ngang magsalita ng Tagalog kaysa Ingles,” sagot ng lalaki.

“Pasensya ka na ha, Kristel, kung hindi namin agad sinabi sa iyo ang totoo. Sorry kung hindi siya nagpapakita sa iyo kapag magkausap kayo sa videocall o nagpapakita ng mga litrato, iyon ay dahil gusto niyang matiyak kung ikaw nga ang tamang babae para sa kaniya. Noong una ka niyang nakilala sa chat at ipinadala mo ang litrato mo’y nagustuhan ka na niya agad. Pat*y na pat*y sa iyo ang pinsang kong iyan. Hindi muna niya ipinakita sa iyo ang totoo niyang hitsura dahil gusto ka niyang subukan kung hindi magbabago ang ugali mo kapag ako ang ipinakilala niya sa iyo. Gusto niyang malaman kung ganyan ka pa rin kabait kahit ganito pa ang hitsura niya na katulad sa akin. Napatunayan namin na karapat-dapat ka nga para kay pinsan, dahil sa maayos mong pagtanggap sa akin kanina. Napakasarap mo ring kasama at kausap. Hindi mo ba napapansin na kanina pa ako may katext? Siya iyon, sinasabi ko sa kaniya ang tungkol sa iyo at ako rin ang nagpapunta sa kaniya rito para magkita at magkakilala na kayong dalawa. At ikaw naman pinsan, napakasuwerte mo kay Kristel, mabait siyang babae, bagay na bagay kayo sa isa’t isa,” wika ni Greg.

Hindi pa rin makapaniwala si Kristel sa mga natuklasan niya ngunit saglit lang iyon, unti-unti ring natanggap ng isip niya na totoo at hindi panaginip ang lahat.

Masaya silang nakuwnetuhang tatlo sa restawran. Mas nakilala pa niya nang lubos ang boyfriend niyang si Gregory at ang pinsan nito. Makalipas ang ilang buwan ay nagpasiya na silang magpakasal at ang kinuha nilang best man ay si Greg at ang maid of honor naman ay si Jennifer.

Masuwerte si Kristel sa asawang si Gregory dahil bukod sa pagiging mabait at simpleng tao ng kaniyang mister ay mayaman pala ito na magbibigay sa kaniya ng mas magandang buhay, pero ang mas musuwerte ay si Gregory dahil sa pagkakaroon niya ng asawang may busilak na puso.

Advertisement