Pinaglaruan ng Magbabarkadang Ito ang Matandang Nagtatrabaho sa Isang Kainan; Gaganti ang Tadhana sa Kanila

Maagang pumasok ang animnapu´t pitong gulang na si Lola Imelda bilang kahera sa isang fastfood chain sa kalagitnaan ng abalang siyudad. Sa ganitong edad, kayang-kaya pa bumuhat ni lola ng napakabigat na mga dalahin. Kung gaano kalakas ang kaniyang pangangatawan, ganoon din katulin mag-isip ang kaniyang utak. Halos walang makikitang mali sa kaniya kung hindi lamang sisilipin ang edad at ang hitsura niya dahil puti na ang buhok at kulubot na ang kaniyang balat. 

Nagkaroon kasi ng oportunidad na makapagtrabaho ang mga matatanda na nasa ganoong edad na kung mapatunayan nilang kaya pa nilang manilbihan sa mga tao. Subalit si Lola Imelda pa lamang ang matapang na sumubok ng ganito at laking tuwa niya na nakapasok siya kaagad.

Sa tuwing nakikita siya ng mga tao sa kainan na iyon, natutuwa ang mga ito at nagpapakuha pa ng larawan kasama siya. Hindi kasi sila makapaniwala na sa ganoong edad ay kayang-kaya pa magtrabaho ni Lola Imelda. At siyempre kung mayroong natutuwa ay hindi mawawala iyong mga taong walang galang at respeto katulad na ng tropahan nina Mark, Cyrus, Jacob, at Ian. 

Ang apat na ito ay suki ng kainan na matatagpuan lamang malapit sa pinapasukan nilang paaralan. Wala ring pinipili o sinasanto ang mga ito pagdating sa kalokohan. Palibhasa ay galing sa mayamang pamilya kaya ganito na lamang sila kung makaasta sa kahit na sino.

Isang tanghali, pumasok ang apat na nagtatawanan pa subalit bakas sa kanilang mga mukha na gutom na ang mga ito. Nakita nila na may babaeng naglilinis ng sahig subalit hindi nila iyon pinansin at intensiyonal pang tinapakan ang parteng kakalinis lang nito. Napansin kaagad ni Lola Imelda ang angas, yabang, at kawalan ng galang ng apat na ito. 

Dahil walang ibang tao sa kahera, tumingin ang apat kay Lola Imelda na nakasuot naman ng uniporme. Subalit walang karespe-respeto at sa matanda pa sila mismo nagtanong kung may matino ba raw na empleyadong pwede nilang makausap. Imbes na mainis, ngumiti si lola at tumugon nang maayos na siya ang bantay at siya ang dapat na kausapin ng mga ito.

Nagtinginan ang apat at malakas na nagtawanan. Halos kalahating minuto na nag-usap usap ang mga ito sa harap ng matanda na nakatayo at naghihintay ng kanilang order. Subalit alam naman ni lola na sinasadya iyon ng apat na binata. Hinabaan pa ni Lola Imelda ang kaniyang pasensya. Maya-maya pa ay muli siyang tinanong ni Mark kung pagod na ba raw siya kakahintay at mayroon ba daw mas bata silang maaaring makausap dahil marami daw silang oorderin. Minaliit nila nang husto si Lola Imelda na nagpapasensya sa kanila. Ngunit nanatiling kalmado ang matanda at sa halip na mainis ito ay gutom lang ang napala ng magkakaibigan.

Nag-order ang apat habang nakatayo pa rin ito sa harapan ni Lola Imelda. Patuloy ang kanilang pagpaparinig na dapat daw ay walang uugod-ugod ang nagtatrabaho pa. Kung anu-ano pang kabastusan ang inabot ng matanda sa magbabarkadang iyon. Kahit na sa pag-abot ng bayad, kunwari ay nabitawan subalit sinadya naman talaga nila itong itapon.

Advertisement

Nang hapon na iyon, halos dalawang oras din ang ginugol ng magtotropang iyon sa loob ng kainan. Sa bawat pagbato ng nakakainis na mga salita, walang negatibong reaksiyon o sagot rito si Lola Imelda. Ngiti at pagiging magalang pa rin ang pinairal ng matanda bilang empleyado.

Sa paglabas ng magtotropa, aalis na sana sila ngunit napansin nilang flat ang gulong ng kanilang sasakyan! Lalong nainis ang mga ito. Ang saya na nagmula sa pantitrip sa matanda ay napalitan ng simangot at kunot na mga noo. Ilang sandali pa ay dumating ang isang puting sasakyan. Pagbukas nito, laking gulat nila dahil laman ito ng mga pulis na siyang dumakip sa kanila at dinala sila sa presinto.

Walang lisensya ang unang inireklamo laban sa kanila. Dahil mayaman, agad nilang tinawagan ang kanilang mga magulang upang magbayad. Subalit laking gulat nila nang makita ang matanda sa presinto. Sa una ay hindi pa nila maarok ang nangyayari. Ngunit nagpakilala ang matanda na siya pala ang bagong mayor ng siyudad! Kaya lang ito nagkunwari at namasukan bilang waitress ay para maging inspirasyon para sa iba.

Halos hindi makatingin ang apat sa matanda. Kung paano nila ito minaliit kanina ay ganoon naman sila nanliliit sa kanilang mga sarili. Bilang parusa, araw-araw na maglilinis ng buong siyudad ang apat. Sa bawat araw na ginagawa nila iyon ay walang magawa ang kanilang mga pera para bayaran ang pagkakamaling ginawa. Naguguluhan pa rin sila kung paano nagkungwaring waitress ang mayor pero sigurado silang may natutuhan sa pangyayaring iyon. Natuto sila na mas mahalaga ang respeto at paggalang sa kahit na sino kaysa sa kung anumang pag-aari ang mayroon ka.