Wala Siya sa Tamang Pag-iisip sa Tuwing Nalalasing; Hindi Niya Akalaing May Maganda Pala Itong Maidudulot sa Kaniya
Iba ang epekto ng alak sa dalagang si Jasmine. Tila ba siya ay nawawala sa kaniyang sariling pag-iisip kapag nakakonsumo siya nito at nalasing.
Sa katunayan, hindi na niya mabilang ang pagkakataon na siya’y nakasakit ng isa sa kaniyang mga kainunam. Kung hindi siya nakakapagsabi ng masasakit na salita o nakapagsusuplong matinding sikretong pinagkatiwala sa kaniya, makakasakit naman siya nang pisikal lalo na kapag siya’y inaawat nang uminom ng mga ito.
Gustuhin man niya sanang tigilan na ang pag-inom ng alak ay hindi niya magawa dahil hanggang ngayon, hindi niya makalimutan ang binatang nagbigay ng kulay sa magulo niyang mundo noon.
“Ito na nga lang ang tangi kong paraan para makalimot, aawatin niyo pa ako? Anong klaseng mga kaibigan kayo, ha?” sigaw niya sa mga kaibigan.
“Jasmine, tatlong taon na ang nakararaan! Kailangan mo nang umusad sa buhay at maghanap ng ibang mamahalin!” awat ng matalik niyang kaibigang si Rose.
“Paano kung siya lang talaga ang gusto kong makasama habang buhay?” tanong niya rito.
“Bakit mo siya hiniwalayan kung gusto mo siya makasama habang buhay?” tanong din nito na nagpaiyak na sa kaniya.
“Lasing kasi ako no’n, eh, tapos kung anu-ano nang nasabi ko sa kaniya kaya ayon, pumayag na rin siyang maghiwalay kami! Huwag na raw akong magpapakita sa kaniya habang buhay!” hagulgol niya dahilan para yakapin siya nito.
“Edi dapat talagang tigilan mo na ang pag-iinom!” pangaral nito na ikinagalit niya.
“Hindi! Walang titigil sa pag-iinom! Bumili pa kayo ng alak kung ayaw niyong masaktan!” sigaw niya habang gegewang-gewang na.
Halos araw-araw ganoon ang eksena sa buhay niya. Gigising siyang masakit ang ulo, papasok ng trabaho, at makikipag-inuman kung kani-kanino. Marami mang nagsasabi sa kaniyang magbago na siya dahil sinasayang niya lang ang buhay niya dahil sa alak, lalo lang niya itong ginagawa.
Isang gabi, pagkatapos ng kaniyang trabaho, wala ni isa sa kaniyang mga kaibigan ang tumugon sa imbitasyon niyang mag-inom. Kahit mga katrabaho niya ay ayaw siyang samahan dahil lamog na raw ang kanilang atay dahil sa kaniya.
Ngunit kahit wala siyang mayayang makasama, gustong-gusto niya pa ring mag-inom upang mawala muli sa isip niya ang dating kasintahan. Mag-isa siyang nagtungo sa pinakamalapit na bar sa pinagtatrababuhan niyang kumpanya at doon uminom nang uminom hanggang siya’y malasing.
Nang matantiya niyang doble na ang paningin niya at anumang oras ay babagsak na siya, naisipan niyang i-text ang matalik niyang kaibigan upang siya’y sunduin.
Wala pang ilang minuto, naramdaman niyang inalalayan na siya nito palabas saka isinakay sa taxi. Iyon na ang huling pangyayaring natatandaan niya dahil mahimbing na siyang nakatulog pagkatapos noon.
Ngunit pagkagising niya nang umaga, imbes na matalik niyang kaibigan ang bumungad sa kaniya, ang binatang dati niyang kasintahan ang una niyang nakita. Nagluluto ito sa kaniyang kusina habang kumanta-kanta pa!
“Hoy! Anong ginagawa mo rito sa pamamahay ko, ha?” sigaw niya rito.
“Matagal ko nang hinihintay na magmensahe ka sa akin dahil mahal pa rin kita hanggang ngayon kaya ayon, nang makatanggap ako ng mensahe mula sa’yo kagabi, agad-agad kitang pinuntahan sa bar. Ikaw pa nga nagsabi sa akin kagabi na magbalikan na tayo kaya dito na rin ako natulog,” kwento nito na labis niyang ikinagulat.
“To-totoo ba ‘yang sinasabi mo? Si Rose ang pinadalhan ko ng mensahe, hindi ikaw!” bulyaw niya pa rito saka agad na tiningnan ang kaniyang selpon at nang makita niyang totoo nga ang sinasabi nito, napaupo na lang siya sa kaniyang kama.
“Ano, naniniwala ka na? O gusto mong umalis na lang ako ulit at huwag nang magparamdam sa’yo?” nguso nito.
“Huwag! Dito ka na lang ulit!” agad niyang tugon habang iniiwas ang tingin sa binata, “May mabuti rin palang madudulot ang pag-inom ko!” sa isip-isip niya habang pinipigilan ang kilig na nararamdaman.
Iyon na ang naging simula ng muli nilang pagmamahalan. Naging maingat na siya ngayon sa mga salitang binabato sa kasintahan at agad nang pinigilan ang sarili niyang magpakalasing sa alak.
“Matagal kong hinintay na makasama ka ulit, hinding-hindi ko na sasayangin ang pagkakataong ito, mahal,” sabi niya sa kasintahan na agad namang ngumiti at yumakap nang mahigpit sa kaniya.
“Pangakong kahit anong katarantaduhan ang magawa mo tuwing malalasing ka, hinding-hindi na ako magpapaapekto dahil sobrang lungkot ng buhay ko nang mawala ka,” tugon nito na agad niyang ikinakilig.