Inday TrendingInday Trending
Kabilin-bilinan ng Nobya Niya na Hindi Siya Maaaring Mahuli sa Pakikipagkita Nila sa mga Magulang Nito; Paano Kung Magkaroon ng Aberya?

Kabilin-bilinan ng Nobya Niya na Hindi Siya Maaaring Mahuli sa Pakikipagkita Nila sa mga Magulang Nito; Paano Kung Magkaroon ng Aberya?

“Mahal, may mahalaga akong sasabihin sa’yo,” seryosong pahayag ng nobya niya na si Sarah.

“Ano yun, mahal? May problema ba?” tanong ni Anton.

“Mukhang natunugan na nina Mama at Papa ang tungkol sa relasyon natin. Kinausap nila ako at tinanong tungkol sa’yo. Ayaw ko namang magsinungaling kaya inamin ko ang totoo na may nobyo na ako,” anito.

Agad siyang nakaramdam ng matinding kaba sa narinig. Matagal na silang magkarelasyon ng nobya pero ni minsan hindi niya pa nakita ang mga magulang nito. Lihim kasi ang kanilang relasyon lalo na’t istrikto ang pamilyang kinalakihan nito.

“Anong sabi nila?” tanong niya.

“Gusto ka raw nilang makilala kaya luluwas daw sila dito sa Biyernes. Ayos lang ba sa’yo?” balik tanong nito.

Agad naman siyang tumango at sumang-ayon. Matagal niya nang gustong makilala ang pamilya ng babaeng mahal at mukhang mabibigyan na siya ngayon ng pagkakataon.

“Sa tingin mo ba, papasa ako sa kanila?” kinakabahan niyang usisa sa nobya.

“Oo naman. ‘Wag kang mag-alala,” sagot nito nang may ngiti sa labi.

Kahit na sinigurado ni Sarah na magugustuhan siya ng mga magulang nito, hindi pa rin nawala sa isip niya ang pag-aalala. Matagal niyang hinintay ang pagkakataon kaya’t sisiguraduhin niyang magiging maayos ang lahat.

Gusto niyang ipakita sa mga ito na malinis ang intensyon niya sa anak ng mga ito.

Naisipan niya ring bumili ng bagong damit at pares ng sapatos para maging presentable siya sa araw na ‘yun.

Hindi pa siya nakuntento, nakiusap pa siya sa boss niya sa talyer na pahiramin siya ng sasakyan para hindi naman isipin ng mga magulang ng nobya na wala siyang kakayanan sa buhay.

“Mahal, nasan ka na? ‘Wag kang magpapahuli ng dating. Ayaw na ayaw ni Papa na pinaghihintay siya,” paalala nito sa telepono.

“Papunta na ako riyan!” nakangiti niyang sabi sa kasintahan.

Sabik siyang nagmaneho papunta sa lugar kung saan sila magkikita.

Bumagal ang takbo niya nang matanaw ang isang sasakyan na nakahinto sa gilid ng madilim na bahagi ng kalsada. Sa harap noon ay may dalawang matanda na sa tingin niya ay mag-asawa.

Kuryoso siyang huminto sa harap ng mga ito saka sumilip sa bintana.

“May problema po ba? Ano po ang nangyari?” usisa niya.

“Naku, nasiraan kami ng sasakyan. May alam ba kayong malapit na talyer dito?” problemadong tanong ng matandang lalaki.

Napapalatak si Anton. Alam niya na malayo pa rin ang pinakamalapit na talyer.

“Naku, wala po e. Wala pong kahit na anong malapit na establisyemento dito. Hindi rin po ito masyadong dinadaanan ng sasakyan,” paliwanag niya.

“Naku, paano na kaya ito ngayon?” narinig niyang bulalas ng matandang babae.

Mas lalong nalukot ang mukha ng dalawang matanda. Naiintindihan niya naman dahil gumagabi na at mukhang parehong walang alam ang mga ito sa pagkukumpuni ng sasakyan.

Magpapaalam na sana siya lalo na’t naalala niya ang paalala ng nobya na hindi siya pwedeng mahuli sa usapan, ngunit hindi maatim ng konsensya niya na iwan na lang ang dalawa.

Mukha pa namang dayo ang mga ito. Natatakot siyang baka kung ano pa ang mangyari.

