Ibinigay sa Bagong Asawa ang Lahat ng Yaman ng Yumaong Lalaki at Walang Nakuha ang Nag-Iisa Nitong Anak; Planado Pala ang Lahat
“Sweetheart, mag-iisang taon na ang relasyon natin. Hindi mo pa ba ako yayayain na magpakasal? Mahal mo ako at mahal din kita kaya ano pang hinihintay natin?” malambing na tanong ni Carmen sa nobyong si Nicandro.
Matagal na rin naman na magkasintahan sina Carmen at ang biyudong si Nicandro na isang negosyante. Nagkakilala ang dalawa sa mall kung saan nagtatrabaho ang babae bilang sales lady sa bilihan ng sapatos at ang lalaki naman ay suking kustomer doon. Nahulog ang loob ng dalawa sa isa’t isa at ngayon nga ay nagpupumilit na si Carmen na magpakasal na sila. Pumanaw ang asawa ni Nicandro limang taon na ang nakakalipas at naiwan sa kaniya ang nag-iisang anak na si Olivia.
“Hayaan mo at kakausapin ko muna si Olivia. Mahalaga para sa akin ang kaniyang opinyon at desisyon sa bagay na iyan, sweetheart,” sagot ng lalaki.
“Okey, pero tiyakin mong papayag siya ha? Naging mabait naman ako sa anak mo, eh. Sana’y suportahan niya ang pag-iibigan natin,” wika ni Carmen.
Pag-uwi sa bahay ay agad na kinausap ni Nicandro ang kaniyang unica hija.
“A-anak, puwede ba tayong mag-usap?” tanong niya.
“Ano po iyon, dad?” tugon ng dalaga habang umiinom ng gatas.
“N-nagyayaya na kasing magpakasal ang Tita Carmen mo. Ayos lang ba sa iyo ‘yun, anak? Tutal pangalawang ina na naman ang turing mo sa kaniya, ‘di ba?” tanong ni Nicandro.
“Ganoon po ba, dad? Matagal na namang wala si mommy at saka mabait po si Tita Carmen, nakikita ko naman na mahal na mahal ka niya. Kung saan ka masaya ay susuportahan kita, dad,” sagot ni Olivia.
Niyakap ni NIcandro ang anak dahil palagi itong naging mabuting anak sa kaniya, ni minsan ay hindi siya nito binigyan ng sakit ng ulo at sama ng loob. Palagi rin itong nakasuporta sa lahat ng ginagawa niya.
Dahil nakuha na ang basbas mula sa anak ay agad niyang ibinalita kay Carmen ang pagpayag nito.
“Ayos na, sweetheart. Pumayag na si Olivia sa pagpapakasal natin. Hayaan mo at aasikasuhin ko na ang lahat,” aniya.
“Talaga, sweetheart? Mabuti naman at maikakasal na tayo. Excited na akong tumira sa inyo kasama ka at si Olivia,” tuwang-tuwang sabi ng nobya.
At sumapit na nga ang kasal ng dalawa. Isa iyong engrandeng kasal na ginanap sa pinakamalaking simbahan sa Pilipinas. Dinaluhan din iyon ng kanilang malalapit na kamag-anak at mga kaibigan. Wala namang pagsidlan ang kaligayahan ni Olivia para sa amang si Nicandro.
“Congratulations, daddy, Tita Carmen, masaya po ako para sa inyo,” sabi ng dalaga.
“Thank you, hija. Simula ngayon, mommy na ang itawag mo sa akin ha?” sagot ni Carmen.
Nang ikasal ang babae sa ama ni Olivia ay nagbuhay reyna na ito sa malaki nilang mansyon. Utos dito, utos doon sa mga katulong.
“Hoy, bilis bilisan mo nga ang paglilinis mo at marami ka pang gagawin. Ayoko nang tatamad tamad sa pamamahay ko!” sigaw niya sa isang katulong habang siya ay prenteng nakaupo sa sofa at nanonood lang ng TV.
Narinig iyon ni Olivia at palihim na tinawag ang katulong.
“Pagpasensiyahan mo na siya, ate ha? Baka mainit lang ang ulo o masama ang pakiramdam,” bulong niya.
“Walang anuman po senyorita, pero ang ibang iba talaga ang ugali niya kaysa sa iyong yumaong ina,” wika ng katulong.
Isang araw, isang nakakagulantang na balita ang sumalubong kina Olivia at Carmen. Naaksidente ang sinasakyang kotse ni Nicandro habang pauwi ito sa bahay nila. Nawalan daw ng preno ang kotse at bumangga sa kasalubong na truck. Agaw buhay na isinugod sa ospital ang lalaki, malala ang lagay nito ngunit bago tuluyang malagutan ng hininga ay may sinabi ito sa asawang si Carmen.
“Sweetheart, huwag mong pababayaan ang anak kong si Olivia, ipangako mo,” bilin ng lalaki.
