Tinulungan ng Misteryosong Lalaki ang Ama ng Bata; ‘Di Sila Makapaniwala Nang Malaman Kung Sino Ito
Masayang namumuhay sa probinsya ang mag-anak na Santos. Ang haligi ng tahanan na si Homer ay isang magsasaka, ang kaniyang asawang si Lucia ay tindera ng isda at gulay sa palengke. Mayroon silang nag-iisang anak na pitong taong gulang na lalaki, si Paulo.
Masipag ang mag-asawa lalo na si Homer na ginagawa ang lahat para sa kaniyang pamilya. Bukod sa pagtatrabaho sa bukid ay umeekstra pa siya sa bayan bilang karpintero, tubero at kantero. Todo ang pagbabanat niya ng buto para sa kinabukasan ng anak nila ni Lucia. Nag-aaral na sa elementarya si Paulo at matalinong bata kaya igagapang nila ng kaniyang misis ang pag-aaral nito hanggang sa mapagtapos nila ito sa kolehiyo.
Isang araw, biglang sinumpong si Homer ng matinding sakit ng ulo at pagkahilo. Marahil ay sa labis na pagod sa sobrang pagtatrabaho kaya umatake ang sakit na iyon.
“Aaahhh! Ang sakit ng ulo ko! Napakasakit!” sigaw ng lalaki.
Labis naman ang pag-aalala ni Lucia sa nangyayari sa asawa, kaya nagdesisiyon itong huwag munang magtinda sa palengke at pumunta sa manggagamot sa kanilang lugar para humingi ng tulong.
“Kaunting tiis lang, mahal, at pupuntahan ko lang si Dr. Cruz sa kabilang barrio,” wika ni Lucia.
“Inay, sasama ako!” sambit naman ng anak nilang si Paulo na pasunod na sana sa ina ngunit…
“Huwag na, anak. Sandali lang ako. Samahan mo na lang ang tatay mo,” tugon ni Lucia.
Nang makaalis ang babae ay naiwan sa bahay ang mag-ama. Ilang minuto na ang lumipas pero hindi pa rin nawawala ang sakit ng ulo ni Homer.
“Aaahhh! Ang sakit-sakit!” sigaw ng lalaki.
Sa sobrang sakit na nararamdaman ay halos iumpog na nito ang ulo sa dingding.
“Itay, tama na po iyan. Malapit na pong dumating si nanay kasama po ‘yung doktor na tinawag niya,” nag-aalalang sabi ni Paulo sa ama.
“Pero ‘di ko na matiis ito, anak. Napakasakit talaga ng ulo ko. Parang sasabog,” sagot ni Homer na mangiyak-ngiyak na.
Maya maya ay may narinig na kaluskos si Paulo sa labas ng bahay nila.
“Nariyan na yata sina nanay,” bulong ng bata sa isip.
Dali-dali itong lumabas ng bahay at tiningnan kung dumating na ang nanay niya pero laking gulat ng bata nang ibang tao ang naabutan niya roon.
“S-sino po kayo?” tanong niya.
“Isa akong kaibigan. Nais kong tumulong, ano ba ang maipaglilingkod ko?” tugon ng lalaking ngayon lang nakita ni Paulo.
Sa una ay hindi alam ng bata ang isasagot. Hindi niya kilala ang lalaki pero parang namumukhaan niya ito, hindi lang niya maalala kung saan niya nakita. Mukhang mabait naman ito kaya hindi nagdalawang isip si Paulo na sabihin ang problema.
“A, eh sumasakit po kasi ang ulo ng itay ko. Hindi na raw po niya kaya ang matinding sakit. Humingi na po ng tulong ang nanay ko at tumawag na po ng doktor pero hanggang ngayon ay hindi pa po sila dumarating,” sagot niya.
“Ganoon ba, hijo? Hayaan mong tulungan ko ang tatay mo. Kaya ko siyang pagalingin,” wika ng lalaki.
“Talaga po? Sige po, tulungan niyo po ang itay ko. T-teka, doktor po ba kayo?” sabi ng bata.
Ngumiti lang ang lalaki.
Samantala, sa loob ng bahay ay hirap na hirap na si Homer…
“Ahhh! Ang sakit! Hindi ko na kayang tiisin!” sigaw niya hanggang bigla na lamang siyang mawalan ng malay.
Pagpasok nina Paulo at ng misteryosong lalaki ay nakita nilang nakabugta na sa sahig ang ama.
“Itay!”
Dali-daling itinayo ng lalaki ang tatay niya at inihiga sa papag. Idinampi nito ang mga palad sa noo ni Homer habang nakapikit ang mga mata. Ilang minuto lang ay inialis na nito ang mga kamay sa ulo ni Homer at nagsabing magpapaalam na.
“Huwag ka nang mag-alala at magiging maayos na ang lagay ng tatay mo,” wika ng lalaki at hinaplos pa nito ang pisngi niya bago tuluyang umalis.
Maya maya ay nagising na si Homer.
“N-nawala ang sakit! K-kanina, naalala kong napakasakit ng ulo ko pero ngayon ay bigla na lamang nawala,” nagtataka niyang sabi.
Saktong dating din ng asawang si Lucia kasama nito ang doktor na tinawag pa sa kabilang barrio.
“O, saan ka ba galing?” tanong ni Homer.
“Tinawag ko itong si Dr. Cruz para tingnan ka. Ano, masakit pa ba ang ulo mo?” tanong ng misis.
“Magaling na ako, mahal. Paggising ko’y wala na ang sakit ng ulo ko. Ang natatandaan ko, nawalan ako ng malay dahil sa matinding sakit,” aniya.
“Ano? Eh, paanong nawala ang sakit ng ulo mo?” nagtatakang tanong ni Lucia.
“Inay, pinagaling po si itay nung lalaking pumunta rito. Sabi niya, kaya raw po niyang pagalingin si itay, eh. Hinaplos niya po yung noo ni itay tapos po umalis na siya agad,” sabad ni Paulo.
“Ano? Nagpapasok ka rito ng ibang tao, anak? Paano kung masamang tao iyon at may ginawang kung ano sa inyo ng tatay mo?” wika ng ina.
“Pero wala naman po siyang ginawa sa amin, inay. Ang bait nga po niya, eh. Pinagaling niya po si itay,” giit ng bata.
“Eh, si-sino ang lalaking iyon, anak? Sino siya na nagpagaling sa akin at paano niya iyon nagawa na biglang nawala ang sakit ng ulo ko?” nagtatakang tanong ni Homer sa anak.
Hindi alam ni Paulo ang isasagot nang mabaling ang tingin niya sa larawang nakasabit sa dingding.
“Siya po itay! Kamukhang-kamukha niya ‘yung lalaking pumunta rito at nagpagaling sa iyo,” wika ng bata sabay turo sa litrato.
“A-ano?! Diyos ko, anong kababalaghan ito?!” sambit ni Homer na ‘di makapaniwala sa sinabi ng anak. Pati si Lucia at ang doktor na kasama ay napatulala.
Ang itinurong litrato ni Paulo na kamukhang-kamukha ng lalaking tumulong sa amang si Homer ay ang litrato ng Panginoong Hesus.
Sa milagrong nangyari ay laking pasasalamat ni Homer at ng kaniyang pamilya. Sabay-sabay silang mag-anak na nanalangin nang taimtim.
Ipinakita sa kuwento na sa kabila ng ating mga pinagdadaanan ay mayroon pa ring tutulong sa atin. Huwag lang tayong mawawalan ng pag-asa.