Naghiwalay Sila ng Kinakasama dahil Hindi Siya Masarap Magluto; Lingid sa Kaalaman Niya ang Plano ng Diyos sa Kaniya
Walang araw na hindi nakakarinig ang dalagang si Norie ng reklamo mula sa kaniyang kinakasamang binata tungkol sa lasa ng mga niluluto niyang pagkain. Ni minsan, hindi niya narinig na nasarapan ito sa luto niya o kahit nagpasalamat man lang sa pagkaing siya na nga ang gumastos, siya pa ang naghanda.
Sa katunayan, kahit na ginagawa niya naman ang lahat upang sumarap ang mga luto niyang pagkain, panay pa rin ang reklamo nito. Kahit pa alam nitong alas kwatro palang ng madaling araw ay gising na siya para lang mapaghanda ng almusal at babaunin nitong pananghalian sa trabaho, simangot at nandidiring itsura pa rin ang ibinibigay nitong sukli sa kaniya.
“Kailan ka ba matututong magbigay ng pasasalamat sa pagkaing hinanda para sa’yo, ha? Araw-araw na lang gan’yan ang mukha mo tuwing kakainin mo ang pagkaing niluto ko,” inis niyang sabi rito habang pinagmamasdan itong masuka-suka sa pagkaing inihanda niya.
“Diyos ko, nagtatanong ka pa talaga, Norie? Wala ka bang panlasa para hindi mo malamang hindi masarap ang luto mo? Wala ka bang mata para hindi mo malamang hilaw pa ang manok na nasa tinola mo?” sigaw niyo sa kaniya.
“Kahit na! Magbigay ka naman ng kahit kaunting pasasalamat dahil pinagpaguran ‘yan ng babaeng mapapangasawa mo!” mangiyakngiyak niyang sabi rito.
“Kung ikaw lang ang mapapangasawa ko, ayoko na lang mag-asawa! Ano ‘yon, habambuhay akong magtitiis sa luto mo?” tawang-tawa wika nito na tuluyan na niyang ikinaiyak.
“Wala ka naman palang balak na asawahin ako, bakit nandito ka pa sa bahay ko?” tanong niya pa.
“Naaawa kasi ako sa’yo, eh, baka wala nang magkagustong binata sa’yo kapag nalaman nila kung gaano ka kawalang kwentang nobya,” nakangisi nitong sagot na ikinapuno na niya.
“Maghiwalay na tayo!” sigaw niya ngunit imbes na tumutol, agad itong sumang-ayon at nag-empake ng gamit.
“Mabuti pa nga, kaysa araw-araw akong kumakain ng kaning baboy!” sigaw pa nito bago siya tuluyang iniwan sa kaniyang bahay na labis na nagbigay ng malalim na sugat sa kaniyang puso.
Wala siyang ginawa buong maghapon noong araw na iyon kung hindi umiyak, magwala, at kwestiyunin ang kaniyang sarili hanggang sa nakatulog na siya.
Kinaumagahan, maaga siyang nagising dahil nga sanay na ang katawan niya sa maagang pag-aasikaso sa bahay.
Habang naghihiwa siya ng bawang na gagamitin niya sa pagsasangag ng kanin, napag-isip-isip niyang mag-aral ng pagluluto sa kolehiyo at dahil nga may sapat naman siyang pera, oramismo, siya’y naghanap ng unibersidad na pupwede niyang pasukan.
Doon na siya nagsimulang bumangon mula sa pagkakadapa. Sinubsob niya ang sarili sa pag-aaral ng mga estratehiya kung paano sumarap ang kaniyang lutuin, naghanap siya ng mga pampalasang kaniyang magagamit at siya’y labis na nagsaya sa pagluluto hanggang sa tuluyan na siyang makapagtapos ng pag-aaral pagkalipas ng ilang taon.
Ngayong kumpiyansado na siyang masarap na ang lahat ng putaheng kaniyang niluluto na pinapatunayan ng kaniyang mga kaklase, kaanak, at kaibigan, doon na siya nagpasiyang magtayo ng sariling restawran kung saan siya ang reyna ng kusina.
“Ibang klase ka na talaga, Norie! Talagang walang imposible kapag nagsikap, ano? Mantakin mo, ang dalagang minamaliit ng kinakasama niya noon dahil hindi masarap magluto, may sariling restawran na ngayon! Siguradong iiyak ‘yon kapag nalaman niyang…” hindi na natapos ng kaniyang kaibigan na kinuha niyang kahera ang sasabihin dahil biglang pumasok sa restawran ang dati niyang nobyo.
“Naku, sir, baka hindi po kayo masarapan sa pagkain namin dito, roon na lang po kayo kumain sa katapat na fast food restaurant!” sarkastikong bungad ng kaibigan niya.
“Norie, patawarin mo ako. Simula noong nawala ka sa buhay ko, nagkabuhol-buhol na ang landas ko!” pagmamakaawa nito sa kaniya.
“Hindi ako kasing t*nga tulad ng iniisip mo,” sagot niya saka na siya agad na nagpasiyang pumasok sa kusina ngunit siya’y pinigilan nito.
“Hindi naman sa ganoon, Norie, mahal ko. Isipin mo nga, hindi ka gagaling sa pagluluto at magkakaroon ng ganitong negosyo kung hindi kita sinasabihan ng masasakit na salita noon tungkol sa pagluluto mo. Ako ang dahilan ng tagumpay mo, Norie!” sabi nito na ikinailing at tawa niya na lang.
“Aba, salamat, ha? Ang kapal pa rin pala ng mukha mo!” sigaw niya sa mukha nito, “Guard, pakilabas nga itong lalaking ito! Nakakasira ng araw, eh!” utos niya sa guard saka na siya bumalik sa pagluluto.
Inis man sa ugaling muling pinakita ng dating kasintahan, ngayo’y napagtanto niya kung bakit tinanggal ng Maykapal ang lalaking iyon sa buhay niya.
“Hindi ako nararapat na magkaroon ng ganoong klaseng kapareha sa buhay. Isasama niya lang ako sa paglubog niya. Mabuti na lang, nauntog ako sa katotohanan,” nakangisi niyang sabi habang nagluluto ng tinolang patok na patok sa kaniyang restawran.
Patuloy na umingay sa kanilang lugar ang kaniyang restawran hanggang sa makabili na siya ng panibagong bahay at makabawi na sa kaniyang mga magulang.