“Huwag kang magsalita ng ganyan, sweetheart,” wika ni Carmen na umiiyak na.
“Lumaban ka, daddy, huwag mo kaming iwan ni Mommy Carmen,” hagulgol naman ni Olivia.
Ngunit hindi na kinaya ni Nicandro at bumigay na ito. Pumanaw ang lalaki at naiwang luhaan sina Carmen at Olivia.
Isang linggo nang mailibing si Nicandro ay kinausap ni Carmen ang abogado ng kaniyang nasirang mister at nalaman niya ang tungkol sa iniwan nitong huling habilin. Ikinagulat niya na ang malaking bahagi ng mana ay iniwan ni Nicandro sa nag-iisa nitong anak na si Olivia. Ang mansyon, ang kumpanya, ang mga pera sa bangko, at ang malawak na lupain sa probinsya. Ang napunta lamang sa kaniya ay ang maliit na negosyong pagawaan ng laruan ng asawa. Ikinagalit iyon ni Carmen at lumabas ang kaniyang pagiging ganid sa kayamanan. Hindi siya papayag na mapunta ang malaking porsyento ng ari-arian ni Nicandro sa anak nito.
“Hindi ko hahayaan na si Olivia ang makinabang sa iba pang naiwan ni Nicandro. Akin dapat iyon, akin!” aniya sa isip.
Umupa siya ng bayarang tao para k*tlin ang buhay ng abogado ng kaniyang asawa at nagtagumpay nga siya. Nang mawala na sa landas niya ang abogado’y humanap naman siya ng bayarang abogado upang mapeke ang mga dokumentong iniwan ni Nicandro. Ipinatanggal niya ang pangalan ni Olivia at inilipat sa kanyang pangalan ang lahat ng yaman at ari-arian ng yumaong mister.
Laking gulat ni Olivia nang malamang walang iniwan ni isang kusing ang ama para sa kaniya.
“Imposible! Hindi maaaring walang iniwan sa akin si daddy,” naguguluhang tanong ng dalaga.
“Malinaw na nakasaad sa testamento ng daddy mo na wala talagang iniwan sa iyo, Olivia. Hindi ko rin alam kung bakit iyan ang naging desisyon niya. Pero dahil iyan ang nakasulat sa huling habilin ng daddy mo, ay akin na ang mansyong ito at ang lahat ng ari-arian niya. Wala ka nang karapatan dito kaya maaari ka nang lumayas!” matapang na sabi ni Carmen.
“Hindi ko alam kung anong nangyari… kung bakit nagkaganyan ang testamento ni daddy. Pero isa lang ang napatunayan ko, na isa kang gahaman, mom…Tita Carmen…ngayon mo pinatunayan sa akin ang totoo mong kulay,” sagot ni Olivia bago umalis sa mansyon.
Labis ang paghihinagpis ng dalaga nang paalisin siya ng madrasta sa bahay na siya dapat ang nagmamay-ari. Nagtataka pa rin siya kung bakit walang iniwan ni singkong duling ang ama niya gayong wala naman silang naging tampuhan o alitan nito.
Dahil sa nangyari ay hindi siya nawalan ng lakas ng loob, nagsumikap siyang buhayin ang sarili at tapusin ang pag-aaral sa kolehiyo. Nang makagradweyt ay nagtrabaho siya sa isang kilalang kumpanya bilang Certified Public Accountant. ‘Di niya inasahan na doon niya makikita ng taong hindi niya inasahan na makakadaupang palad niya.
“Olivia Mendez? Ikaw si Olivia Mendez, ‘di ba? ‘Yung anak ng yumaong si Mr. Nicandro Mendez? wika ng isang lalaki na ngayon lang niya nakita.
“Yes, ako nga si Olivia Mendez na anak ni Nicandro Mendez. Bakit mo ako kilala at ang daddy ko?” tanong ng dalaga.
“Ako si Atty. Rupert Avila, anak ni Atty. Carlito Avila, yung abogado ng daddy mo. Dito rin ako nagtatrabaho, sa legal department ako. Nakilala kita kasi nakita na kita sa litrato, kasama mo si papa at daddy mo. Isang taon na ring pumanaw si papa dahil pin*slang siya ng kung sinong walang puso. Hanggang ngayon ay wala pa ring lead kung sino ang salarin,” sabi ng abogado.
“Ikinalulungkot ko ang nangyari sa papa mo. Ako rin, hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin sa pagkawala ni daddy pero eto ako, kinakaya pa rin ang hamon ng buhay,” tugon ni Olivia.
“Ikinalulungkot ko rin ang nangyari sa daddy mo. By the way, bakit ka dito nagtatrabaho? ‘Di ba may sarili kang kumpanya na dapat ay ikaw ang namamahala ngayon,” sabi ng abogado.
“Anong ibig mong sabihin? Ang pagkakaalam ko ay walang iniwan na kahit ano si daddy sa akin kaya eto, dito ako nagtatrabaho ngayon,” aniya.
