Parang Nagpapalit Lang ng Damit Kung Magpalit ng Babae ang Lalaking Ito; May Karma Palang Naghihintay sa Kaniya

Panibagong gabi, panibagong babae na naman ang kasama ng tatlumpu´t pitong taong gulang na si Leo. Wala mang asawa at anak, mas abala at magastos pa siya kaysa sa isang taong pamilyado na. Ikaw ba naman ang lumabas gabi-gabi na iba-iba rin ang kasama!

Pagkatapos ng trabaho ni Leo sa opisina, maligalig itong uuwi habang sumisipol pa. Maliligo ito kaagad at bubuhusan ang sarili ng pabango sabay hawi ng buhok habang nakatingin sa salamin. Pakiramdam niya ata ay siya na ang pinakagwapong nilalang sa mundo.

Kahit na tambak na ang gawaing bahay ay hindi niya ito uunahin. Dahil mas importante sa kaniya ang chiks niyang naghihintay sa kaniya sa isang kainan. At siyempre pagkatapos kumain ay maggagala pa sila nito. Kung minsan pa nga ay inuuwi niya ito sa kaniyang condo na halos hindi na rin niya mabayad-bayaran.

Ang tanging pahinga lang ata niya sa pambababae ay sa tuwing pinapag-overtime siya ng kaniyang boss o kapag siya ay may sakit. Ngunit sa oras naman na gumaling siya, agad siyang naghahanap ng babaeng ilalabas niya gabi-gabi. 

Wala na atang mahihiling pa si Leo. Aniya, sinusulit lamang niya ang kaniyang kabataan. Hangga’t wala pang pamilya at anak, kailangan ay masulit niya ang kaniyang pagkabinata. Kahit na nasa hustong gulang na siya ay ganito pa rin ang kaniyang palusot.

Nang gabi na iyon, sabik siyang makilala ang bagong babae na kaniyang kikitain. Magdamag silang nag-usap at nagkwentuhan tungkol sa buhay. Sa gabing iyon, mas nagustuhan ni Leo ang babaeng kasama niya ngayon dahil marami itong napagdaanan sa buhay. Ngunit nang iuwi niya ito sa kaniyang condo, napag-alaman niyang hindi pala ito totoong babae. Inis na inis si Leo at agad na pinalayas ang binabae palang kasama niya!

Kinabukasan, masama ang timplang pumasok sa opisina si Leo. Desidido tuloy siyang makahanap ng isang babae na ubod nang ganda para sa gabing ito. Sobra kasi siyang nadismaya sa nakasama niya kagabi. Nanghihinayang siya dahil malaki rin daw ang kaniyang nagastos sa pagkain at inumin. Napapailing na lamang siya habang naaalala kung gaano kasaklap ang nangyari sa kaniya. 

Isang ngiti ang nagpabago sa tono ng emosyon ni Leo nang matagpuan sa isang online app ang isang babae na ubod nang ganda! Sa pagkakataong ito, kailangang masiguro raw niyang totoong babae ito. Kaya bago ang pagkikita, tinawagan niya ito gamit ang selpon at nakumpirma niyang isa itong tunay na babae. 

Advertisement

Sabik ulit na umuwi si Leo habang sumisipol sipol pa. Buhos ng pabango sa sarili sabay hawi ng kaniyang buhok na itinataas pa niya. Handa na siya sa wakas na ilabas ang pagkadismaya sa nangyari sa kaniya kagabi. Magsasaya siya ngayong gabi kasama ang bagong babaeng ilalabas niya.

Sa unang tingin pa lamang ni Leo sa babae ay kuminang na ang kaniyang mga mata sa taglay na kagandahan nito. Morena at makinis ang balat ng babae. Mahaba ang buhok at balingkinitan ito. Kahit sila ay nag-uusap, ramdam ni Leo ang pagkahayok niya sa hitsura pa lang ng babae. Hanggang sa nagtagumpay siyang maiuwi ito sa kaniyang condo matapos nilang uminom ng ilang bote ng alak. 

Nagising si Leo na putok na ang araw. Nakangiti ang binata habang inaalala ang nangyari ng gabi na para bang isang panaginip para sa kaniya. Good mood siya nang buong araw at naisipan pang maglinis at maghugas ng tambak niyang mga hugasin. Gustuhin man niyang makasama ulit ang babae subalit batas niyang hindi maaaring maulit ang mga babaeng inilalabas niya. Bawal daw kasing mapamahal sa kaniya o mahalin siya ng mga ito. Mawawalan na raw ng gana o kasabikan kapag ganoon na ang nangyari.

Lumipas ang mga araw at patuloy si Leo sa kaniyang mga kalokohan at paandar. Sa umaga ay tipikal na binatang nagtatrabaho at kumakayod. Sa gabi naman ay parang isang kabataang nakawala sa koral sa pinaggagawa nito sa kaniyang buhay.

Ilang buwan ang lumipas, nakaramdam si Leo ng sakit sa iba´t ibang parte ng kaniyang katawan. Sa una ay hindi niya ininda ang mga sugat na lumilitaw sa kaniyang balat. Kasabay pa nito ang hindi na gumagaling na ubo at sipon. Maga rin madalas ang lalamunan at nagsimula siyang magkaroon ng trangkaso.

Isang linggo na ang nakalipas ngunit pakiramdam ni Leo ay hindi siya gumagaling sa mga gamot lamang na kaniyang binibili. Dito na niya napagdesisyunang magpatingin sa isang doktor. Ang check-up ni Leo ay nauwi sa isang buwang pagtigil sa ospital. Ito ay matapos malaman na may sakit si Leo na nakuha niya mula sa pakikipagtal*k. Hindi niya maisip kung sinong babae ang nakahawa sa kaniya. Subalit isang mahalagang leksiyon ito sa kaniya na naging mali siya sa kaniyang katuwiran. Kung sana ay naging seryoso siya sa buhay, hindi sana siya magkakaroon ng isang sakit na hindi na gagaling kahit na kailan. 

Sisi at hiya ang naramdaman niya sa dulo ngunit wala na siyang magawa. Tayo ang may karapatang pumili ng ating mga desisyon ngunit wala tayong kapangyarihang piliin kung ano ang kakalabasan ng mga iyon – iyan ang mapait na katotohanang napagtanto niya.