Inday TrendingInday Trending
Isa-isang Nagkakandawala ang mga Alahas Niya; Ngunit Bakit Nakikita Niya rin ang mga Iyon Makalipas ang Ilang Araw?

Isa-isang Nagkakandawala ang mga Alahas Niya; Ngunit Bakit Nakikita Niya rin ang mga Iyon Makalipas ang Ilang Araw?

Nagtatakang lumabas si Andrea mula sa kaniyang magarang walk-in closet.

“Mara!” sigaw niya sa bagong kasambahay. Mag-iisang buwan pa lang ito sa bahay nila.

Ilang segundo lang ay sumulpot na ito sa harapan niya.

“Ma’am, bakit po?” takang tanong nito.

“Nawawala ‘yung hikaw kong perlas. Nakita mo ba noong naglinis ka rito kagabi?” tanong niya sa dalaga.

“Hindi po, Ma’am, eh…” simpleng sagot nito.

Napabuntong-hininga na lang si Andrea. May kamahalan pa naman ang bili niya sa hikaw na ‘yun.

“Sige, tulungan mo na lang akong maghanap,” utos niya.

Ngunit halos baliktarin na nila ang master’s bedroom ay hindi nila nahanap ang nawawala.

Hindi na siya nagsalita, ngunit sa isip niya ay hindi maalis ang pagdududa sa babae. Iyon lang kasi ang kauna-unahang beses na may nawala siyang gamit.

Kaya naman habang nakahiga silang mag-asawa sa kama ay hindi niya maiwasan na mag-usisa sa asawa na si Noah.

“Hon, kilala mo ba talaga ‘yang si Mara? Medyo nagdududa kasi ako. Ni minsan hindi naman ako nawalan ng gamit. Pero nung dumating siya, nawalan ako ng hikaw. Siya lang naman ang naglinis dito sa kwarto,” kwento niya sa asawa.

Sumagot ang lalaki, ngunit nanatili ang atensyon nito sa binabasang libro.

“Kilala ko ‘yun, kinakapatid ko ‘yun, hon. ‘Wag na ‘wag mo ‘yan paparinig sa kaniya ha, nakakahiya kay Ninang, best friend ‘yun ni Mama,” paalala nito.

“I’m sure mahahanap mo rin ‘yun,” sabi pa nito.

Hindi na siya sumagot upang mapanatag ang asawa. Alam niya kasi na malaki ang respeto nito sa tinutukoy nitong ninang. Subalit hindi pa rin siya napanatag. Nais niyang manmanan ang kilos ni Mara.

Ngunit siya ang napahiya sa kaniyang sarili nang makalipas ang dalawang araw ay nakita niya ang nawawalang perlas na hikaw sa loob ng kabinet na lalagyan ng kaniyang mga makeup.

“O, ‘di ba? Sabi ko sa’yo, eh. Wala tayong problema riyan kay Mara, mabait ‘yan,” anang kaniyang mister nang ikwento niya ang nangyari.

Tuluyan na ring napanatag ang loob ni Andrea. Marahil ay wala talaga siyang dapat ipag-alala sa bagong kasambahay.

Ngunit makalipas ang isang buwan ay isa na namang mahalagang gamit ang nawala sa kaniya—ang pulseras na bigay pa sa kaniya ng asawa noong ikatlong anibersaryo nila.

Gaya noong unang beses, nangyari ang pagkawala ng gamit niya noong naglinis si Mara sa silid nila.

“Hindi ba parang may kakaiba, hon? Nawawala lang ang gamit ko kapag si Mara ang naglilinis sa kwarto. Kapag si Yaya Dely naman, walang problema…” sumbong niya sa asawa.

Nang lingunin siya ng asawa ay may nakita siyang pagkayamot sa mukha nito.

“Hindi naman nawala ‘yung hikaw mo noong una, hindi ba? Nalimutan mo lang kung saan mo nilagay. Baka naman gaya nung dati, OA ka na naman?” puna nito.

Nagtaka siya sa asta ng asawa. Tila kasi galit ito.

“Bakit ka ba nagagalit? Sinasabi ko lang naman ang obserbasyon ko, nakakapagtaka kasi,” bwelta niya.

“Nakaka-offend ka na kasi. Sa tingin mo ba papayag ako na pumasok dito si Mara kung magnanakaw siya?” angil nito.

Hindi niya maiwasang magtampo sa asawa. Tila kasi mas kinakampihan pa nito ang kaduda-dudang kasambahay.

Tatlong araw niya nang hindi kinakausap ang asawa nang lumapit sa kaniya ang matandang kasambahay na si Dely.

