Nabuntis at Tinakbuhan sa Murang Edad ang Dalaga; Magtagumpay Kaya Siya sa Pakikipagsapalaran sa Ibang Bansa?
Lalabas sana si Juliet mula sa kaniyang silid nang marinig niya ang tinig ng kaniyang tiyahin na si Marlyn.
“Sinasabi ko na nga ba’t mabubuntis nang maaga ‘yang anak mo, e. Puro kasi kolorete at kalandian ang inaatupag! Disiotso pa lang pero napakalandi!” inis na bulalas nito.
“Ate, ‘wag mo namang pagsalitaan ng ganyan ang anak ko…” marahang saway rito ng kaniyang ina.
“O, anong plano niya? Magpapakasal ba sila nung nakabuntis sa kaniya? Tandaan mo na walang disgrasyada sa atin! Il*glag niya na lang ‘yan kung hindi papanagutan,” mariing payo ng kaniyang Tita Marlyn.
Matagal na hindi nakasagot ang kaniyang ina. Ngunit ramdam niya sa boses nito ang tinitimping galit.
“Ate, tinakbuhan kasi siya nung nakabuntis. Pero hindi ko ipapahamak ang anak ko, at ang apo ko. Kami ang susuporta kay Juliet…” anang kaniyang ina.
Halos mahimat@y ang kaniyang Tita mula sa konsumisyon.
“Kung sabagay! Kahit naman siguro hindi siya nabuntis, baka wala pa ring narating ang anak mong makati. Hindi rin naman magaling sa eskwelahan ‘yan,” maanghang na pahayag ng kaniyang Tita bago ito nagdadabog na umalis.
May naramdaman siyang pait dahil sa masakit na salita ng kaniyang tiyahin, ngunit pinili niya iyong kimkimin.
Saka lamang siya nakalabas ng silid.
“‘Wag mong intindihin ang Tita mo. Susuportahan ka namin ng Tatay mo. Ang isipin mo lang ay ang baby mo at ang sarili mo,” anang kaniyang ina.
Mukhang alam nito na narinig niya ang ang usapan ng mga ito.
Pinigil niya ang mapaluha. Alam niya kasi na wala mang sinabi ang kaniyang ina ay dismayado ito. Pangarap kasi nito ng makatapos siya sa kolehiyo.
Subalit paano na mangyayari iyon, gayong nabuntis siya bago pa man siya matapos sa huling taon sa hayskul?
Habang nagbubuntis ay nakita niya ang hirap ng kaniyang mga magulang. Nakita niya kung paano kumayod ang mga ito para matustusan ang mga pangangailangan niya.
Hindi nagtagal ay isang malusog na sanggol na babae ang isinilang ni Juliet. Walang tutumbas sa saya na nadama niya nang marinig niya ang unang iyak ng bata na dinala niya sa kaniyang sinapupunan.
Nang makita niya ang inosenteng mukha ng kaniyang anak, na pinangalanan niyang ‘Sofia’ ay isang desisyon ang nabuo sa isip niya—nais niya na bigyan ng magandang buhay ang anak, gayon din ang kaniyang mga magulang na hindi matatawaran ang sakripisyo para sa kaniya.
Nang tuluyan siyang maka-rekober mula sa panganganak ay sinabi niya sa mga magulang ang naging desisyon niya.
“Mangingibang bansa ka, anak? Kaya mo ba doon?” gulantang na bulalas ng kaniyang ama. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.
“Oo naman po, Tatay. ‘Wag po kayong mag-alala sa akin,” nakangiting sagot niya.
“Anak, hindi mo naman kailangan gawin ito. Pwede naman ako na magtrabaho pa para sa atin. Alam ko na hindi mo gustong mawalay sa anak mo,” anang kaniyang ama.
Bahagyang napaluha si Juliet. Kahit kailan talaga ay walang ibang inisip ang kaniyang mga magulang kundi ang kapakanan niya. Mas lalo lamang pinagningas noon ang kagustuhan niya na bumawi sa mga ito.
“Gusto ko na ako naman po ang maging matapang at hindi nakadepende sa inyo. Isa na rin po akong ina, at may anak ako na kailangan kong buhayin…” paliwanag niya sa mga magulang, na tila naunawaan naman ng mga ito.
“Ang gusto ko lang po ay masiguro na maayos si Sofia. Pwede po ba na ipagkatiwala ko muna siya sa inyo?” pakiusap niya.
“Oo naman. Kami na ang bahala sa apo namin, wala kang dapat alalahanin,” anang kaniyang ina na noon ay kalong-kalong ang kaniyang walang malay na anak. Ang kaniya namang ama, bagaman pumayag ay naging emosyonal sa desisyon niya.
Agad siyang nag-asikaso ng kaniyang mga papeles. Makalipas ang isang buwan ay nakalipad na siya papuntang ibang bansa.
Dahil hindi naman nakapag-aral, ang napasukan niyang trabaho sa banyagang lugar ay isang serbidora sa isang malaking restawran. Hindi madali ang trabaho lalo pa’t kailangan ng lakas at liksi, ngunit tiniis ni Juliet ang lahat, may maipadala lang sa Pilipinas.
Sa ilang buwan niyang pamamalagi roon ay unti-unti na ring niyang nararamdaman ang pag-angat ng buhay nila.
Hanggang sa isang araw ay isang pangyayari ang bumago sa buhay niya.
Nagpupunas siya ng mga mesa na kinainan ng mga kustomer nang isang babae ang lumapit sa kaniya.
Isa raw itong talent manager at nakita raw nito ang potensyal niya na maging isang modelo.
Noong una ay hindi siya naniwala, ngunit nang makita niya ang kompanya na pinagtatrabahuhan nito ay doon na siya nakumbinsi na totoo ang inaalok nito.
Dahil likas siyang maganda at pagmomodelo na ang pangarap niya noon pa man ay hindi nahirapan si Juliet na humanap ng iba pang oportunidad.
Bago pa niya mamalayan ay kabi-kabila na ang alok sa kaniya na mag-modelo. Wala siyang pinalampas na pagkakataon.
Dahil sa natamo niyang tagumpay sa pagmomodelo ay umuwi siya ng Pilipinas nang may sapat siyang pera hanggang sa nabubuhay siya, ang kaniyang mga magulang, at maging ang anak niya.
Sa pag-uwi ni Juliet sa Pilipinas ay agad niyang inatupag ang pagpapatayo ng bahay na pangarap niya para sa mga magulang.
Nang mabuo iyon ay ilang kaibigan at kamag-anak ang bumisita, pawang manghang-mangha sa naging kapalaran niya sa ibang bansa. Isa na roon ang kaniyang Tita Marlyn.
“Mabuti na lang at nagtagumpay ka kahit na may anak ka na, hija, lalo pa’t maaga kang nabuntis,” komento nito.
Taas noo siyang sumagot.
“Hindi po ako nagtagumpay KAHIT na may anak na ako. Nagtagumpay ako DAHIL sa anak ko. Hindi niya po sinira ang buhay ko. Siya ang nagbigay sa akin ng pag-asa,” mariin na paliwanag niya sa tiyahin.
Tila napapahiya na tumango ito.
Minasdan ni Juliet ang paligid. Masaya ang kaniyang mga magulang, kasama niya na muli ang kaniyang anak, at nakuha na nila ang pangarap nilang bahay. Wala na siyang ibang mahihiling pa.