Laking gulat ni Rupert nang marinig ang kaniyang sinabi.
“Imposibleng mangyari iyon dahil ang sabi ni papa ay malaking parte ng ari-arian ng daddy mo ay ipinamana sa iyo kasama na roon ang kumpanya niya. Bago namat*y si papa ay ibinigay niya sa akin ang orihinal na kopya ng testamento ng daddy mo. Nagpagawa si papa ng isa pang kopya kung sakali raw na may aberyang mangyari ay hindi ka madedehado.
Ipinakita ng abogado kay Olivia ang orihinal na kopya ng testamento na ipinatago ng ama nito. Kitang-kita niya ang totoong nilalaman niyon: ang mansyon, kumpanya, mga pera sa bangko at malaking lupain sa probinsya – sa kaniya. Samantalang isang maliit na negosyo naman ang iniwan nito para sa madrastang si Carmen. Napagtanto ni Olivia na niloko siya nito at pineke ang testamento ng daddy niya.
Sa tulong ni Rupert ay nagsampa si Olivia ng reklamo laban kay Carmen. Nagulat naman ang babae nang matanggap nito ang court order.
At sa paghaharap nila sa korte…
“Narito ang patunay na dinaya ng aking madrasta ang testamento ng aking ama. Hawak ni Atty. Rupert Avila, anak ng yumaong abogado ni daddy na si Atty. Carlito Avila, ang orihinal na kopya ng testamento. Ang ipinakitang dokumento ng aking madrasta ay PEKE!” hayag ni Olivia.
Ilang buwan silang nagharap at nagpalitan ng maiinit na salita sa loob ng korte. At dahil matibay ang ebidensiya ni Olivia at napatunayang peke lang ang hawak na dokumento ni Carmen ay nanalo sila sa kaso. Hindi matanggap ni Carmen ang pagkatalo at sa sobrang galit ay nawala na yata sa katinuan at may ibinunyag pa sa korte. Laking gulat ni Olivia nang marinig ang pinakatatagong lihim ng madrasta.
“Hindi ako papayag na mapunta sa iyo ang lahat ng kayamanan ni Nicandro! Kung nagawa kong tapusin ang buhay niya noon at ng buwisit niyang abogado ay magagawa ko rin iyon sa iyo ngayon, bruha ka!” sigaw ng babae na nagwawala na sa loob ng korte.
At nabunyag ang katotohanan na pinasl*ng ni Carmen ang ama niya. Nalaman nila na ito pala ang dahilan kung bakit naaksidente ang daddy niya. Sinira nito ang preno ng sasakyan ni Nicandro kaya bumangga ito sa truck. Plinano talaga iyon ng babae para madali nitong makamkam ang yaman na para kay Olivia. Hindi naman talaga minahal ni Carmen si Nicandro, nagpakasal lang ito sa lalaki dahil sa pera nito. Nabunyag din na ang babae rin ang nag-utos na ipapat*y ang ama ni Rupert upang maisagawa ang planong pagpepeke ng mga dokumento.
Dahil lumabas na ang totoo ay nabawi ni Olivia ang mana na para sa kaniya. Lahat na ng yaman at ari-arian ay naisalin na sa pangalan niya dahil siya ang may karapatan sa lahat ng iyon bilang nag-iisang anak.
Pinagbayaran naman ni Carmen sa kulungan ang mga kasalanang nagawa. Bukod sa kaniya ay nadakip at nakakulong na rin ang mga taong binayaran niya para isagawa ang kaniyang krim*n.
“Dapat lang sa iyo ‘yan, Carmen. Pagdusahan mo ang ang resulta ng iyong pagiging ganid. Minahal ka ni daddy, pero sinuklian mo ng kawalanghiyaan at nandamay ka pa ng inosente ring tao kaya mabulok ka riyan sa piitan!” aniya.
“Maawa ka, Olivia. Ayokong makulong, pakiusap!” pagsusumamo ng madrasta.
Ngunit hindi niya iyon pinakinggan at sa halip ay umalis na sa lugar na iyon at bumalik na sa mansyon na pagmamay-ari niya.
Lubos ang pasasalamat ni Olivia dahil nabawi niya ang lahat ng nararapat sa kaniya. Pinasalamatan niya rin si Rupert na malaki ang naitulong sa kaniya para makamit ang hustisya. Masaya rin ang mabait na abogado dahil sa pagkalutas ng kaso ng ama ni Olivia ay natuldukan na rin ang kaso ng ama nito at nakamit din ang katarungan.
‘Di nagtagal ay naging mas malalim pa ang kanilang samahan ng lalaki at nauwi sa pag-iibigan. Ilang buwan lang ay naging opisyal na silang magkasintahan at kasalukuyang masaya ang kanilang relasyon. Nagpla-plano na rin sila ng kanilang kasal at pagbuo ng sariling pamilya.