Nabulag ang Dalagang Ito nang Dahil sa Stress; Sa Pagdilim ng Kaniyang Paningin, May Pag-asa Ba Siyang “Makikita”?

“Nico? Nico? Nasaan ako, bakit ang dilim?” usal ni Criselda pagdilat ng kaniyang mga mata.

“Criselda? Salamat at gising ka na!” sabi ni Nico sabay hawak sa kamay niya.

“Pakibukas mo nga ang ilaw,” sabi niya sabay kusot sa kaniyang mga mata.

“Anong ibig mong sabihin? Bukas ang mga ilaw, Criselda… hindi mo ba ako nakikita?” nag-aalalang tanong ni Nico. Doon nagsimulang maging histerikal si Criselda. Nag-iiyak ito at nagsisigaw na wala raw itong makita! Pagdating ng doktor at mga nurse ay pinakalma muna ito.

Nang sabihin ng doktor ang resulta ng kaniyang mga tests ay pakiramdam ni Criselda ay may sumabog na bomba sa harap niya. Dahil sa stress daw at pagod ay nagkaroon siya ng pagkabulag.

Huling natatandaan ni Criselda na nag-uusap sila tungkol sa negosyo ng kaibigan si Nico bago siya mahilo at tuluyang mabuwal. Pagkagising niya ay wala na siyang paningin. Dahil daw sa sobrang stress at pagod kaya naapektuhan pati ang ugat sa kaniyang mga mata. Hindi makapaniwala si Criselda na nangyari iyon sa kaniya. Marami pa siyang mga pangarap na gustong gawin, gusto niya pang makita ang tagumpay, ngunit paano mangyayari iyon ngayong bulag na siya?

Sa mga sumunod na araw ay dating palabang dalaga ay nahulog sa malalim na depresyon. Ni ayaw kumain ni Criselda. Sa gabi, imbes na matulog ay nakatulala lang ito at nag-iisip. Tinakwil na nito ang pamilya noon dahil may hindi pagkakaintindihan. Panay utang kasi ang ina at ilang mga kamag-anak kaya nagpasya si Criselda na humiwalay na lang sa mga ito, kung hindi ay hindi rin siya aasenso.

Ngayon tuloy kahit na may sakit siya ay walang bumibisita sa kaniya maliban sa kaibigan si Nico. Ayaw niya rin kasing ipaalam sa kaniyang pamilya ang nangyari. Malamang ay kukutyain at pagtatawanan siya ng mga ito. Kahit pilitin siya ni Nico ay ayaw niya.

Advertisement

“Bakit ba ang kulit mo, Nico?! Sabi nang ayoko eh! Wala na, matagal ko na silang itinakwil. Wala namang may pakialam sa akin, walang taong mahalaga sa buhay ko kung hindi ako. Kaya kaya ko ‘to!” sigaw niya kay Nico. ‘Di niya alam na nasaktan nang labis ang binata sa sinabi niya. Ang totoo kasi ay matagal na siya nitong iniibig. Kaya kahit minsan ay mahirap siyang pakisamahan ay nais pa rin nitong manatili sa kaniyang tabi. Dahil dito, pinili ni Nico na tahimik na alagaan na lang ang babae. Walang naging pag-uusap sa pagitan nila. Buong akala ni Criselda ay iniwan na siya ni Nico at mga nurse na lang ang nag-aalaga sa kaniya.

Si Criselda ay nagtatapang-tapangan ngunit ang totoo ay takot na takot siya. Ayaw niya talaga sa madilim. Si Nico na nga lang ang tanging laging nandyan para sa kaniya ay itinaboy niya pa. Simula dati pa ay ito ang umiintindi ng topak niya. Pati pamilya niya na nag-aruga sa kaniya. Ngayon niya napagtatanto na naging madamot siya sa mga ito. Siguro nga ay kailangang-kailangan lang ng ina at mga kamag-anak ng pera kaya lumalapit sa kaniya. Minasama niya iyon at piniling mas pahalagahan ang kaniyang ambisyon kaysa sa pamilya.

Dahil sa mga reyalisyong ito, isang gabi ay ginawa ni Criselda ang isang bagay na matagal na panahon na niyang ‘di nagagawa. Lumuhod siya at nanalangin. Umaagos ang luha na hininga niya sa Diyos ang lahat ng bigat na dinadala. Alam niyang wala na siyang karapatan dahil matagal na siyang nakalimot Dito, ngunit handa siyang makapagpababa at humingi ng tawad. Ayaw na niyang mag-isa sa dilim. Kahit hindi na bumalik sa kaniya ang paningin niya, kahit ang mga taong mahahalaga na lamang sa kaniya. Kasama ang mapapait na luha, ngayon niya napagtanto na kung kailan pa siya nabulag ay doon niya lang nakita nang malinaw kung ano-anong mga bagay ang tunay na importante.

Habang umiiyak ay naramdaman ni Criselda ang isang mainit na yakap. Nagtaka siya, kukuhanin na ba siya ng Diyos? Ngunit isang pamilyar na tinig ang narinig niya.

“Patawarin mo rin ako… anak.”

Parang isang bata na lalong pumalahaw si Criselda nang marinig ang tinig ng ina. Niyakap niya ang mga braso nito at humingi ng tawad. Hindi niya namalayang ang lahat ng mga dasal niya pala ay naririnig ng mga taong nasa kaniyang kwarto. Iyon ay ang kaniyang pamilya na dinala ni Nico. 

Napuno ng luha at kapatawaran ang buong kwarto. Hindi pinapakawalan ni Criselda ang kamay ng ina at ang kamay ni Nico na hawak niya rin. Tila ba kahit madilim ang kaniyang paningin ay puno ng ligaya at liwanag ang kaniyang puso. Nang mga oras na iyon ay natutunan niyang ang tunay na importante sa buhay ay ang pagmamahal ng mga tao sa paligid. Umusal siya ng tahimik na panalangin sa Diyos upang magpasalamat. Bumalik man o hindi ang kaniyang kakayahang makakita ay sisiguraduhin niyang maipararamdam sa pamilya at kay Nico ang kaniyang lubos na pasasalamat at pagmamahal.