Inday TrendingInday Trending
Tiwala sa mga Mumurahing Gamot ang Ginang Kahit Walang Reseta Mula sa Doktor; Mas Malaki pala ang Magagastos Niya sa Pagtitiwala Rito

Tiwala sa mga Mumurahing Gamot ang Ginang Kahit Walang Reseta Mula sa Doktor; Mas Malaki pala ang Magagastos Niya sa Pagtitiwala Rito

Sa tuwing nagkakasakit ang ginang na si Hannah, palagi siyang nanghihinayang sa perang magagastos niya sa mga gamot na kailangan niya upang siya’y gumaling.

Kadalasan, sa mga botikang nagtitinda ng mga murang gamot ang kaniyang unang pinupuntahan. Hangga’t siya ay namamahalan sa gamot na bibilhin niya, hindi siya titigil sa kakahanap sa botikang may pinakamurang presyo ng gamot.

Hindi rin siya nagpapatingin sa doktor upang malaman ang tamang gamot na kailangan niyang inumin. Kung hindi siya sariling gagawa ng resetang ipapakita niya sa botika upang bigyan siya ng antibiotic, kung anu-anong gamot ang susubukan niya hanggang sa gumaling ang karamdaman niya.

Ang kaugalian niyang ito ay ginagawa niya rin sa kaniyang mga anak sa tuwing may mga karamdaman. Ni katiting na takot na baka lalong mapasama ang kondisyon ng kaniyang mga anak ay wala siyang nararamdaman na ikinababahala na ng kaniyang asawa lalo pa nang magkaroon ng mataas na lagnat ang bunso niyang anak at mumurahing gamot ang pinapainom niya rito.

“Mahal, mukhang hindi naman epektibo kay bunso ang gamot na binibili mo. Parang lalo pa siyang nagkakasakit dahil d’yan, eh. Ipatingin na kaya natin siya sa doktor at bilhan ng gamot na mataas man ang presyo, maganda naman ang kalidad?” payo ng kaniyang asawa na agad ikinainit ng ulo niya.

“Anong kalokohan ba ‘yang sinasabi mo, ha? Mura o mahal na gamot man, parehas lang nakakalunas ng sakit! Saka, magsasayang ka lang ng pera kung ipapatingin natin si bunso sa doktor! Simpleng lagnat lang ito dahil sa pabago-bagong panahong mayroon tayo!” sigaw niya rito saka sinasalin sa kutsara ang gamot na iinumin ng kanilang anak.

“Pero, mahal…” pag-aalinlangan nitong agad niyang pinutol.

“Tumahik ka na riyan! Kulang na nga ang perang binibigay mo pangkain natin, magsasayang pa tayo ng pera para sa pagpapatingin ni bunso?” sigaw niya rito saka agad na dinuldol sa bibig ng anak ang bagong bili niyang gamot na nasa kutsara na, “Hoy, ikaw, bata ka, huwag ka nang maarte, uminom ka na ng gamot!” sigaw niya sa limang taong gulang niyang anak saka agad na pinainom dito ang gamot.

Kaya lang, paglipas pa lang ng dalawang oras matapos niyang painumin ng gamot ang anak niyang ito, lalong tumaas ang lagnat nito at may lumabas pang dugo sa ilong.

“Ayan na nga bang sinasabi ko, eh! Ilalagay mo pa sa alanganin ang buhay ng bata!” sigaw ng kaniyang asawa nang makita ang dugong agad niyang pinunasan.

“Saan mo siya dadalhin? Wala tayong pera!” bulyaw niya rito nang mapansin niyang nag-eempake ito ng gamit ng anak.

“Sa ospital, malamang! Mas importante ba talaga sa’yong makatipid kaysa malaman ang sakit ng anak mo? Kung malulubog man ako sa utang dahil dito, ayos lang! Kaysa wala nga akong utang, sumakabilang buhay naman ang anak ko!” sigaw nito sa kaniya saka agad na siyang iniwan sa kanilang bahay.

Maya maya, nang tumahimik na ang kanilang bahay, doon na siya nakaramdam nang pangongonsenya kaya siya’y agad na sumunod sa ospital. Doon niya nalamang may dengue pala ang kaniyang anak at na-allergy pa sa gamot na pinainom niya.

“Pasensya na, mahal, pasensya na talaga!” iyak niya nang makitang hawak ng kaniyang asawa ang hospital bill ng kanilang anak.

“Maging aral na sa’yo ito, Hannah. Maaaring tumatalab sa’yo ang mga gamot na binibili mo, pero hindi sa mga anak natin. Hindi ka naman doktor para magmarunong,” pangaral nito na agad niyang pinangakong hindi na muling uulitin.

Noon din ay agad silang humingi ng tulong sa kani-kanilang mga kaanak upang mapagpatuloy ang pagpapagamot ng kanilang anak. Nagkaroon man sila nang malaking utang dahil dito, ngayo’y mas importante na para sa kaniya ang buhay ng anak kaysa sa perang matitipid niya.

Sa kabutihang palad, paglipas ng halos dalawang linggong pamamalagi ng kaniyang anak sa ospital, muli itong lumakas at tuluyan nang gumaling na labis nilang ikinatuwang mag-asawa.

Hindi man doon natapos ang problema nila dahil sa laki ng utang na kailangan nilang bayaran, dobleng pagsisipag ang ginawa nilang mag-asawa upang makabayad sa kanilang mga pinagkakautangan.

Simula noon, hindi na siya muling nagtiwala sa mga mumurahing gamot nang walang pahintulot o rekomendasyon ng mga doktor.

“Ayos nang magkautang kami o magipit, huwag lang mawala ang isa sa miyembro ng aming pamilya,” sabi niya sa sarili nang asawa niya naman ang lagnatin.

Advertisement