Pakiramdam ng Dalagang Ito ay Palaging May Sumusunod sa Kaniya; Tunay Kaya Iyon o Isa Lamang Haka-Haka?

Pabilis nang pabilis ang lakad ni Fe habang pauwi siya galing trabaho. Nurse siya sa isang malaking ospital sa siyudad na sampung minuto lamang ang layo mula sa kanilang bahay. Subalit pakiramdam niya ay ilang araw na siyang minamanmanan ng kung sinuman. 

Pagkauwi sa bahay ay hinahabol pa niya ang paghinga. Sabay silip sa kurtina ng kanilang bintana kung mayroon mang nakasunod sa kaniya. Subalit bigo siya dahil isang pusa lamang ang kaniyang natanaw.

¨Ayan ka na naman sa sinusundan ka! Eh ilang araw mo na sinasabi iyan. Sinasamahan ka pa namin noon kaso wala naman talaga! Tigil-tigilan mo na kasi panonood mo ng mga nakakatakot na palabas, ate!¨ bwelta sa kaniya ng bunsong kapatid nang makita siya nitong sumisilip sa bintana. 

Ilang saglit pa ay dumating ang kaniyang ina at inaya na silang maghapunan. Nagkwentuhan ang mag-iina tungkol sa kanilang araw. Subalit si Fe, tulad ng dati ay binanggit na naman na malakas ang pakiramdam niyang may sumusunod talaga sa kaniya. Mabilis itong hinarang ng kaniyang kapatid dahil wala raw iyong katotohanan. Ilang sandali pa ay napangiti si Fe nang maalala na mayroon na namang nagpadala ng bulaklak at tsokolate sa kaniya sa ospital. Kilig na kilig ang dalaga dahil akala niya ay mayroon na siyang lihim na manliligaw.

¨Hay naku! Ayan ka na naman sa mga pantasya mo, ate! Hindi ka nga sigurado baka pinagtitripan ka lang ng mga kasamahan mo eh!¨ muling bwelta ng kaniyang kapatid na mabilis na nakairap sa kaniya.

Basta para sa kaniya ay nasisiyahan na siya kahit hindi pa man niya nakikilala ang lihim niyang manliligaw. Sa tuwing pinapagalitan siya ng kaniyang boss, palagi siyang binibigyan ng liham nito at mga pagkain upang mapawi ang kaniyang lungkot. Kaya alam niyang malapit lamang sa kaniya ang kaniyang manliligaw. 

Isang araw, malakas ang pakiramdam ni Fe na ang hinahangaan niyang kasamahan na si Cyrus ang lihim niyang manliligaw. Kung hindi ito aamin sa kaniya, handa na siyang sabihin na alam na niya ang lahat kung kaya inaya niya itong sabay na mananghalian.

Habang kumakain, lumapit ang isang babae na sumama rin sa kanilang tanghalian. Nanlumo si Fe nang ipakilala ni Cyrus ang babae na kasintahan nito. Napatanong na lamang si Fe sa lalaki kung hindi ba ito ang lihim niyang manliligaw. Walang kaalam alam ang binata sa binibigkas ni Fe ng mga oras na iyon. Dismayado siya dahil mali pala siya ng akala. Isa pa, hindi niya alam na may nobya na pala ang hinahangaan niyang si Cyrus!

Advertisement

Umuwing dismayado si Fe nang gabing iyon. Pagkababa ng bus ay mabagal na naglakad si Fe pauwi sa kanila. Subalit ilang saglit lamang ay ramdam na naman niya na may sumasabay sa kaniyang mga yapak. Binilisan pa niya nang kaunti hanggang sa bigla na lamang siyang napasigaw nang malakas matapos may humawak sa kaniyang braso na isang matandang lalaki!

Kumaripas ng takbo si Fe ngunit nahabol at pinakalma siya ng matandang lalaki. Kinalma niya ang sarili at nilakasan ang loob na tanungin ang pagkakakilanlan ng estrangherong ito. Naguluhan si Fe nang malaman ang tunay na pagkatao nito.

Ang matandang lalaki raw ang kaniyang tunay na ama na matagal nang nawalay sa kanila. Nagpasiya siyang iuwi sa kanila ang ama subalit tumanggi ito dahil hindi raw siya tatanggapin ng kanilang ina. Kumain ang mag-ama sa isang maliit na karinderya sa malapit na siniguro ni Fe na maraming tao, nais niyang mas makumpira ang kwento nito. Ikinuwento ni Danny ang lahat ng nangyari sa kaniya simula noong araw na hindi na siya nagparamdam pa sa kaniyang pamilya. 

Ang mga tsokolate at bulaklak ay padala ng kaniyang ama na palaging nagmamanman sa kaniya. Nahihiya kasi siyang basta na lamang magpakita kaya inobserbahan muna niya ng isang buwan ang pamilyang matagal nang nawalay sa kanila. Isang daang porsyento na naniniwala si Danny na hindi na siya matatanggap pa ng kaniyang asawa.

Naloko kasi si Danny noon sa isang investment kung saan nalustay niya ang lahat ng pera nila ng asawa. Mula noon nahiya na siyang magpakita ngunit pinagsisisihan niya ang lahat ng iyon. Nag-abroad siya at nag-ipon upang isang araw ay may mukha siyang maipakita sa kaniyang pamilya. Ipinakita pa ni Danny ang ilang larawan bilang patunay.

Habang nagkukwento ng kaniyang naging buhay si Danny, maluha-luha si Fe na nakikinig sa kaniya. Nagulat sila nang makita ang ina na nasa likuran lang pala nila. Narinig lahat ng ina ni Fe ang kwento ng kaniyang ama. Ang mainit na yakap nito ang nagsilbing hudyat na tinatanggap na niyang muli ang asawa. Dahil wala ni isang araw na hindi nila ipinalangin ang araw na mabubuo silang muli. Ang mga sabay na yapak, ang tsokolate at mga bulaklak pala ang magiging daan sa muling pagkakabuo ng kanilang pamilya.