Matagal Nang Comatose ang Anak at Hirap na Hirap na ang Ina; Panahon na Nga Ba Para Sumuko?

Pamilyar na pamilyar na si Teresa sa mga pasilyo ng ospital na iyon. Paanong hindi, halos doon na sila nakatira ng buong pamilya. Kumirot na naman ang dibdib niya nang maalala ang sitwasyon nila. Magtatatlong taon na kasing naka-confine at comatose ang kaniyang panganay na anak si Bryan matapos nitong maaksidente papuntang eskwelahan. Nasa huling taon na ito sa kolehiyo nang mabunggo ang bus na sinasakyan nito. Abala sa pagpapatakbo ng negosyo si Teresa nang mabalitaan iyon. Siya na lang kasi ang nag-aalaga sa mga anak at sumusuporta sa mga ito simula nang yumao ang kaniyang asawa. At halos mawala siya sa katinuan nang makita sa ospital ang naghihingalong katawan ng panganay niya. Idineklara itong comatose. Ngunit kahit sinabi sa kaniya na mababa ang tsansa nitong magising o mabuhay nang maayos kahit na magising ito ay inilaban pa rin niya. Hindi niya kailanman susukuan ang pinakamamahal na anak.

Dahi sa paninindigan niyang ito, unti-unti ring naubos ang kanilang pera. Napilitan siyang ibenta ang kanilang mga ari-arian pambayad sa ospital. Pati mga alahas niya, limas na para sa gamot. Pati negosyo nila ay luging-lugi na rin dahil sa laki ng kaniyang mga utang at ibang bayarin. At ngayon nga’y tuluyan nang naremata ang kanilang bahay. Ang kahuli-huli niyang ari-arian ay wala na rin. 

Pinunasan niya muna ang ilang luhang pumatak sa kaniyang pisngi, itinaas ang nakabagsak na balikat, at nagpaskil ng ngiti sa labi bago pumasok sa silid ni Bryan.

Naabutan niyang natutulog sa tabi ng kuya at nagbabantay ang bunso niyang si Tristan. Nasa isang tabi ang libro nito sa school, malamang ay nakatulog habang nag-aaral. Napangiti naman si Teresa. Nagpapasalamat siya dahil hindi sakit ng ulo ang mga anak niya. Mababait na anak ang mga ito. Si Tristan ay nasa highschool na, at kahit abala sa pag-aaral ay araw-araw pa ring nagbabantay sa kuya nito.

Inilapag niya ang bag ng mga bagong damit sa gilid at sakto namang pumasok ang doktor at kinausap siya.

“Wala pa rin pong pagbabago sa kaniya. Kung magiging tapat po ako ay ang makina na lang talaga ang bumubuhay sa anak ninyo. Pasensiya na po,” sabi ng doktor. Pag-alis nito ay saka impit na napaiyak si Teresa. 

Lingid sa kaalaman niya ay nagising na si Tristan at naririnig ang kaniyang mga hikbi. Naluha na rin siya. Sana ay magising na ang kaniyang kuya. Hirap na hirap na kasi sila ng ina. Hindi niya lang ipinapakita ngunit hirap na rin siya. Halos wala siyang ginawa kung hindi mag-aral dahil kung hindi ay baka mawalan siya ng scholarship. ‘Di siya likas na matalino kaya dinadaan niya sa sipag. Ngunit nito ngang nakaraan ay tila nahihirapan siyang maigi. Tatanungin niya sana ang ina kung pwedeng siyang makituloy sa kaibigan niya upang mag-review, kahit dalawang araw lang, ngunit mukhang sa lagay nito ay hindi pwede. Kailangan niya ring magsakripisyo. Sana magising na ang kaniyang kuya, ‘di niya alam kung hanggang kailan niya kayang lumaban para dito.

Ang akala din ni Tristan ay hindi nakikita ng kaniyang ina ang pagluha, ngunit alam na alam ni Teresa na pati ito’y nahihirapan na. Sa umaga ay eskwela, sa gabi ay ospital ang naging buhay nito. Imbes na mag-enjoy bilang isang kabataan ay puro sakripisyo na ang ibinigay nito. Kaya naman nang gabing iyon, nagtungo si Teresa sa chapel upang magdasal. Lumuhod siya sa Diyos at nagpasalamat sa mga bagay na mayroon pa rin siya. Ngunit mas naging laman ng panalangin niya ang pagmamakaawa Dito, isang napakahirap na panalangin ang kaniyang inusal.

Advertisement

“Panginoon, sobrang tagal ko na pong hinihiling sa Inyo ang kagalingan ng anak kong si Bryan, ngunit mukhang hindi po iyon ang inyong nais. Pero patuloy po akong humihiling ngayon, sana pagalingin niyo na siya… o kung hindi man ay huwag niyo na po siyang pahirapan,” hagulgol na panalangin ni Teresa. Hindi niya namalayan na inuma na pala siya sa pagtangis. Pagtayo niya mula sa pagkakaluhod ay may desisyon na sa kaniyang isipan. Ano man ang mangyari, nagpasya siyang magtitiwala sa Diyos. Ito ang nagbigay kaya’t Ito rin ang kukuha.

Pagbalik niya ay bumulaga sa kaniya ang kwarto ng anak – walang laman. Natataranta niyang hinanap si Tristan. Umiiyak na nagtanong siya sa nurse at doon napag-alam na isinugod pala sa emergency room si Bryan. Pagdating niya ay agad niyang niyakap ang bunso na umiiyak.

“Takot na takot ako ma… si kuya. Saan ka ba pumunta?” umiiyak na sabi ni Tristan. ‘Di niya alam kung nasaan ang ina niya, ‘di nila ito matawagan dahil ang selpon nito ay nasa kwarto noon. Inalo naman ni Teresa ang anak. Puno ng hinagpis ang kaniyang puso. Ito na ba ang sagot ng Diyos? Sobrang sakit man ay tinanggap na niya na maaaring mawala sa kaniya si Bryan. 

Ilang sandali pa ay lumabas ang doktor at pinapasok sila. Hindi ito makapagsalita nang tanungin ni Teresa.

Pagpasok niya sa emergency room, hindi handa ang puso niya sa kaniyang nasaksihan. Napaluhod siya sa gilid ng kama at napaiyak. Gising na si Bryan! Tanging mga pagluha lang ang naging tunog sa kwarto. Sa mga sumunod na araw, lalong pinuspos ng pag-aalaga ni Teresa si Bryan. Si Tristan ay masayang-masayang tinulungan ang kaniyang ina. Isang araw na nasa kwarto silang tatlo ay bigla na lang umiyak si Bryan.

“Patawarin niyo ko ma, Tristan… ang tagal kong naging pabigat sa inyo. Ang dami niyong sinakripisyo para lang sakin,” mapait na sabi ng binata. 

“Anak, ang pamilya ay ‘di kailanman dapat sukuan. Sa hirap at ginhawa, dapat tayong magtulungan,” sabi ni Teresa sa dalawang anak. Ito na lang ang mayroon sa kaniya ngayon pero sapat na iyon. Ang mga ari-ariang nawala, perang nalustay, lahat ng iyon ay maibabalik pa naman. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil ngayong napagtanto niya na ang tagumpay pala ay nasa pagsuko. Nasa buong puso na pagtitiwala na ang Diyos ang bahala.