“Ma’am Andrea, ito yata ‘yung hinahanap mong pulseras? Nakita ko sa washing machine, nasama sa mga maruming damit,” anito, bago iniabot sa kaniya ang gintong alahas na ilang araw niya nang hinahanap.

Muli ay napahiya siya. Subalit nahaluan na rin siya ng pagtataka.

“Paano napunta sa labahan, Yaya? Eh sigurado ako na nasa kahon ‘to, kasi hindi ko naman ginamit…” nagtatakang tanong niya sa matanda.

Nanlaki ang mata nito.

“Naku, Ma’am, hindi ba’t ganoong din ang nangyari sa nawawalang hikaw? Hindi ho kaya may multo rito sa bahay?” tila natatakot na wika nito.

Dahil sa sinabi ng matanda ay hindi niya na rin maiwasang mag-isip. May punto naman kasi ito. Baka nga iyon na ang tamang panahon para pabendisyunan nila ang bahay.

“Papabendisyunan mo ang bahay?” gulat na wika ng asawa niya nang sabihin niya rito ang plano.

Bahagya itong natawa, ngunit nagpatianod na rin sa nais niyang mangyari.

“Bukas, sasamahan ako ni Yaya Dely para kausapin si Father,” aniya sa asawa.

Kinabukasan ay iniwan niya ang asawa na nag-aalmusal.

Ilang minuto na siyang nagmamaneho nang mapagtanto niya na naiwan niya ang pitaka niya sa ibabaw ng kama nilang mag-asawa.

Agad siyang nagmaneho pabalik. Nagtaka pa siya nang makitang tila hindi natapos ni Noah ang pagkain nito sa mesa.

Hindi niya rin mahagilap si Mara, gayong bago sila umalis ay nagdidilig pa ito ng halaman.

Gayunpaman, umakyat pa rin siya sa kwarto upang kunin ang naiwang pitaka. Nakaawang ang pinto, at may naririnig siyang nag-uusap sa loob.

Nawindang siya nang mapakinggan ang pag-uusap ng dalawa, na walang iba kundi ang asawa niya at ang kasambahay.

“‘Wag mo nang kunin ang mga alahas ni Andrea, mahal. Ayoko kasi na magduda siya sa’yo. Baka hindi mo alam, nahirapan ako humanap ng kapalit nung hikaw at pulseras…” anang magaling niyang asawa.

“Pero mahal, gusto ko rin ng mga mamahaling gamit at alahas… bakit si Andrea ang binibilhan mo ng mga ganoong bagay, kung ako ang mahal mo?” tanong naman ni Mara.

Natutop ni Andrea ang kaniyang bibig sa labis na pagkabigla. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala ang tunay na kababalaghan sa bahay nila—hindi dahil sa multo, kundi dahil sa kaniyang taksil na asawa at ahas na kasambahay.

Nadurog ang puso niya sa isinagot ng lalaki.

“‘Wag kang mag-alala. Bibilhin ko ang lahat ng gusto mo, mahal… Alahas, damit, pera…”

Namayani ang mga kakatwang tunog. Hindi man nakikita ni Andrea ay alam na alam niya ang ginagawa ng dalawa.

Nang lumabas mula sa silid ang dalawa makalipas ang halos isang oras ay ubos na ang luha niya. Tahimik siyang nakaupo sa sofa, tulala.

“Hon!”

Tila nakakita ng multo si Noah nang maabutan siya sa sala. Nakapulupot pa ang braso nito sa baywang ni Mara. Tila napapasong itinulak nito palayo ang babae.

“Magpapaliwanag ako—”

“Wala kang dapat ipaliwanag. Narinig ko ang lahat,” malamig na pahayag niya.

Sa pag-amin na rin ng dalawa ay nalaman niya na sinadya ni Mara na pumasok sa bilang kasambahay upang makasama nito ang asawa niya, na isang taon na nitong karelasyon.

Walang nagawa ang dalawa nang magsampa siya ng kaso sa korte. Dahil sa ini-record niya ang pag-uusap ng dalawa ay nagkaroon siya ng solidong ebidensya, dahilan upang mapatawan ang dalawa ng isang taon na pagkakakulong.

Hindi man masaya si Andrea sa naging takbo ng relasyon nilang mag-asawa ay naisip niya na mabuti na rin na nalaman niya ang katotohanan at naparusahan ang mga nagkasala. Nawa ay mahanap niya sa puso niya na patawarin ang kataksilan ng mga ito.

Advertisement