Napapikit na lang siya nang mariin saka dahan-dahang bumaba ng sasakyan.

“Ayos lang ho ba kung subukan kong ayusin ang sasakyan niyo? Sa totoo lang ay mekaniko ako,” aniya.

Kita niya ang gulat sa mata ng mga ito.

“Ayos lang ba? Mukhang may mahalaga ka pa namang pupuntahan dahil sa bihis mo. Puting-puti pa naman,” nag-aalalang komento ng matandang babae.

Ngiti lang ang naging sagot niya saka sinimulang inspeksyunin ang makina ng sasakyan.

“Mukhang matatagalan po bago ko ito maayos. Magpahinga po muna kayo diyan,” abiso niya, na agad tinanguan ng mga ito.

“Maraming salamat, hijo. Pasensiya na at mukhang naabala ka pa namin,” paumanhin ng matanda.

“Ayos lang po iyon. Hindi rin naman po yata kakayanin ng konsensya ko na iwan na lang kayo dito, baka kung ano pang mangyari. Sana lang maintindihan nila kapag nahuli ako ng dating,” sagot niya.

Matapos ang isang oras niyang pagbubuntingting, unti-unting bumalik sa ayos ang sasakyan. Kung kanina ay humahalimuyak siya sa pabango, ngayon ay balot na siya ng pawis. Puro grasa na rin ang suot niyang damit.

Higit sa lahat, alam niyang huling-huli na siya sa pupuntahan. Siguradong masama na ang impresyon ng mga magulang ng nobya. Pero wala naman siyang magagawa. Naghihinayang lang siya dahil tila nasayang lahat ang paghahanda niya.

“Maraming sa iyo, hijo. Napakabuti mong tao. Napakaswerte ng mga magulang mo sa’yo,” anang matandang lalaki.

Nanlulumo man binigyan niya ito ng matamis na ngiti saka nagpaalam. Sa loob ng sasakyan, wala siyang nagawa kundi isuot ang isang lumang damit. Inayos niya rin ng bahagya ang sarili bago tumulak papasok sa restaurant.

“Mahal, bakit naman ngayon ka lang? Akala ko hindi ka na darating!” salubong ng nobya niya.

“Pasensya ka na. May nangyari lang kasi na emergency. Nagalit ba ang mga magulang mo dahil hindi ako nakarating? Umalis na ba sila?” nag-aalala niyang tanong.

“Hay naku! Kung tutuusin ang swerte mo. Ang sabi nila may nangyari sa daan kaya ngayon lang din sila nakarating. Hindi pa sila umaalis!” anito, may malaking ngiti sa labi.

Nakahinga siya nang maluwang. Kung ganoon ay hindi pa siya dapat mawalan ng pag-asa.

Magkahawak-kamay nilang pinuntahan ang mga magulang nito. Kabadong-kabado si Anton, takot na baka hindi siya matanggap ng mga magulang ng katipan.

“Pasensya na po at ngayon lang ako nakarating,” bungad niya.

Halos magkasabay na lumingon ang dalawang matanda at sabay-sabay na nanlaki ang mga mata nila nang makilala ang isa’t isa. Ang mga tinulungan niya kanina!

“Ikaw ang nobyo ng anak ko?” bulalas nito.

Nahihiya siyang tumango.

“Opo. Naku! Pasensya na po kayo at nahuli ako,” paumanhin niya.

“Bakit ka naman humihingi ng pasensya? Kami naman ang rason kung bakit ka nahuli. Salamat nga pala sa tulong mo kanina,” ngiti ng tatay ni Sarah.

“Nagkakilala na po kayo, ‘Tay?” usisa nito.

Doon nito ikinuwento kay Sarah ang buong pangyayari.

“Kumusta po? Pasado po sa inyo ni Nanay ang nobyo ko?” pabirong tanong ng kaniyang nobya sa ama nito.

“Pasadong-pasado, anak. Kung alam mo lang kung gaano kami kasaya na malamang napakabuting tao ng nobyo mo. Tiwala akong magiging mabuti siya sa’yo,” anang ama ni Sarah. Halata ang pagkagalak sa nakangiting nitong mukha.

Wala nang mas sasaya kay Anton. Napaka-perpekto ng araw na iyon!

Advertisement